Kailan pwedeng mag gadget ang bata? Ito ang tanong ng marami sa ating mga magulang. Dahil sa ngayon, ang gadget ginagawa nating pacifier sa kanila para magawa natin ang ating dapat gawin sa bahay man o trabaho.
Pero marami sa ating mga magulang ang nag-aalangan kung kailan dapat bilhan ng sariling gadget o cellphone ang ating mga anak. Ito ay dahil sa mga nakakatakot na epekto nitong mababasa natin sa mga balita at pananaliksik. Kailan nga ba pwedeng mag gadget ang bata, ito ang sagot ng mga eksperto.
Kailan pwedeng mag gadget ang bata?

Pahayag ng mga eksperto, walang iisang tamang edad para bigyan ng gadget ang bata. Dahil ito ay nakadepende sa maturity level, pangangailangan, at kakayahan nilang gumamit nang responsable. Gayunpaman, maraming magulang ang naghihintay hanggang ang kanilang anak ay nasa edad 10 hanggang 13 bago bigyan ng sariling cellphone.
Ayon naman kay Dr. Gale Bianca Sioco, isang optometrist, inirerekomendang huwag munang pagamitin ng gadgets ang mga batang wala pang isang taon. Ito ay dahil hindi pa ganap na nadedevelop ang kanilang mga mata at ang paggamit ng gadgets ay maaring makaapekto sa normal na galaw nito.
Para naman sa edad dalawa pataas, sabi ni Dr. Sioco dapat may limitasyon sa paggamit ng gadgets. Ganoon rin sa mga batang edad anim na gulang pataas na dapat ang maximum time ng paggamit ng gadgets ay hanggang dalawang oras lang.
Dagdag na payo pa ng mga eksperto kailangan ring magkaroon ng malinaw na alituntunin sa paggamit ng gadget. Dapat ipaliwanag ng mga magulang kung paano ito gagamitin nang tama. Halimbawa, “kailan pwedeng mag-gadget ang bata?” Maaaring sabihin na, “Maaari mo itong gamitin tatlong beses sa isang araw, tig-15 minuto bawat isa.”
Upang mas madaling maunawaan ito ng bata, makakatulong ang paggawa ng mga ritwal at routine. Halimbawa, maaaring gamitin ang gadget pagkatapos kumain o pagkatapos maglaro sa labas.
Mahalaga ring huwag hayaang gumamit ng gadget isang oras bago matulog. Ang matagal na paggamit ng screen ay maaaring makaapekto sa optic nerves at makasira sa kalidad ng pagtulog ng bata.
Ano ang dapat isaalang-alang ng mga magulang?

Maliban sa edad, ang iba pang dapat isaalang-alang ng mga magulang bago bigyan ng sariling gadget o cellphone ang bata ay ang mga sumusunod:
- Pangangailangan – Kailangan ba talaga ng bata ng sariling gadget? O maaari pang gumamit ng family tablet o laptop para sa schoolwork at entertainment?
- Responsibilidad – Marunong ba ang bata na gumamit nang maayos at sundin ang mga alituntunin sa paggamit?
- Kaligtasan sa internet – Alam ba ng bata ang mga panganib sa online world tulad ng cyberbullying, phishing, at inappropriate content?
- Screen time management – Kaya bang sundin ng bata ang oras ng paggamit na itinakda ng magulang?
Kung ikaw ay isang magulang na nag-iisip kailan pwedeng mag-gadget ang bata? tandaan na mas mahalaga ang tamang gabay at disiplina kaysa sa mismong edad ng bata.
Mga tips para sa responsableng paggamit ng gadget

Upang matiyak na ang paggamit ng gadget ng bata ay may positibong epekto, narito ang ilang payo para sa mga magulang:
- Maglagay ng oras ng paggamit – Siguruhing may limitasyon ang screen time, lalo na bago matulog.
- Gamitin ang gadget para sa edukasyon – Hikayatin ang bata na gumamit ng apps at websites na makakatulong sa kanilang pag-aaral.
- Bantayan ang online activities – I-install ang parental controls at kausapin ang bata tungkol sa tamang paggamit ng internet.
- Himukin ang physical activities – Siguraduhin na may sapat na oras para sa paglalaro sa labas at iba pang aktibidad na hindi gumagamit ng gadgets.
Bilang isang magulang, mahalagang gabayan mo ang iyong anak at masiguro na lagi ang mabuting kapakanan niya ang iyong priotity.