Karaniwang umaatake ang dehydration sa panahon ng tag-init. Pero hindi lamang tuwing tag-init dapat na mabahala sa kondisyon na ito. Mahalagang bantayan ang sintomas ng dehydration sa bata man o sa matanda.
Ano ang dehydration
Ang dehydration ay tumutukoy sa kakulangan ng sapat na tubig sa katawan. Ang pinakamabisang panlaban sa dehydration ay ang pag-inom ng maraming tubig. Mahalagang gawin ito kahit na hindi pa nauuhaw.
Ilan sa mga warning signs ng dehydration ay ang pagkatuyo ng balat, hirap sa paghinga o kinakapos ng paghinga, at hirap sa pag-ihi. Bukod pa rito ay may iba pang mga sintomas ng dehydration na mahalaga ring mabantayan upang hindi magdulot ng mas malalang kondisyon.
Sanhi ng dehydration
Ang sanhi ng dehydration ay ang kakulangan sa tubig o body fluid. Maaaring ito ay dahil sa pagsusuka, pagtatae, o kakaunti kung uminom ng tubig at matindi kung magpawis.
Larawan mula sa Pexels kuha ni CottonBro
Ang pagsusuka ay maaaring magdulot ng delikadong komplikasyon pag nagtagal, kung ang hydration ay hindi maibalik matapos magsuka. Ang sino man na palaging nagsusuka ay dapat uminom ng maraming tubig, sports drinks, at/o coconut water.
Kung tuloy-tuloy ang pagsusuka o pagtatae, mahalagang kumonsulta sa doktor para mabatid ang mas malalim na sanhi ng pagsusuka at pagtatae. Sa pamamagitan nito ay mas magagamot nang wasto ang sanhi ng dehydration.
Ano ang sintomas ng dehydration?
Marahil napapaisip ka kung ano ang sintomas ng dehydration. Kinalap namin isa-isa ang mga sintomas ng dehydration na dapat mong bantayan sa sarili man o sa iyong mga anak.
Narito ang iba’t ibang sintomas ng dehydration:
1. Tuyong bibig
Kahit pa tila hindi nauuhaw, kung ang bibig at dila ay tuyo at malagkit, senyales ito na nahigitan mo na ang pagka-uhaw. Ayon sa Mayo Clinic, ito ay sintomas ng dehydration. Kaya kapag nararamdaman na tila natutuyo ang bibig, uminom ng tubig paa ito ay maibsan.
2. Hirap sa pag-ihi
Kung matagal nang hindi umiihi, maaaring naubusan na ng sobrang tubig ang iyong katawan. Dapat ay umiihi mula anim hanggang walong beses sa isang araw. Ang hanggang 10 beses ay ligtas parin at senyales na ikaw ay hydrated.
3. Sintomas ng dehydration: Labis na pagkaantok
Oo, nakakatamad ang mainit na panahon. Ngunit, kung laging inaantok — o laging pagod — baka hindi lang ito dahil sa init. Posible na ikaw ay dehydrated, kaya dapat dagdagan ang tubig na iniinom.
4. Matinding pagka-uhaw
Una, dapat makinig sa katawan at uminom kapag nauuhaw. Mahalaga rin na uminom ng tubig kung sobrang init ng panahon o nagpapawis , kahit bago pa mauhaw. Ang matinding pagkauhaw ay sintomas na kinukulang na sa body fluid ang iyong katawan.
Larawan mula sa Freepik
5. Matingkad na dilaw ang ihi
Kung ang iyong ihi ay mas dark yellow kumpara sa karaniwan at walang ibang problema sa kalusugan o sintomas, senyales ito ng dehydration. Madalas, wala masyadong bathroom sa labas, ngunit huwag ito gawing rason para bawasan ang pag-inom. Manatiling hydrated.
6. Sintomas ng dehydration: Pananakit ng ulo
Marami ang nakakaranas ng pananakit ng ulo kapag hindi naiayos ang dami ng naiinom sa araw-araw. Bago uminom ng gamot o mag-alala, dagdagan ang naiinom na tubig para mawala ang pananakit ng ulo. Panatilihing hydrated ang katawan dahil ang pananakit ng ulo ay sintomas ng dehydration.
