Nag-iwan ng malaking uka sa ulo ni Clyde Solano, 22 months na sanggol, ang kakaibang sakit na hydranencephaly matapos siyang maoperahan laban dito.
Ang 22 months old na sanggol na si Clyde Solano na nakikipaglaban sa kakaibang sakit na Hydranencephaly.
Image courtesy of DailyMail Online
Si Clyde Solano, 22 months old, ay isang lalaking sanggol na isinilang na may kakaibang sakit na kung tawagin ay Hydranencephaly. Ito ay isang kondisyon na kung saan isinilang ang isang sanggol na may underdeveloped na utak at may tubig sa loob ng kaniyang ulo.
Para bawasan ang pressure sa kaniyang ulo, dumaan sa isang operasyon si Clyde para alisin ang tubig na nagdudulot nito. Walong buwan matapos ang ginawang operasyon, nag-collapse ang ilang parte ng bungo ni Clyde na humigis na parang sungay. Dahil ito sa hindi pa nabubuong utak ni Clyde na dapat ay pupunan sa lumubog na espasyo sa kaniyang bungo.
Para maisaayos ang deformity ng kaniyang bungo kailangang dumaan ni Clyde sa isang reconstructive procedure na ikinababahala ng kaniyang ina na si Justine Gatarin, 21, single mother.
“Sabi ng iba para daw sungay ng demonyo ang ulo ng anak ko pero para sakin isa siyang anghel. At masakit sa akin na nakikita siyang nahihirapan.”
Ayon kay Gatarin, ayaw niya na muna sanang sumailalim sa isa pang operasyon ang kaniyang anak dahil hindi pa ito ganap na malakas. Ngunit kung hindi maooperahan ay magdudusa ito sa hitsura ng kaniyang ulo habambuhay.
“Kung puwede lang kaming magpalit ng posisyon, gagawin ko ngayon na,” dagdag pa niya.
Upang makahinga, kinailangang lagyan ng tubo sa kaniyang leeg si Clyde na pinapalitan kada anim na buwan. Isa pang tubo naman ang nakalagay sa kaniyang ilong papunta sa kaniyang tiyan na pinagdadaanan ng kaniyang pagkain at gatas na iniinom.
“Halos naibenta na namin lahat para lang makalikom ng pera na pinang-paopera ni Clyde. Natapos man ‘yong unang operasyon, kailangan parin naming bumalik ng regular sa ospital para sa check-up niya,” naiiyak na kuwento ng ina ni Clyde.
Si Clyde habang hawak ng kaniyang ina na si Justine Gatarin. Image courtesy of DailyMail Online
Sa ngayon ay patuloy na nagpapakonsulta si Clyde sa Philippines Children’s Medical Center sa Quezon City para regular na matingnan ang kalagayan ng kaniyang ulo. Hinihintay na lamang ang resulta ng mga CT scans, MRI scans, EEG videos at iba pang analysis na isinagawa bago magpatuloy sa susunod na hakbang.
Bagamat malala ang kaniyang sitwasyon, umaasa parin ang mga doktor na malalabanan at malalagpasan ni Clyde ang kaniyang sakit.
Hydranencephaly
Ang Hydranencephaly ay walang lunas. Karaniwan sa mga sanggol na may ganitong kondisyon ay namamatay nasa tiyan palang ng kaniyang ina o ilang buwan lang matapos ipanganak.
Ito ay isang central nervous system disorder na ang pangunahing sintomas ay ang paglaki ng ulo. Isa itong napakabihirang kaso ng Hydrocephalus na kung saan hindi nakumpleto ang development ng utak ng isang sanggol. Dahil sa kakulangan ng ibang parte ng utak, pinupuno ng cerebrospinal fluid ang ulo ng isang sanggol. Ang cerebrospinal fluid ay tubig na sumusuporta sa ating utak at spinal cord.
Nagsisimula ang hydranencephaly sa unang stage ng development ng fetus sa loob ng tiyan ng kaniyang ina. Isa sa palatandaan ng sakit na ito ay ang pagkakaroon na malaking ulo ng isang sanggol pagkapanganak. May iba naman mukhang normal ng ipinanganak ngunit nagpapakita ng mga sintomas ng hydranencephaly habang lumalaki.
Ilan sa mga sintomas ng hydranencephaly sa isang sanggol ay ang sumusunod.
- Pagiging irritable
- Mahinang pagdede
- Infantile spasms o panginginig
- Paninigas ng mga braso at binti
Sa ngayon hindi pa matukoy kung ano ang sanhi ng sakit na ito. Ngunit ito ay hinihinalang isang sakit na namamana bagamat hindi pa alam kung paano ito napapasa.
Samantalang ang ibang tinitingnang dahilan ng pagkakaroon ng sakit na ito ay ang sumusunod:
- Impeksiyon sa uterus o bahay bata sa simula ng pagbubuntis
- Pagka-expose ng ina sa mga environmental toxins o mga kemikal na nakakapagdulot ng sakit
- At iba pang circulation problems ng sanggol
Ang hydranencephaly ay maaring magresulta ng physical at mental disability sa isang sanggol. Sa ngayon may naitalang 10,000 na ipinanganak na sanggol ang apektado ng sakit na ito. Karamihan sa ibang kaso nito ay namamatay nasa loob pa lang ng sinapupunan ng ina. Samantalang ang iba ay namamatay ilang buwan matapos ipanganak. Hindi pa matukoy kung ilang bata sa buong mundo ang nagtataglay ng kakaibang sakit na ito ngunit bihira ang nakakaligtas at nagkaroon ng tiyansang tumanda.
Sources: NYASA, HealthLine
Photos: DailyMail
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!