Signs of toxic marriage: Narito ang mga senyales ng toxic marriage. Pati na ang mga dapat gawin upang ito ay matigilan na at ang pagsasama ninyo ay maisalba pa.
Signs of toxic marriage
Pagdating sa pag-aasawa, hindi lahat ng oras ay siguradong tahimik at masaya. May mga pagkakataong susubukin ang inyong pagsasama. Madalas ito ay dahil sa inyong personal difference o pagkakaiba sa pag-uugali at paniniwala na maaring pagmulan ng mas malalim na problema. Kung gugustuhin ng mag-asawa ang mga problemang ito ay maaayos pa. Ang unang paraan nga upang maisagawa ito ay matukoy ang senyales ng toxic marriage at gawin ang nararapat na aksyon upang ito ay maitama.
Narito nga ang mga signs of toxic marriage na dapat mong bantayan sa isang relasyon. At mga dapat gawin upang ang pagsasama ninyo ay maisalba pa.
Senyales ng toxic marriage at and dapat gawin upang ito ay maitama
1. Matagal na kayong magkagalit at hindi nag-uusap ng iyong asawa.
Ayon sa psychologist na si Joel Block, ang hindi pag-uusap ng isang mag-asawa ay hindi magbibigay ng solusyon sa kanilang problema. Sa halip ay mas pinapalalim pa nito ang hindi pagkakaintindihan sa pagitan nila. Kaya naman payo niya mas mabuting maging open sa isa’t-isa. Sabihin ang naiisip at nararamdaman at magtiwala sa iyong asawa. Dahil ito ang susi sa pagkakaroon ng masayang pagsasama.
2. Palagi ninyong isinasawalang bahala ang mga maliliit ngunit mahahalagang emotional issues na inyong nararanasan.
Sabi nga ng kasabihan, ang isang salita kapag nasabi na ay mahirap ng bawiin pa. Ito ay nagdudulot ng sugat na kapag naulit ng naulit ay mas lumalalim at nahihirapan ng gumaling pa. Kaya naman payo parin ni Block mas mabuting kahit maliliit na issues ay inyo ng pinag-uusapan. Lalo na kung ito ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng sama ng loob sa iyong partner. At higit sa lahat ay laging isipin ang nararamdaman niya bago magbitiw ng mga masasakit na salita.
3. Paulit-ulit kayong nag-aaway at mas lumalala pa ito sa pagdaan ng araw at panahon.
Ang paulit-ulit na pag-aaway ay maaring magdulot ng frustration at resentment sa isang pagsasama. Lalo na kung ito ay palala pa ng palala. Ayon parin kay Block, ito ay maari namang maiwasan. Gawin ito sa pamamagitan ng pag-stepback o pag-lielow kung nagsisimula ng uminit ang usapan. Iwasan ang name-calling at magkaroon ng ground rules sa inyong pag-uusap at hindi pagkakaintindihan.
4. Palaging napupuna ng iyong asawa ang lahat ng iyong ginagawa.
Ayon kay Dr. Tony Ortega, isang psychologist, ang pagiging critical o pagiging mapuna ng iyong asawa ay palatandaan na siya ay insecure sa sarili niya.
“One of Freud’s defense mechanisms is projection where the individual projects unwanted/unrecognized aspects of themselves onto someone else.”
Ito ang pahayag ni Ortega. Payo niya sa oras na ganito ang behavior ng iyong asawa ay mabuting alamin ang dahilan ng insecurities niya. At iparamdam sa kaniya na wala siyang dapat ipag-alala o ikabahala.
5. Isa sa inyo ay laging nagtatago ng sikreto o hindi nagsasabi ng totoo.
Ang isa sa pangunahing senyales ng toxic na marriage ay kapag nagsisimula ng magtago ng sikreto ang mag-asawa sa isa’t-isa. Dahil ito ay pinagsisimulan ng pagkasira ng tiwala na iniuugnay madalas sa panloloko o pagtataksil sa asawa. Bagamat minsan ito ay ginagawang paraan upang maiwasan ang pagtatalo, hindi parin ito makakabuti sa isang pagsasama. Dahil ayon nga kay Block ang pagiging open at pagkakaroon ng tiwala sa isa’t-isa ang susi sa pagkakaroon ng maayos na pagsasama.
