Panis na pagkain, alamin kung paano maiiwasan na magkaroon sa inyong tahanan ngayong mainit ang panahon.
Bakit hindi dapat kumain ng panis ng pagkain
Sa matinding init ng panahon, mas mabilis na nasisira ang pagkain. Kaya naman napakahalaga ng tamang food storage at paghahanda upang maiwasan ang pagkapanis ng pagkain.
Ang pagkain ng panis ay maaaring magdulot ng iba’t ibang problema sa kalusugan. Ang mga ito ay ang sumusunod.
Dahilan kung bakit hindi dapat kumain ng panis

Ang pagkain ng panis ay maaaring magdulot ng food poisoning. Ito ay may iba’t ibang sintomas depende sa uri ng bacteria na nasa pagkain. Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ilan sa mga pinaka-karaniwang epekto ng foodborne illness ay ang sumusunod:
- Diarrhea at pagsusuka – Karaniwang dulot ng bacterial infections gaya ng Salmonella at E. coli.
- Lagnat at pananakit ng tiyan – Ang ilang mikrobyo gaya ng Campylobacter ay maaaring magdulot ng matinding pananakit ng tiyan at mataas na lagnat.
- Panghihina at pagkahilo – Ang dehydration mula sa diarrhea at pagsusuka ay maaaring magdulot ng panghihina at pagkaubos ng electrolytes sa katawan.
- Matinding pagkalason – Ang pagkain ng panis na may Listeria bacteria ay maaaring magdulot ng seryosong impeksyon, lalo na sa mga buntis, matatanda, at may mahinang immune system.
Ang mga nabanggit na sakit maaring magdulot ng nakakatakot na epekto sa kalusugan kung hindi maagapan. Kaya naman mahalaga na hindi makakain ng panis o maiwasan ito sa loob ng inyong tahanan.
Paano maiwasan ang mapanis ang pagkain sa inyong tahanan ngayong mainit ang panahon

Narito ang ilang tips na dapat gawin para maiwasan ang pagkapanis ng pagkain sa inyong tahanan ngayong mainit ang panahon.
- Tamang paghahanda ng pagkain – Siguraduhing malinis ang mga kamay, kagamitan, at pagkain bago ito lutuin. Ang tamang pagluluto ay nakakatulong upang maiwasan ang pagkapanis ng pagkain.
- Iwasan ang hindi tiyak na malinis na lugar – Kung kakain sa labas, tiyakin na malinis at maayos ang lugar upang hindi makakain ng panis.
- Agad na kainin ang pagkain – Huwag hayaang nakatiwangwang ang pagkain nang matagal upang hindi ito masira at mapanis.
- Huwag hayaang nasa labas ang pagkain nang matagal – Ang lutong pagkain ay dapat mailagay sa refrigerator sa loob ng dalawang oras upang hindi maging panis na pagkain.
Tamang food storage ng pagkain
Para hindi masayang ang mga left-over foods, narito ang mga steps ng tamang pagiimbak nito.
- Para sa lutong pagkain: Itabi agad sa refrigerator kung hindi pa kakainin upang hindi mapanis ang pagkain. Kung nasa mainit na lugar, gumamit ng cooler o insulated container.
- Para sa karne, isda, at dairy products: Itago sa refrigerator sa tamang temperatura (below 4°C) upang maiwasan ang pagkapanis. Ayon sa US Food and Drug Administration (FDA), ang tamang temperature control ay maaaring makatulong upang mapigilan ang bacterial growth sa pagkain.
- Para sa tuyong pagkain: Itago sa airtight container sa tuyong lugar upang mapanatili ang kalidad at maiwasan ang pagkapanis.
- Para sa prutas at gulay: Hugasan at patuyuin bago itabi sa ref upang hindi madaling maging panis na pagkain.
Mga senyales na panis na ang pagkain

Upang maiwasan ang pagkonsumo ng panis, mahalagang malaman ang mga palatandaan ng pagkapanis:
- Pagbabago ng kulay – Kung nag-iba ang kulay ng pagkain, malamang ay ito ay panis na.
- Masamang amoy – Ang maasim o bulok na amoy ay palatandaan ng pagkapanis.
- Pagkakaroon ng amag – Ang amag ay indikasyon na panis na ang pagkain at hindi na ligtas kainin.
- Pagbabago ng texture – Ang pagkain na malagkit, madulas, o parang may bula ay posibleng panis na pagkain.
- Pagkakaiba ng lasa – Kung may kakaibang alat, pait, o asim, itigil agad ang pagkain dahil sa ito ay panis na.
Ang tamang food storage at paghahanda ng pagkain ay susi upang maiwasan ang pagkapanis lalo na sa mainit na panahon. Ugaliing sundin ang mga tamang pamamaraan sa paghahanda, pagtatabi, at pagkain upang mapanatili ang kalusugan at maiwasan ang anumang sakit dulot ng panis na pagkain.