Kakulitan ng bata – natural para sa kanila, o senyales ng isang neurodevelopmental disorder? Alamin rito ang mga sintomas ng ADHD sa bata.
Natural sa mga bata ang maging makulit – ang magkaroon ng maraming energy, at hindi nauubusan ng tanong. Subalit paano mo ba malalaman kung ang kakulitan ng iyong anak ay normal lang para sa kaniyang edad, o senyales na ng isang sakit?
Marahil narinig mo na ang term na “ADHD” mula sa ibang tao. Kadalasan, naiuugnay ito sa mga bata o taong makukulit. Pero ano ba ang ADHD at ano ang mga sintomas nito sa mga bata?
Talaan ng Nilalaman
Ano ang ADHD?
Ang Attention deficit hyperactivity disorder o ADHD ay isang sakit na konektado sa development at pag-iisip ng isang tao na nakakaapekto sa kaniyang pagkilos at pakikitungo sa ibang tao.
Milyon-milyong bata sa buong mundo ang naaapektuhan ng sakit na ito. Kadalasan, nada-diagnose ang bata ng ADHD kapag nagsisimula na siyang mag-aral. Pero maaaring makakita ng sintomas nito maging sa maliliit na bata.
Isang dahilan kung bakit hindi agad sinasabi ng doktor na may ADHD ang isang bata kapag maliit pa ito ay dahil mahirap tukuyin kung ang kaniya bang ikinikilos.
Ito ay sintomas ng ADHD sa bata, o natural lang sa kaniyang edad. Kaya naman madalas ay hinihintay pang dumating sa school age ang bata (6-taong gulang pataas) bago kumpirmahin kung mayroon nga siyang ADHD.
Pero noong taong 2011, nagpalabas na ang Center for Disease Control and Prevention ng guidelines para masuri kung may ADHD ang mga bata sa edad na 4 hanggang 6.
Bagama’t wala pang inilalabas na clinical guidelines para rito. Mayroon namang tinitingnan ang mga developmental pediatricians na senyales para masabing may ADHD ang mga toddlers o batang 3-taong gulang pababa.
Types ng ADHD
May umanong tatlong uri o paraan para makitang present ang ADHD sa isang bata. Nakadepende ito sa mga sintomas na nararanasan niya. Ito ang mga uri ng ADHD ayon sa CDC:
1. Predominantly Inattentive Presentation
Ito ay kung saan ang isang bata o indibidwal ay nahihirapang mag-organize o matapos ang isang gawain. Mahirap din silang mag-focus sa mga details at nahihirapan din sila sumunod sa mga instructions.
2. Predominantly Hyperactive-Impulsive Presentation
Ang mga batang may ganitong klase ng ADHD ay nahihirapan na sa kanilang pagiging impulsive. Kapag impulsive kasi madalas na nag-iinterupt siya ng mga pag-uusap o kaya naman bigla-biglang mang-aagaw ng laraun sa kapwa niya bata. Nahihirapan din silang makinig sa mga simpleng direksyon.
3. Combined Presentation
Ito namang combined presentation ADHD ay pinagsamang uri ng number 1 at number 2, sapagkat ang sintomas ay maaaring maiba sa pagdating ng panahon.
Sintomas ng ADHD sa bata
Gaya ng nabanggit, mahirap matukoy kung ang ipinapakita ng isang toddler ay senyales ng ADHD. Sapagkat natural pa sa mga bata sa ganitong edad ang magkaroon ng maiksing attention span, pagkakaroon ng mga sumpong, at pagiging makulit at maligalig. Minsan, tinatawag pa nga itong “Terrible twos.”
Sintomas ng ADHD sa bata – toddlers
Subalit ayon sa mga eksperto, posibleng senyales ng ADHD ang ikinikilos ng maliliit na bata kapag ipinapakita nila ang mga sumusunod na sintomas:
- hindi mapakali, o hindi mapirmi sa isang lugar
- tumatakbo, gumagapang at tinatalunan ang kahit anong bagay na makita nila
- laging paikot-ikot at tila hindi napapagod (parang de-motor)
- walang tigil na kadaldalan
- hindi kayang mag-concentrate o makinig ng matagal
- ayaw mapirmi kapag pinapakain o pinapatulog
Kapag napansin nang madalas ang mga sintomas na ito sa iyong anak sa loob ng 6 na buwan, maaaring kumonsulta sa iyong pediatrician para masuri ang bata.
Para naman sa mga batang may edad na 4 pataas, narito ang mga karaniwang sintomas ng ADHD:
-
Nakatuon lagi sa kanilang sarili
Habang lumalaki ang isang bata, natututo siyang makitungo sa ibang tao sa kaniyang paligid. Pero sa kaso ng mga batang may ADHD, nahihirapan silang gawin ito at ang kanilang focus ay laging ang kanilang sarili.
