Ano ang bulutong? Ang bulutong tubig o chicken pox ay isang nakakahawang viral infection na nagiging sanhi ng makakating rashes na mukhang blister. Kadalasan ito ay tumatagal nang lima hanggang sampung araw.
Mayroon bang gamot sa bulutong tubig? Ano ang mga bawal na gawin ‘pag may bulutong? Alamin dito!
Ano ang bulutong tubig?
Maraming iba’t ibang sanhi ang rashes sa ating katawan. Isa ang bulutong tubig dito. Ano ba ang bulutong tubig? Ang bulutong tubig o chicken pox sa English ay isang impeksyon mula sa virus na varicella-zoster. Nagdudulot ito ng makakating rash sa balat na may maliliit na fluid-filled blisters.
Bawal ba mag electric fan pag may bulutong? Marami ang nagtatanong ukol dito, dahil may mga paniniwala na maaaring magpalala ng pangangati o makadagdag sa discomfort ang malamig na hangin mula sa electric fan.
Bulutong tubig nakakahawa ba?
Ito ay lubos na nakakahawa lalo na sa mga taong hindi pa nababakunahan laban dito at mga taong hindi pa nagkakaroon nito.
Mga sintomas ng bulutong tubig
Ang pangangati at pagkakaroon ng blisters sanhi ng bulutong tubig ay maaaring makita matapos 10-21 na araw mula ng ma-expose sa virus. Tumatagal rin ito ng 5 hanggang 10 araw. Bukod sa mga rash ito pa ang ilang sintomas nito.
Narito ang mga sintomas ng bulutong tubig na kadalasan ay tumatagal ng ilang araw:
Kasunod nito ang mga rashes na mapula at makati sa iba’t ibang parte ng katawan: mukha, likod at tiyan. Ito ang pinakakilalang sintomas. Kakalat din ito sa iba pang parte ng katawan tulad ng bibig at anit.
May tatlong stages ang mga bulutong tubig rashes:
- Ang rashes ay mukhang tagyawat o kagat ng insekto, medyo maumbok (papules) na kulay pink o pula
- Pagkatapos ng dalawa hanggang apat na araw, nagiging pangkat ang paglabas nito at nagmumukhang blisters (vesicles) na may fluid
- Kapag pumutok na ang balat ng blisters, nagkakaroon ito ng crust hanggang sa matuyo at maging scabs.
Sa lahat ng sintomas, ang rashes ang pinakamahirap dahil makati ito. May pagkakataon din na ang tatlong stages na nabanggit ay sabay-sabay na lumabas sa katawan ng may sakit.
Iwasan ang pag-kamot para hindi magkaroon ng peklat.
Sanhi ng bulutong tubig
Bulutong tubig nakakahawa ba? Ang bulutong tubig ay sanhi ng varicella-zoster virus (VZV) at ito ay lubhang nakakahawa.
Pagkahawa sa bulutong tubig
Ang bulutong tubig ay nakakahawa at kumakalat sa pamamagitan ng hangin na dala ang virus mula sa pagbahing o pag-ubo ng taong maysakit. Maaari rin na mahawa sa pamamagitan ng direct contact sa laway, mucus at fluid sa loob ng blisters.
Ang panahon kung saan maaaring makahawa ang bulutong tubig sa bata ay nakadepende sa kung kailan lumabas ang mga sintomas ng bulutong tubig: dalawang araw bago lumabas ang mga rashes hanggang sa ang mga blisters ay maging crusts.
Kaya naman nirerekomenda na huwag munang lumabas, at mag-isolate muna para hindi makahawa. Lalo na sa mga bata at para na rin sa mga taong hindi pa nababakunahan nito.
Mas karaniwan man ang bulutong tubig sa bata, tandaan na mayroon ding bulutong tubig sa matanda. Nagkakaroon ng bulutong tubig sa matanda kapag hindi nabakunahan kontra chicken pox.
Kung ang may kapitbahay o kamag-anak kayo na may bulutong tubig, inaabisuhan din ng eksperto na huwag munang makisalamuha sa kanila, lalo na kung mayroon kayong mga anak. Sapagkat maaari silang mahawaan ng bulutong tubig nang mabilis.
Kailan puwedeng bumalik sa paaralan ang batang nagkaroon ng bulutong tubig?
Upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng iba pang mga mag-aaral, makakabuti na sa bahay muna ang isang bata na may bulutong tubig at pumasok ulit sa paaralan kapag ang lahat ng mga blisters ay tuyo na.
