Baby, ipinanganak na mayroong lumalaking bukol sa ulo
Ang mga magulang ni MK Cruz mula sa Manila ay naghahanap ng surgeon na makakagamot sa kanilang anak. Kailangan nila ng surgeon na makakapagtanggal sa lumalaking bukol sa ulo ng kanilang 11 buwang gulang. Alamin ang kwento ni MK Cruz at ang mga sintomas ng hydrocephalus sa baby.
Pinaghihinalaan na ang bukol raw ay isang tumor
Ang 11 buwang gulang na si MK Cruz ay ipinanganak na may naipong tubig sa kanyang utak. Sa kanyang paglaki, patuloy din lumaki ang bukol sa ulo. Sa ngayon, naaapektuhan na ng laki bukol ang paningin ng bata.
Naniniwala ang mga magulang ni MK na ang bukol ay sintomas ng hydrocephalus sa baby. Ito ang disorder kung saan ang spinal fluids ay naiipon sa utak. Delikado ito dahil sa hindi pa buong bungo ng bata na nalalagyan ng pressure ng paglaki ng bukol.
Ngunit, may mga nagsasabi rin na baka hindi hydrocephalus ang kundisyon ng bata. Ang bukol kasi ni MK ay nasa isang bahagi lamang ng kanyang ulo. Patuloy din itong lumalaki kaya may mga naghihinala na ang bukol ay isa talagang tumor.
Ayon sa mga duktor, maaari pang mailigtas ang paningin ng bata kapag matanggal ang bukol sa ulo. Ganunpaman, delikado ito at walang surgeon sa bansa na makakaya ang operasyon. Inaasahan na ng mga magulang ni MK na aabutin ng ilang libong dolyares ang kakailanganin para sa bata. Subalit, hanggang ngayon ay hindi pa alam ng mga magulang kung may duktor na maaaring pumunta sakanila para sa operasyon.
Ano ang hydrocephalus?
Ang hydrocephalus ay ang kundisyon kung saan nagkakaroon ng tubig sa bungo. Ang tubig na ito ang dahilan ng pamamaga ng utak. Maaari itong maging sanhi ng pinsala sa utak na magdudulot ng pisikal, developmental at intelektwal na kapansanan.
Kadalasan itong nangyayari sa mga bata at matatandang lagpas 60 taong gulang. Ayon sa National Institute of Neurologidal Disorders and Stroke (NINDS), 1 hanggang 2 sa bawat 1,000 pinapanganak ay may hydrocephalus. Dahil sa mga bilang na ito, nagiging kasing karaniwan na ito ng Down’s syndrome.
Maaari itong makuha ng sanggol bago pa ipanganak dahil sa:
- Birth defect na hindi nagsara ang spinal column
- Genetic abnormality
- Impeksiyon sa pagbubuntis tulad ng rubella
Maaari rin itong makuha ng mga sanggol, toddlers at mga bata dahil sa:
- Impeksiyon sa central nervous system lalo na sa mga sanggol
- Pagdurugo sa utak pagkapanganak
- Injury na nakuha bago, habang at matapos ipanganak
- Head trauma
- Tumor sa central nervous system
Ano ang sintomas ng hydrocephalus sa baby?
Maaaring magdulot ng brain damage ang hydrocephalus kaya importanteng kilalanin ang mga sintomas nito. Ang mga sanggol ay maaaring may hrdrocephalus kung:
- Bumubukol ang fontanel, ang malambot na bahagi ng bungo
- Mabilis ang paglaki ng ulo
- Ang mga mata ay nakapirming nakatingin pababa
- Nakakaranas ng seizures
- Nagpapakita ng sobrang pagkabalisa
- Nagsusuka
- Sobra sobra ang pagtulog
- Hirap pakainin
- Mababa ang tone at lakas ng muscles
Patuloy na umaasa ang mga magulang ni MK na makakahanap sila ng duktor na makakagamot sa kanilang anak. Patuloy silang lumalaban para maligtas ang kanilang 11 buwang gulang.
Source: DailyMail, Healthline
Basahin: Hydranencephaly: Sakit na nag-iwan ng malaking uka sa ulo ng isang baby