-
Madalas makasagabal o makaistorbo sa iba
Gaya ng unang sintomas, maaaring mahirapan ang mga batang may ADHD na pigilin ang kanilang sarili. Kaya nagagawa nilang makaistorbo kapag may nagsasalita o sumali sa mga laro na hindi naman siya kabilang.
-
Nahihirapang maghintay ng kanilang turn
“Wait for your turn,” itinuturo natin lagi sa ating mga anak. Pero para sa mga batang may ADHD, nahihirapan silang mag self-regulate, o pigilan ang kanilang sarili. Kaya madalas ay wala silang kakayahan para maghintay ng kanilang turn sa eskuwelahan o sa pakikipaglaro.
-
Madalas ang pag-aalboroto o sumpong
Habang lumalaki ang bata, natututunan nila ang self-regulation o kakayahang pigilan ang sarili o magtimpi ng kanilang mga emosyon. Pero dahil hirap dito ang mga taong may ADHD, hindi nila mapigilan ang kanilang sarili kapag sila ay nagagalit o natatakot. Gayundin, hindi rin naman nila mapigilan kapag nakakaramdam sila ng saya o excitement.
-
Hindi mapirmi sa isang posisyon o lugar
Isa pa sa mga bagay na hindi mapigilan ng mga batang may ADHD ay ang kanilang pagkilos. Maaaring mapansin na hirap ang bata na pumirmi sa kaniyang upuan at mapapansin ang kaniyang pagkabalisa kapag pinigilan mo siyang gumalaw.
-
Nahihirapang maglaro ng tahimik
Habang sila ay lumalaki, natututo rin ang bata na maglaro mag-isa at maglaro nang tahimik. Para sa mga batang may ADHD, mahirap maging kalmado sa isang tabi at maglaro nang tahimik.
-
Nahihirapang makatapos ng sinimulang gawain
Isa sa mga sintomas ng ADHD sa mga bata ay pagkakaroon ng interes sa maraming bagay. Subalit isa rin sa mga katangian ng mga batang may ADHD ay nahihirapan silang tapusin ang mga bagay na kanilang nasimulan. Sapagkat mababaling na sa iba ang kanilang atensyon.
-
Nahihirapang mag-focus
Kaugnay sa nabanggit sa itaas, mahirap makuha ang atensyon ng isang batang may ADHD – kahit kinakausap mo siya. Maaari nila sabihing narinig nila ang iyong sinabi, pero kapag pinaulit mo ito sa kanila, hindi nila ito magagawa.
Isa rin itong dahilan kung bakit nahihirapan silang magfocus sa klase. Ganoon din ang sumunod sa direksyon ng mga pagsusulit, gumawa ng homework, at iba pang gawain sa paaralan.
-
Parang laging may ibang iniisip
Hindi laging maingay o malikot ang mga batang may ADHD. Minsan, sila ay tahimik lang at parang lumilipad ang isip. Isa ring sintomas ng ADHD sa mga bata ang pagiging masyadong tahimik at mailap sa ibang bata.
-
Makakalimutin
Madalas bang nakakalimutan ba ng iyong anak ang kaniyang dapat gawin kahit tinuro o pinaalala mo na ito sa kaniya dati? O lagi ba siyang nakakawala ng mga laruan at iba pang gamit? Maaring senyales ito ng ADHD sa mga bata.
Anong dapat gawin ng magulang
Ang pinakamahalagang bagay na dapat mong gawin ay ang obserbahan ang iyong anak sa kaniyang paglalaro at pakikitungo sa ibang tao.
Kapag napansin mo ang mga sintomas na nabanggit sa iyong anak. Kumonsulta sa kaniyang pediatrician para mabigyan ng mas masusing pagsusuri ang bata. Maari rin niyang irekomenda na kumonsulta kayo sa isang eksperto gaya ng developmental pediatrician. Minsan kasi, maaring may iba pang sakit na kaugnay sa ADHD ang bata, gaya ng speech delay o autism.
Bago makumpirma kung mayroong ADHD ang bata, maaaring magsagawa ang doktor ng isang medical examination. Titignan din ang kaniyang family history, school records at maging tanungin ang mga taong madalas makasama ng bata gaya ng kaniyang guro o mga kasama sa bahay.
Kapag nakumpirma na may ADHD ang iyong anak, huwag mangamba dahil maari naman itong magamot sa pamamagitan ng therapy. Mas maganda kung magkakaroon ng early intervention o mas maagang masuri ang bata. Para maiwasan ang mga sintomas na makakasagabal sa pamumuhay ng iyong anak.
Tandaan, kung mayroon kang napapansing kakaiba sa ikinikilos ng iyong anak, huwag mahiyang magtanong sa kaniyang doktor.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.