Risk factors
Sinu-sino ba ang posibleng magkaroon ng bulutong tubig? Lahat ng tao matanda man, bata, o baby, puwedeng magkaroon ng bulutong. Mas mataas lang ang risk na magkaroon nito ang mga sumusunod:
- Ang mga hindi pa nagkakaroon ng bulutong tubig
- Mga hindi nabakunahan laban sa bulutong tubig
- May mababang immune system kasama na din ang mga buntis
- Mga naggagamot na nakakababa ng immune system tulad ng chemotherapy
- Gumagamit ng steroids para sa iba’t ibang kondisyon o sakit
Mga komplikasyon
- Eczema. Ang bata na may ganitong kondisyon o mahinang immune system ay maaaring makaranas ng sobrang rashes. Bagaman bihira, may mga bata din na nagkakaroon ng bacterial infection sa buto, balat, joints pati na rin sa utak.
- Ang mga buntis na nagkaroon ng bulutong tubig ay maaaring maapektuhan ang kaniyang anak tulad ng birth defects o komplikasyon sa kalusugan ng bata. Kung ang isang nanay naman ay nagkaroon ng bulutong tubig pagkatapos manganak, nandoon pa din ang risk ng komplikasyon sa kalusugan ng bagong panganak na bata tulad ng mga infection.
- Shingles. Ang batang nagkaroon ng chicken pox ay maaaring magkaroon ng shingles, isang kondisyon sa balat na karaniwan sa mga mas nakakatanda. Ang virus ay puwedeng maging dormant sa nervous system ng taong nagkabulutong tubig kahit pa gumaling na ito.
- Pneumonia
- Encephalitis o pamamaga ng utak dahil sa viral o bacterial infection
- Toxic shock syndrome
- Reye’s syndrome
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Agad na pumunta sa doktor kung ang bulutong ng bata ay nagdulot ng iba pang mga sumusunod na sintomas:
Larawan mula sa iStock
Kapag ang bata ay mga sintomas ng bulutong tubig:
- Lagnat na mataas sa 38.8°C at mahigit na sa apat na araw
- Hirap sa paghinga
- Malalang pag-ubo
- Mga rashes na mapula, namamaga o mainit
- Mga rashes na may nana
- Hirap sa paglalakad
- Matinding sakit ng ulo
- Madaling malito
- Sensitive sa maliwanag na ilaw
- Drowsy o kaya ay mahirap magising
- Stiff neck
- Nagsusuka
Kung ikaw ay magpapa-schedule sa doktor, sabihan siya na ang iyong anak ay may mga sintomas ng bulutong tubig upang maiwasan na makahawa sa iba.
Paano malalaman na mayroon kang bulutong?
Makukumpirma ng doktor kung ito nga ay bulutong tubig mula sa mga rashes. Maaari ding magkaroon ng mga laboratory tests kapag kinakailangan.
Importante ang paghuhugas ng kamay para hindi madaling mahawa sa bulutong.
Mga gamot sa bulutong tubig
Ano nga ba ang gamot sa bulutong tubig? Mayroon bang halamang gamot para sa bulutong tubig?
Ang antibiotics ay hindi sapat upang mapuksa ang virus na ito dahil ang antibiotic ay pamatay bacteria at hindi naman pamatay virus.. Ngunit maaaring magbigay ng gamot ang doktor kapag ang mga sores ay naging sanhi na ng bacterial infection. Ito ay kadalasang nangyayari sa mga bata na kinakamot o pinuputok ang mga blisters.
Ang mga antiviral na gamot naman ay ibinibigay sa mga may posibilidad na magkaroon ng komplikasyon sa kalusugan.
Mga home remedies para bulutong tubig
Natural na makararamdam ng discomfort kung ang isang tao ay mayroong bulutong. May mga maaaring gawin para mabawasan ang discomfort na dulot ng bulutong tubig.
Narito ang ilan sa mga paraan na maaaring magsilbing gamot sa pangangati ng bulutong. Maaari itong gawing gamot sa bulutong tubig para sa bata at gayundin naman sa matanda.
- Gamot sa bulutong tubig para sa bata: Bigyan siya ng sponge bath gamit ang maligamgam na tubig kada tatlo o apat na oras sa mga unang araw ng bulutong. Nakakatulong ito upang mabawasan ang pangangati. Maaari mo rin haluan ng hindi lutong oatmeal o baking soda ang pampaligo niya.
- Dampi lamang ang pagpapatuyo sa katawan, gamit ang malinis na tuwalya.
