Marahil napapatanong ka kung bakit mahirap pakainin ng gulay ang mga bata. Bukod pa rito ay nagiging pihikan din ang bata habang lumalaki ito. Bakit nga ba? Hindi ka nag-iisa, mommy. Karamihan ng magulang ay pangunahing problema ito sa hapagkainan. Ayaw kumain ni baby, ano ang dahilan?
“Bakit ang hirap pakainin ng anak ko?” Iyan ang tanong ng maraming magulang. Mula sa isang sanggol na kinakain ang lahat ng ibigay sa kaniya, paano siya naging batang pihikan sa pagkain? Ano kayang nangyari para magbago ang ugali niya pagdating sa pagkain?
Talaan ng Nilalaman
Bakit mahirap pakainin ng gulay ang mga bata?
Mahalaga na kumain ng masusustansyang pagkain ang mga bata gaya na lamang ng gulay at prutas. Pero bakit nga ba mahirap pakainin ng gulay ang mga bata?
Mahirap pakainin ng gulay ang mga bata dahil nasanay sila sa gatas ng ina. Alam naman natin na ang unang pagkain ng mga bata ay ang gatas ng ina na natural na mayroong lactose.
Ganoon din ang gatas na formula. Importante ang lactose sa kanilang growth at development. Habang ang gulay naman ay karaniwang may pait, asim, at iba pang complex na lasa.
Kaya naman hindi pangkaraniwan ang dating ng lasa nito sa mga bata. At ang kadalasang reaksyon nila ay aayawan nila ang pagkain nito.
Mahirap pakainin ang bata, dapat bang ikabahala?
Sa artikulong ito, mabibigyang solusyon na ang madalas na hirap na iyong nararanasan para makumbinsing kumain ang pihikan mong anak.
Ayon sa isang pag-aaral, ang paraan ng paghahain ay maaaring makaapekto sa gana ng iyong anak para kumain. Bukod dito, mahalaga rin na malaman na iba-iba ang paraan ng paghain para sa anak na babae at anak na lalaki. Narito ang ilang napag-alaman sa pag-aaral at ilang tips para maiwasan ang pagtanggi ng mga anak na kumain.
Ayaw kumain ni baby, ano ang dahilan?
Ang food presentation ay maaaring makuha ang atensiyon ng inyong anak para kumain ng gulay.
Ayon sa resulta ng isang bagong pag-aaral na nailathala sa Journal of Sensory Studies, magkaiba ang interes ng batang lalaki at batang babae sa mga pagkain base sa paraan ng pagkakaayos nito. Kaya may pagkakataon talaga na mahirap pakainin ang mga bata.
Layon ng pag-aaral na alamin kung paano magugustuhan ng mga bata ang pagkain base sa kung paano ito inihain, at kung may tuwirang epekto ito base sa kasaraian ng mga bata.
Ayon kay Annemarie Olsen na nagsulat ng naturang pag-aaral, alam niya na may epekto ang paraan ng paghain ng pagkain sa mga bata. Ngunit aniya, ito ay base lamang sa mga kuwento ng mga magulang.
Inamin din niya na, “Walang sapat ba ebisdensiya o pag-aaral kung paano pinipili ng mga bata ang kanilang kakainin.” Napakaimportante umano kung matuklasan na may siyentipikong paraan para alamin ang mga kagustuhan ng mga bata dahil, “Gusto nating kumain ng masusutansiyang gulay at iba pang mga pagkain ang ating mga anak,” sabi ni Olsen.
Paano isinagawa ang pag-aaral
Para sa pag-aaral, kumuha ng mga researchers ng 100 batang estudyante na may edad na 7 hanggang 8 taong gulang, at 12 to 14 taong gulang.
Pagkatapos nito, sinabihan sila ng researchers na ayusin ang larawan ng anim na iba’t ibang pagkain depende sa kanilang kagustuhan. Narito ang mga pagkain ang makikita sa pamamagitan ng mga ito:
- Ang bawat sangkap o ingredients ay magkakalayo sa isa’t isa.
- Ang pagkain ay maaaring may isolated ingredients at may ingredients naman na magkakasama.
- At ang ingredients ay hinalo para maging isang smooth mixture.
Sa pamamagitan ng pag-ayos ng mga larawan ng pagkain base sa kung paano nagustuhan ang mga ito, nalaman ng scientists kung aling paraan ng pagkakahain ang pinakanagustuhan ng mga bata at kung alin ang hindi.
Ayaw kumain ni baby, ano ang dahilan? | Image from Freepik
Mahirap pakainin ang bata: Paano pakakainin ang batang ayaw sa gulay
Ayon sa pag-aaral, isa sa mga paraan para makumbinsi ang mga bata na kumain ng mga prutas at gulay ay ihain ito sa maliliit na piraso. Makatutulong din kung madali para sa mga bata ang makuha ang mga pagkain.
