Hindi lahat ay lumalaki kasama ang kanilang Nanay at Tatay, isa na ako roon. Pinalaki ako ng isang single Dad. Hindi biro ang pagiging single parent ayon iyan sa aking Tatay. Marami ang kailangan mong gawin ng doble para mapalaki ang iyong anak ng maayos.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang pagiging Single Dad
- 3 tips para sa mga single parents
Narito ang ilang karanasan ng aking Daddy na si Roel sa kaniyang pagiging single Dad at mga tips niya rin para sa mga katulad niyang single Dad at single parent.
Ang pagiging Single Dad
Hindi umano akalain ni Roel na magiging single parent siya. Kakadalawang-taon gulang ko pa lamang noon nang maging single Dad siya. Sa kasamaang palad naghiwalay sila ng aking nanay at iniwan ako sa kaniya.
Hindi umano alam ng aking Tatay kung ano ang kaniyang gagawin sapagkat mag-isa lamang siya. Ang pinakamahirap umano ay maging isang Nanay at Tatay para sa akin. Siyempre, kinakailangan niyang magtrabaho at maibigay ang aking pangangailangan.
Sa kabilang banda, kailangan din niya akong palakihin at alagaan dahil bata pa lamang ako noon. Hindi naging madali sa kaniya ito, dahil mahirap ang buhay noon at na-realize niya na hindi niya ako mabibigyan ng maayos na buhay kung dito lamang siya sa bansa magtatrabaho.
Pagkukuwento niya,
“Nagdesisyon akong magtrabaho sa Japan noon bilang machinist. Para kahit papaano ma-secure ko iyong pag-aaral mo (ng anak ko). Mahirap din sa akin dahil walang mag-aalaga sa ‘yo. Buti na lang tinulangan ako ng Nanay ko at mga kapatid ko sa pag-aalaga sa ‘yo.”
Minsan umano naawa siya sa akin na kaniyang anak dahil lalaki akong hindi kinakalinga ng tunay kong Nanay. Iyon umano ang pinakamasakit sa kaniya. Kaya naman naisip niya na kung patuloy siyang magtatrabaho sa ibang bansa ay mas lalo akong kawawa.
Sapagkat alam niya na higit pa sa pinansyal na pangangailangan ang kailangan ko. Kailangan niya ring mapunan ang pangangailangan ko ng isang magulang na gagabay sa aking paglaki. Mahirap umano iyon kung malayo siya sa akin,
“Naisip ko nung pagkabalik ko sa galing Japan na kawawa naman ang anak ko. Wala na nga siyang Nanay, wala pa siyang Tatay na malapit sa kaniya.”
May mga naipundar naman ang aking Tatay kahit papaano upang maipagpatuloy niya ang pag-provide ng aking financial needs noong bumalik siya galing ibang bansa.
Mahirap umano para sa aking Tatay na palakihin ako. Isa umano sa challenges niya ay kung paano ba ako bibilhan ng damit. Sapagkat lalaki siya hindi niya umano alam gusto kung ano ba ang babagay sa akin.
“Nahihirapan ako noon, kasi siyempre lalaki ako. Hindi ko alam kung ano bang damit halimbawa ang dapat kong bilhin sa ‘yo kasi babae ka. Hindi ko alam kung tama ba o gusto mo ba ang bibilhin ko para sa iyo.”
Sa kabila umano ng kaniyang mga naranasan at paghihirap, masaya siya dahil lumaki ako na kaniyang anak ng maayos at nakapagtapos ako ng pag-aaral.
BASAHIN:
STUDY: Mas pagod ang mga nanay na may asawa kaysa sa mga single moms
Nanay: “Kailangan mong maging matatag kung magiging single parent ka.”
3 tips para sa mga single parents
Para umano sa mga katulad niyang single parent narito ang kaniyang mga tips at maipapayo sa kanila.
-
Maging matatag
Kahit umano mahirap ang pagiging isang single parent, single dad o mom ka man kailangan mong maging matatag para sa iyong anak o mga anak. Mahirap umano sa umpisa at paminsan-minsan pero dapat mong isipin na ikaw na lamang ang naririyan para sa iyong anak. Pahayag niya,
“Dapat maging matatag ka para sa anak mo, lalo na ikaw na lang ang andyan para sa kaniya. Siyempre, kailangan mo ring isipin kung paano mo siya mabubuhay. Lagi ka lang magpursigi para sa ikabubuti niya.”
-
Matuto kang bumalanse sa pagpapalaki sa iyong anak.
Dahil ikaw na lang ang magulang ng iyong anak o mga anak, dapat umano marunong kang magbalanse sa pagiging Tatay at Nanay ng sabay.
“Minsan dapat alam mo kung kailan ka magpapaka-Nanay o magpapaka-Tatay sa iyong anak. Dapat balanse ka.
Dahil walang Nanay ang anak ko na masasabihan niya ng mga problema niya ay dapat nakikinig ako sa ‘yo.
Kahit boy problem pa minsan. Siyempre, alam mo rin dapat kung kailangan ka magiging Tatay na disciplinarian. Lalo na kapag may nagagawa kang mali.”
-
Dapat mayroon kang pangarap sa anak mo.
Siyempre, lahat naman umano ng magulang may pangarap para sa kanilang anak. Dapat lagi kang may pangarap para sa iyong anak ayon sa aking Daddy na si Roel.
“Dapat mayroon kang pangarap sa anak mo. Iyon lagi mo iisipin, kumbaga iyon ang motivation mo kahit sa mahihirap na panahon.
Ako proud moment ko noong natapos ka ng Kolehiyo. Kapag may pangarap ka kasi sa anak mo alam mo ‘yong daan na tatahakin mo para matupad iyon.”
Halos 22 taon nang single Dad ang aking Tatay, at bilang anak niya masasabi ko na napalaki niya ako ng maayos. Kahit na lumaki ako walang Ina ay punong-puno naman ako ng pagmamahal. Hindi lahat ay nabibiyayaan ng isang mapagmahal at mabuting Nanay o Tatay.
Subalit mapalad ako kahit papaano na may isa akong mabuti at mapagmahal na Tatay. Narito ang handog kong tula para sa aking Daddy na si Roel sa lahat ng kaniyang sakripisyo para sa akin.
Palagi kong nakikita ang paa mong puno na ng kalyo.
Sa maghapo’t magdamag na pagtatrabaho.
Ang mga mata mong malamlam na hindi pa rin pumipikit.
Upang sa kalupi’y may maipit.
Hindi ko na maalala kung kailan ika’y nagpahinga.
Sa maghapo’t magdamag na pagtitiyaga.
Sa kalsadang iyong naging takbuhan.
Upang mapumunan ang aking pangangailangan.
Higit ka pa sa isang Ama.
Higit ka pa sa isang Ina.
Sapagkat pinag-iisa mo ang dalawa.
Happy Father’s Day sa lahat ng Tatay, at mga Nanay na Tatay din sa kanilang mga anak.