Sintomas na patay na ang baby sa tiyan o stillbirth at ang mga dahilan kung bakit ito nararanasan ng isang babaeng nagdadalang-tao.
Ang dahilan kung bakit dapat pag-usapan ang stillbirth
Ayon sa World Health Organization o WHO, may 2.6 million na baby sa buong mundo taon-taon ang nakakaranas ng stillbirth. Ito ay ang pagkamatay ng sanggol na may higit sa 28 linggo ng ipinagbubuntis. Pero malaki ang posibilidad na mas higit pa sa nabanggit na bilang ang mga sanggol na nasawi sa loob ng tiyan ng kanilang ina. Dahil maraming babae ang nahihiya, na-giguilty at hindi kayang ipaalam sa iba ang naranasan nila. Ito ay bunsod ng kanilang kultura, paniniwala at lipunang kinabibilangan.
Pero hindi naman daw dapat makaramdam ng pagkapahiya o guilt ang mga babaeng nakaranas ng stillbirth. Dahil sa ito ay 98% na nangyayari sa mga low at middle income countries. Isa sa lumalabas na dahilan kung bakit ito nangyayari sa pagbubuntis ay ang kakulangan sa antenatal healthcare o ang tamang medical support habang nagbubuntis. Pero may mga high-income countries rin ang nakakaranas ng stillbirth. Ito naman ay resulta ng kinakaharap na health condition ng babaeng nagbubuntis. Pati narin ang substandard care na kanilang nakukuha habang nagdadalang-tao.
Kaya naman hindi dapat sisihin ng isang babae ang kaniyang sarili kung makaranas ng stillbirth. Ito ay upang maiwasan rin ang mga mental health issues na kaniyang maaring harapin matapos ang pagkawala ng kaniyang sanggol.
Bagamat ang stillbirth ay isang kondisyon sa pagbubuntis na hindi inaasahan, ito naman ay maaring maiwasan. Kaya naman mahalagang ito ay mapag-usapan.
Ang una ngang paraan upang maintindihan kung bakit ito nangyayari sa pagbubuntis ay ang mga dahilan na nagdudulot nito. Ito ay ang sumusunod:
Dahilan kung bakit nangyayari ang stillbirth sa pagbubuntis
Ayon sa CDC, maraming posibleng dahilan para makaranas ng stillbirth ang isang pagbubuntis. Ito ay ang sumusunod:
- Pagkakaroon ng mga medical conditions tulad ng pagiging obese, pagkakaroon ng diabetes at high blood pressure.
- Pregnancy conditions tulad ng pagbubuntis ng higit sa isang sanggol.
- Pagkakaroon ng liver condition na kung tawagin ay intrahepatic cholestasis of pregnancy o ICP.
- Pagkakaroon ng impeksyon ng ina, ni baby o placenta.
- Komplikasyon sa naunang pagbubuntis tulad ng premature birth, preeclampsia o fetal growth restriction. O kaya naman ay pagkakaranas na ng stillbirth o miscarriage sa nakalipas na pagbubuntis.
- Edad ng babae, kung siya ay mas bata sa 20-anyos at higit sa 35-anyos na.
- May bisyo tulad ng pag-inom ng alak, pag-sisigarilyo at paggamit ng bawal na gamot.
- Na-expose sa mga uri ng polusyon o kemikal habang nagbubuntis.
Kung ang isang babaeng buntis ay nakakaranas ng mga nabanggit na kondisyon ay mataas ang tiyansa niyang makaranas ng stillbirth. Kaya naman mahalagang malaman niya ang mga sintomas na patay na ang baby sa tiyan o stillbirth na kailangan niyang bantayan.
Sintomas na patay na ang baby sa tiyan o stillbirth
Narito ang mga sintomas stillbirth.
- Pakiramdam na tumigil na sa paggalaw o bumaba ang bilang ng pagsipa ang sanggol sa loob ng tiyan.
- Cramps o pananakit sa vagina.
- Pagdurugo sa vagina o pwerta.
Sa oras na makaramdam ng mga nabanggit ay mahalagang magpunta agad sa doktor.
Ang bilang ng pagsipa ng sanggol ay mai-track ng isang buntis sa sumusunod na hakbang:
- Humiga sa iyong left side.
- Bilangin at i-record ang bawat sipa o movement na ginagawa ng iyong sanggol.
- I-record rin kung ilang minuto ang inabot bago siya nakabuo o nakagalaw ng sampung beses.
- Gawin ang mga hakbang na ito araw-araw sa parehong oras.
- Kung sa loob ng 2 oras ay hindi gumalaw ang iyong baby ng sampung beses o bigla nalang kumonti ang dalas ng kaniyang pag-sipa ay ipaalam na agad ito sa iyong doktor.
Paano ma-diagnose ang stillbirth at ang mga dapat asahan pagkatapos nito
Para ma-diagnose ang stillbirth ay kailangang sumailalim ng buntis sa isang ultrasound scan. Ito ay upang makita ang kalagayan ng sanggol sa loob ng sinapupunan.
Sa oras na matukoy ngang nakaranas na ng stillbirth ang sanggol ay naka-depende na ang mga susunod na hakbang kung gaano na katagal ang pagdadalang-tao. Maaring mag-induce labor o ma-cesarean ang buntis upang mailabas ang wala ng buhay na sanggol. Pupwede rin namang hintayin na siya ay mag-labor ng natural. Ito ay madalas na nangyayari 2 linggo matapos masawi ang sanggol sa sinapupunan.
Kapag nailabas na ang sanggol ay isasailalim ito sa mga test upang matukoy ang naging dahilan ng pagkasawi nito. Ang mga test na ito ay ang sumusunod:
- Amniocentesis upang matukoy kung dahil ba sa genetic condition o infection nasawi ang sanggol.
- Autopsy upang masuri ang mga organs ng sanggol at matukoy kung ang kaniyang pagkakasawi ay dahil ba sa birth defects o iba pang kondisyon.
- Genetic tests para ma-check ang genetic conditions ng nasawing sanggol.
- Test para sa impeksyon o inunan ng sanggol.
Ang pagkawala ng isang sanggol ay napakabigat para sa isang ina. Kaya naman makakatulong ang suporta mula sa mga taong nakapaligid sa kaniya. At para matulugan rin siyang makacope-up at makapagmove-on sa pagkawala ng kaniyang sanggol.
Maari pa namang muling magbuntis ang isang babaeng nakaranas ng stillbirth. Ngunit sa susunod ay kailangan niya ng isaisip ang mga hakbang upang maiwasan ang stillbirth.
Paano maiiwasan ang stillbirth?
- Magpa-prenatal checkup upang masubaybayan ang kalusugan at kalagayang ng ipinagbubuntis na sanggol.
- Agad na sumailalim sa treatment kung may nararanasang medical condition.
- Siguraduhing nasa malusog na timbang bago magbuntis.
- Huwag manigarilyo, uminom ng alak at gumamit ng bawal na gamot habang nagdadalang-tao.
- Kung makaranas ng pananakit sa tiyan o pagdurugo sa pwerta ay agad na ipaalam sa iyong doktor.
Source:
WHO, CDC, March of Dimes, Healthline
BASAHIN:
Stillbirth Story: “Hindi ko naramdaman na gumagalaw si baby sa loob ng tiyan ko”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!