Ayon sa pag-aaral, may isa pang mahalagang punto: ang paraan ng paghain ng pagkain ang maaaring makadagdag sa gana ng mga bata para kumain.
“Kaugnay nito, mahalaga ring malaman kung may kailangang baguhin sa pag-aayos ng mga pagkain sa plato,” dagdag ni Olsen.
Ayon sa resulta ng pag-aaral:
- Ang mga batang babaeng nasa edad na pito hanggang walong taong gulang ay mas gusto na magkakahiwalay ang pagkakahain ng mga pagkain.
- Habang ang mga lalaking nasa edad na pito hanggang walong taon hindi apektado sa paraan ng paghain ng pagkain.
- Ang mga mas nakatatandang bata na nasa edad na 12 hanggang 14 na taon nagpakita ng interes sa dalawang paraan ng pagkakahain ng pagkain:
-
- lahat ng mga sangkap ay pinaghalu-halo.
- o may mga kombinasyon ng mga sangkap na magkakasama at inihalo sa kanilang pagkain.
Ayon kay Olsen, ipinapakita ng mga resultang ito na para mga batang nasa 7 at 8 taong gulang. Mahalagang ihain ng mga magulang ang mga pagkain na magkakahiwalay sa plato.
“Sa ganitong paraan, maaaring paghalu-haluin ng bata ang mga pagkain. Depende sa kanilang kagustuhan, hindi tulad ng kung magkakasama na ang mga ito,” paliwanag ni Annemarie.
Mahirap pakainin ang bata: Tips para mahikayat na kumain ang pihikang bata
Sa aming nakaraang artikulo, nabanggit namin ang limang tips para hikayatin ang mga pihikang bata para kumain.
1. Maging malikhain pagdating sa pagkain.
Hiwain ang mga pagkain sa magkakaibang hugis. At hayaan ang inyong anak na maging pamilyar sa iba’t ibang uri ng pagkain sa pamamagitan ng paghawak sa mga ito. Maigi rin kung mukhang masarap ang pagkain kaysa sa tunay na lasa nito para makumbinsi ang inyong anak.
Pwede mo ring gawing mas makulay ang plato ng anak mo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga prutas kasama ng ibang pagkain.
2. Ihalo sa ibang pagkain ang mga hindi nila gusto.
Isang halimbawa ay paghalo ng iba’t ibang uri ng gulay sa patties at meatballs na paborito ng inyong anak. Kung may ayaw kainin ang inyong anak, mag-isip ng ibang paraan kung paano ito lulutuin.
Gayundin, iwasang bigyang importansya o ilagay sa “pedestal” ang dessert o mga paboritong pagkain ng iyong anak. Dapat ay ibigay ito sa kaniya gaya ng ibang pagkain at hindi bilang “treat” kapag kumain siya ng maayos. Walang espesyal na pagkain pagdating sa hapag-kainan. Ang iyong goal ay tikman ng bata lahat ng nakahain.
3. Isali ang inyong anak sa paghahanda ng pagkain.
Ang pagtatanim ng mga sangkap na gagamitin at pagluluto ng mga ito ay nagbibigay ng kakaibang satisfaction. Ipakita sa inyong anak kung paano magtanim ng mga gulay para magustuhan niya ito.
Gayundin, isali mo siya kapag hinahanda na ang inyong pagkain sa kusina. Mas magkakaroon ng appreciation sa pagkain ang bata kung alam niya kung gaano mo pinaghirapan ito. Hayaan siyang hugasan at hiwain (habang ginagabayan mo) ang mga gulay o ihalo ito sa nilulutong ulam.
4. Maging matiyaga at huwag pilitin ang bata.
Ayon sa mga pag-aaral, nagkakaroon ng trauma sa mealtime ang isang bata kapag pinipilit siyang kainin ang pagkaing ayaw niya.
Ipakita sa bata ang iba’t ibang uri ng pagkain nang hindi sila pinipilit. Subukan ring maghain ng iba’t ibang uri ng pagkain kasama ng mga gusto ng inyong anak.
Ito ay para makita kung kakainin din niya ito—huwag silang pipilitin na kainin ang mga ito. Maari mo pa rin subukang ihain ito sa kaniya sa ibang panahon, pero huwag mo siyang piliting kainin ito kung ayaw talaga niya.
5. Kausapin ang inyong anak upang ipaliwanag ang iba pang aspeto ng pagkain, maliban sa lasa nito.
Hikayatin ang inyong anak sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng kulay, hugis, at tekstura ng pagkain—kahit hindi ito masarap. Ang pagbibigay ng atensyon sa mga ito, maaaring maisip ng bata na malinamnam ang pagkain.
Larawan mula sa Pexels
Kailan dapat humingi ng tulong sa eksperto?
Mahirap talaga kapag pihikan o isang picky eater ang iyong anak. Subalit kailan mo nga ba masasabing seryoso na ang problemang ito at kailangan mo na ng tulong ng isang eksperto?