6. Kapag ikaw ay nagsisimulang gumawa ng social activities ng hindi kasama ang iyong partner at pinararamdam niya sayo na mali ito.
Ayon kay Ortega, hindi maling magkaroon ng oras para sa sarili mo. Basta’t ito ay hindi makakasama sa relasyon o pagsasama ninyo ng partner mo.
“As long as doing your own thing is not done with the active intention of causing harm while engaging in self-care, this is honestly one of the healthiest things we can do for ourselves.”
Ito ang pahayag ni Ortega.
Ngunit kung ang partner mo ay tila minamasama ito at pinagmumukhang mali ang ginagawa mo, ito ay isa na umanong red flag sa relasyon. Dahil nangangahulugan ito na hindi nirerespeto ng iyong partner ang iyong personal space. Sa ganitong pagkakataon ay mainam parin na kausapin siya at i-encourage siyang gumawa ng mga activities kasama ang mga kaibigan niya. Ngunit dapat ay hindi parin kayo nawawalan ng oras para sa isa’t-isa.
7. Kinokontrol ng iyong partner ang lahat ng kilos at ginagawa mo.
Ang pagpapakita ng controlling behavior ng iyong partner ay palatandaan na siya ay insecure o may ikinatatakot. Maaring ito ay ang mawala ka sa piling niya. Bagamat ito ay patunay ng pagmamahal niya sayo, masama naman ito sa inyong pagsasama. Dahil nagpapakita rin ito ng kawalan ng tiwala. Kaya mas mabuting kausapin siya. Alamin ang kaniyang nararamdaman at siguraduhin sa kaniya na wala siyang dapat ipag-alala.
8. Isa sa inyo ay nagloloko o nagtataksil.
Ang cheating o panloloko ay ang numero unang violation sa isang relasyon. Madalas kapag ito na ang isyu ay tuluyang nasisira ang pagsasama. May mga pagkakataong maari nitong maisalba ng maayos na pag-uusap sa pagitan ninyong dalawa. Ngunit mas makakatulong ang pakikipag-usap sa professional therapist. Ito ay upang matukoy kung ano ang naging dahilan ng pagtataksil at ito ay maayos at hindi na maulit pa.
9. Unti-unting nawawala na ang iyong self-worth o pagpapahalaga sa sarili.
Ang isang relasyon ay dapat nagiging daan upang mas mag-improve ka bilang isang tao. Hindi upang mawalan ka ng pagpapahalaga sa iyong sarili. Kaya kung nagsisimula ka ng mawalan ng self-worth at nagsisimula ka ng tumigil sa paggawa ng mga bagay na nagpapasaya sayo, ay magdahan-dahan ka na. Tingnan ang bawat aspeto ng inyong relasyon at pagsasama. Kausapin ang iyong partner at maging matapat sa kung anong maitutulong niya sayo para manumbalik ang dati mong ganda at saya.
10. Wala ng affection ang inyong pagsasama.
Natigil na ba ang dating mga exciting ninyong pagtatalik? O kaya naman ay hindi na kayo naglalambingan tulad ng dati? Palatandaan ito na unti-unti ng nawawala ang inyong affection sa isa’t-isa. Imbis na tanungin o hintayin ang iyong partner na kumilos para maayos ito ay mabuting mag-isip sa kung anong iyong magagawa upang mas mabigyan ng pansin ang inyong relasyon. Maaring kayo ay lumabas para mag-date sa isang lugar na magbabalik sa mga ala-ala kung paano kayo nagsimula.
11. Nagkakaroon na kayo ng physical confrontations o nagkakasakitan na.
Ang pananakit ay hindi maganda. Sa isang pagsasama, isa itong palantandaan na nagsisimulan ng mawalan ng pagmamahal at respeto ang bawat isa. Kung ang pananakit ay sobra na at patuloy na ang batuhan ng masasakit na salita, mas mabuting pagpahingahin muna ang relasyon. Bigyan ng break ang bawat isa upang makapag-isip kung ang relasyon ay dapat pa bang ituloy o hindi na.
Source:
Basahin:
Nangaliwa ang asawa ko, maaayos pa ba ang relasyon namin?