7. Pagkahilo
Ayon sa Mayo Clinic ay ang pagkahilo ay sintomas din ng dehydration. Kung kulang ang tubig sa katawan, naaapektuhan ang utak. Malaking problema ito para sa mga bata at matatanda. Kung tumayo at biglang nahilo, isipin kung sapat ba ang naiinom na tubig.
8. Pagbaba ng blood pressure
Ang dehydration ay maaari ring magdulot ng pagbaba ng blood pressure. Maaari itong maging dahilan ng pagkawala ng malay habang nakatayo. Kung mangyari ito, maupo, huminga nang malalim, at uminom ng isa hanggang tatlong basong tubig.
9. Hypertension
Sa kabilang banda, ang chronic dehydration ay maaari rin magdulot ng mataas na blood pressure, o dehydration. Kung hindi sapat ang hydration ng blood cells, nagpapadala ang mga ito ng signal sa pituitary gland para gumawa ng vasopressin. Ito ang nagdudulot ng pag-constrict ng blood vessels na nagpapataas ng blood pressure.
10. Sintomas ng dehydration: Lagnat
Ang lagnat at panginginig ay isa sa mga hindi inaasahang sintomas ng palagiang dehydration. Kung magpatuloy ang sintomas na ito, o mayroon ding sunburn, makakabuting magpakonsulta sa doktor.
11. Kapaguran, pagkalito, o pagka-koma
Ang palagiang dehydration ay maaari ring magdulot ng pagkalito, hindi maipaliwanag na kapaguran, at kahibangan. Sa mga masmalalang kaso, maaari rin ito magdulot ng pagka-koma. Kaya dapat malaman kung ano ang maaaring idulot ng dehydration at maging maingat.
12. Sintomas ng dehydration: Panunuyo ng balat
Larawan mula sa Freepik
Ang dry skin, madalas na breakouts at iritasyon sa balat ay maaaring dulot ng pangangailangan na dagdagan ang iniinom. Kapag dehydrated, ang balat ang isa sa mga unang organ na nagkakaprublema.
Kahit pa naglalabas ito ng oil, kung wala ang mayaman sa tubig at malambot na balat, magbabara ang mga oil na ito at magdudulot ng breakouts. Makakabuting uminom nalang ng 8 baso ng tubig araw-araw!
13. Seizure
Sa mga sobrang lalang kaso, ang palagiang dehydration ay maaaring maging dahilan ng seizure. Ang kakulangan, o hindi sapat na tubig, ay maaaring magdulot ng electrolyte disturbance sa utak na maaaring maging dahilan para magka-seizure. ‘Di man pangkaraniwan ito pero mahalaga pa rin na mag-ingat.
14. Shock
Ang palagiang kakulangan ng hydration ay maaaring magdulot ng shock dahil sa mababang volume ng dugo. Isa ito sa pinakamalaking panganib ng kondisyon. Ang shock na dulot ng kakulangan ng oxygen na umiikot sa katawan ay maaaring maging mapanganib sa buhay.
15. Sintomas ng dehydration: Itim o may dugo sa dumi
Kahit pa hindi dehydration ang dahilan ng itim o madugong pagdudumi, napapalala nito ang ganitong mga problema at napipigilan ang paggaling. Maraming nasasabi ang dumi ng isang tao tungkol sa kaniyang kalusugan. Halimbawa, kung nahihirapan dumumi, maaaring kailangan lamang uminom ng mas maraming tubig araw-araw.
Gamot sa dehydration
Uminom lamang ng tubig at kung maaari ay uminom din ng mga oral rehydration solution. Makatutulong din ang mga prutas katulad ng watermelon, lemon at strawberries.
Dehydration sa bata
Delikado ang dehydration lalo na sa mga bata. Mahalaga na mapanatiling hydrated ang katawan para mapanatili ring maayos ang kalusugan.
Maaaring ang dehydration ay bunga ng pagsusuka, pagtatae, lagnat, o kakulangan sa pag-inom ng tubig. Kung dehydrated na ang isang bata, mahihirapan ang katawan nito na palitan agad ng kinakailangang body fluid sa pamamagitan lamang ng pag-inom o pagkain. Maaaring kailanganin dalahin sa ospital ang bata para magamot ang dehydration at hindi ito magresulta ng mas malalang komplikasyon.