Ang pagiging picky eater ay iba sa pagkakaroon ng problema sa pagkain o food aversion. Ayon sa website ng Neurological and Physical Abilitation (NAPA) Center, masasabi mong picky eater ang isang bata kung limitado ang listahan ng pagkaing kaniyang kinakain, subalit umaabot naman sa mahigit 30 klase ng pagkain, kasama na ang ilang prutas at gulay.
Samantala, kung hindi aabot sa 20 klase ng pagkain ang kinakain ng iyong anak, posibleng mayroon na siyang food aversion. Narito pa ang ilang senyales ng food aversion sa mga bata:
- Laging umiiyak, o nagmamaktol kapag binibigyan ng bagong pagkain
- Tinatanggihan ang buong category ng food texture o nutritional groups (halimbawa, lahat ng gulay, o lahat ng klase ng karne)
- Hindi nadadagdagan ng timbang, sa halip ay nababawasan pa
- Nasusuka o naduduwal kapag pinapakain
- Niluluwa ang pagkaing ipinapasubok sa kaniya
- Sumasama ang pakiramdam pagkatapos kumain
- Tumatagal ng mahigit 35 minutes sa hapag kainan
Kung pihikan lang sa pagkain ang bata, ang pinakamagandang paraan o solusyon para rito ay ang pagbibigay sa bata ng isang positive mealtime experience. Hindi ito ganoong kadali, subalit hindi naman imposible, baby steps lang, sa tulong ng mga nabanggit na tips sa itaas.
Subalit kung sa tingin mong may senyales ng food aversion ang bata, huwag mahiyang kumonsulta sa kaniyang pediatrician upang mabigyan ka ng payo kung anong dapat gawin.
Ano ang mga masustansyang pagkain para sa mga bata
Mahalaga rin na malaman kung ano ang mga masustansyang pagkain para sa mga bata. Sa pamamagitan nito ay angkop na pagkain ang iyong maihahain sa kanila at ito’y makatutulong para sa malusog na paglaki ng iyong anak.
Tamang pagkain para sa mga bata
Bilang mga magulang importanteng alam natin kung ano ang mga tamang pagkain para sa mga bata. Makatutulong sa maayos nilang paglaki kung bata pa lamang ay maturuan na natin sila na magkaroon ng malusog na eating patterns.
Karamihan sa mga nutrisyon na kailangan ng isang bata kapag nasa edad isang taon na ito ay mula sa mga solid na pagkain. Kaya importante na kumain ang iyong anak ng mga pagkaing mayaman sa bitamina at mineral na kailangan ng katawan.
Ang tamang pagkain para sa mga bata ay mga pagkaing mayaman sa protina, carbohydrates, prutas, gulay, at healthy fats. Nakadepende naman sa edad, kasarian, at pagiging aktibo kung gaano karaming pagkain ang kailangan ng iyong anak.
Ayon sa Healthline, upang magkaroon ng healthy eating habits ang iyong anak, maaaring mag-offer ng iba’t ibang klase ng pagkain sa bawat meal. Halimbawa, kada meal ay dapat na binubuo ng prutas o gulay, protina mula sa karne, isda, monok, tofu, o beans. At source ng healthy fat tulad ng mani, nut butter, o avocado.
Dagdag pa rito, mahalaga rin na limitahan ang added sugar sa mga pagkain hanggang sa magdalawang taon ang iyong anak. Hindi kasi makabubuti sa bata ang maasukal na pagkain. Makapagpapataas lamang ito ng risk ng cavities at metabolic disorders sa bata tulad ng type 2 diabetes.
Iwasan din ang pagkain na may saturated fats. Nakukuha ang saturated fats sa mga pulang karne, hot dogs, butter, at iba pang full-fat dairy products. Mataas din ang saturated fats ng pizza, burgers, cake, at ice cream.
Bukod pa rito, importanteng limitahan din ang pagkain ng maaalat na pagkain. Mataas ang sodium content ng mga pagkaing tulad ng pizza, pasta dishes, soup, at sandwiches. Imbes na chips at cookies ang gawing meryenda ng anak, i-encourage ito na kumain na lamang ng prutas. Mahalaga rin na tingnan ang nutrition labels ng mga produktong kinokonsumo kung mataas ba ang sodium content o hindi.
Narito naman ang mga pagkain na mayaman sa nutrients na makabubuti para sa iyong anak:
- Pagkaing mayaman sa protein tulad ng seafood, lean meat, manok, itlog, beans, peas, soy products, at unsalted nuts at seeds.
- Sariwang prutas at gulay. Kung bibili naman ng de latang gulay, tiyaking piliin ang mababa lamang ang sodium content.
- Pakainin ang bata ng grains tulad ng whole-wheat bread, pasta, oatmeal, popcorn, o brown rice. Makakatulong ito sa healthy digestion.
- Piliin ang fat-free o low-fat dairy products tulad ng gatas, yogurt, at cheese para sa iyong anak. Maaari din itong bigyan ng fortified soy beverage.
Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianparent Singapore
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!