Larawan mula sa Freepik
Sintomas ng dehydration sa bata
Paano malalaman kung dehydrated ang iyong anak? Narito ang mga sintomas ng dehydration sa bata na mahalagang mabantayan.
- Nangangalumata o tila malalim ang mata
- Umiiyak pero walang luha
- Tuyo ang mga labi at ang dila
- Tuyot at kulubot na balat
- Malalim na paghinga o hirap huminga
- Nanlalamig na mga kamay at paa
- Halos hindi umiihi ang bata o hindi nababasa ang diaper nito
Sintomas ng dehydration sa baby
Dalawa sa pinakakaraniwang sintomas ng dehydration sa baby ay makikita sa kung gaano karaming diaper ang napupuno ng ihi nito at kung may luha ba ito tuwing umiiyak.
Tuyong diaper
Ang mga busy na magulang ay maaaring hindi mapansin ang kakulangan ng iniinom na tubig, breastmilk, formula o iba pang masustansyang inumin. Ang mga sanggol ay dapat magkaroon ng hindi bababa sa anim na basang diaper araw-araw. Sa mga toddler naman ay dapat hindi lalagpas ng walong oras na hindi sila umiihi. Kung ito ang kaso, maaaring dehydrated ang bata.
Walang luhang pag-iyak
Sa mga baby, ang pag-iyak nang walang luha ay maaaring senyales ng dehydration. Ang mga bata ay sobrang aktibo. Dagdag pa ang init ng panahon, pawis, at pagkabilad sa araw, at nababawasan ang tubig nila sa katawan. Kinakailangan na mas hikayatin na uminom ng mas maraming tubig ang mga bata.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Laura Garcia
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Dalahin agad ang iyong anak sa doktor kung matindi ang diarrhea at walang tigil ang pagsusuka nito. Mahalagang malaman ang underlying cause ng pagsusuka at pagtatae nito. Bukod pa rito ay mahalaga rin na malagyan ito ng suwero at ma-suplayan ng fluid ang katawan nito para hindi malagay sa alanganin ang buhay ng bata.
Importante rin na kumonsulta sa doktor kung mapansin na hindi umiihi ang bata sa nagdaang walong oras. O kaya naman kung ito ay nanghihina, tulog nang tulog, at hindi masyadong naglalaro.
Maaari namang magamot ang dehydration sa bahay pero sa mga malalang kondisyon ng dehydration, kailangan itong manatili sa ospital at doon ito gagamutin. Lalagyan ng suwero ang bata kung saan padadaanin ang intravenous (IV) fluid. Babantayan din kung balanse ang electrolytes sa katawan nito. Bukod pa rito, maaaring bigyan ng acetaminophen ang iyong anak kung ito ay nilalagnat. Isa rin sa pinakaimportanteng gawin ay pagpahingahin ang bata at ilayo sa ano mang magdudulot ng stress dito.
Paggamot sa dehydration ng bata sa bahay
Kung nirekomenda ng doktor na sa bahay na gamutin ang bata, maaaring sundin ang mga paalala na ito mula sa Cleveland Clinic kung paano gamutin ang dehydration ng bata sa bahay.
- Sundin ang instructions ng doktor sa kung ano ang mga kailangang kainin at inumin ng bata pati na rin ang mga bawal muna rito.
- Maaaring bigyan ng acetaminophen ang iyong anak kung ito ay nilalagnat. Huwag itong paiinumin ng aspirin.
- Huwag biglain ang pagbibigay ng fluid at pagkain sa bata. Unti-untiin lamang.
- Kung pinapasuso ang anak, ituloy lang ang pagpapasuso sa sanggol. Makakatulong ang breastmilk para mapalitan ang mga nawalang nutrients sa katawan.
- Painumin ng fluid ang bata pero iwasan na painumin ito ng matatamis na soda, juices, at flavored gelatin dahil maaari itong magdulot ng diarrhea.
- Kung pabalik-balik ang sintomas ng dehydration sa bata ay agad na dalahin ito sa ospital.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!