- Oinment para sa bulutong tubig. Lagyan ng ointment para sa bulutong tubig o calamine cream ang mga rashes upang mabawasan ang pangangati. Iwasan na ilagay ito sa mukha at malapit sa mata.
- Kapag may mouth sores, bigyan siya ng mga malamig na pagkain tulad ng yogurt, ice cream at fresh fruit shake. Maaari mo rin siyang bigyan ng malalambot na pagkain tulad ng saging, lugaw at mga noodles. Iwasan din ang pagbibigay ng maaalat at maaasim na pagkain.
- Bigyan ng acetaminophen upang mabawasan ang sakit na dulot ng mouth sores. Huwag bibigyan ng aspirin dahil ito ay maaaring maging dahilan ng Reye’s syndrome.
- Maaaring uminom ng antihistamine bilang gamot sa pangangati ng bulutong tubig.
Magtanong din sa doktor tungkol sa mga cream ointment para sa bulutong tubig na puwedeng gamitin para sa mga rashes sa maseselang parte ng katawan.
Hikayatin ang anak na iwasan ang pagkakamot sa mga blister dahil ito ay maaaring magdulot ng bacterial infection. Sa gabi, gumamit ng mittens o medyas sa kamay upang hindi siya makapagkamot.
Gupitin din ang mga kuko upang maiwasan ang bacterial infections kung sakali man makamot ang mga blisters.
Mabisang halamang gamot para sa bulutong tubig
Bukod sa mga paggamot na nauna nang nabanggit sa itaas, mayroon ding mabisang halamang gamot para sa bulutong tubig.
Ang halamang gamot na mabisa sa bulutong tubig ay ang chamomile at dahon ng bayabas.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Linh San
Nakabibili ng chamomile sa porma ng tsaa. Mag-brew lang ng dalawa hanggang tatlong tea bags ng chamomile at hayaang lumamig.
Pagkatapos ay isawsaw ang malambot na cotton pads o washcloth rito at ipahid sa balat na may chickenpox. Kapag tapos nang pahiran ang balat, dampian ito ng tuyong pamunas.
Mayroong antiseptic at anti-inflammatory properties ang chamomile na makatutulong para maibsan ang pangangati ng chickenpox.
Samantala, ang dahoon ng bayabas para sa bulutong ay mabisang halamang gamot din. Kadalasang ginagamit sa Ayurvedic at Chinese medicines ang dahon ng bayabas para gamutin ang mga skin irritation at infections.
Kung gagamit ng dahon ng bayabas para sa bulutong, pakuluan lang ang dahon sa dalawang tasang tubig sa loob ng 10-15 minuto. Pagkatapos ay salain ito at kuhain ang tubig na pinagkuluan. Haluan ito ng kaunting honey at inumin kapag maligamgam na.
Paano maiiwasan ang bulutong tubig?
Ang pinakamainam na paraan upang makaiwas dito ay pagbabakuna. Siguraduhin na may bakuna ang iyong anak kontra chickenpox. Ito ay ligtas. Kung magkaroon man, hindi ito magiging ganoon kalala at mas mabilis ang paggaling kung ikukumpara sa mga bata na walang bakuna.
Upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa bahay:
- Panatalihing malinis ang katawan. Maghugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng banyo.
- Ihiwalay ang batang may bulutong tubig.
- Hikayatin ang mga nag-aalaga na gumamit ng face mask at maghugas ng kamay palagi.
Bagama’t ang bulutong tubig ay isang pangkaraniwan na sakit sa mga bata, may mga paraan upang maiwasan ito. Huwag kalimutan na kumonsulta sa doctor kung kinakailangan.
Para naman sa mga matatanda kung hindi ka sigurado na ikaw ay may bakuna laban dito, maaaring magpa-blood test upang matignan ang iyong immunity laban sa sakit na ito. Tandaang mahalaga ang prevention kaysa sa cure.
Mga bawal gawin pag may bulutong
Para hindi lumalim ang peklat ng bulutong at hindi rin humantong sa pagkakaroon ng bacterial infection, mahalagang alamin ang mga bawal gawin pag may bulutong.
Gayundin naman kung ano ang mga pwede sa panahong mayroon kang ganitong sakit. Importanteng iwasan ang mga hindi dapat gawin pag may bulutong tubig.
Narito ang mga dapat tandaan kapag may bulutong:
- Huwag kakamutin ang mga blisters o rashes. Isa ang pagkamot sa mga rashes sa mga hindi dapat gawin ‘pag may bulutong tubig. Maaari kasing maging sanhi ito ng bacterial infection lalo na kung mahaba at marumi ang mga kuko.
- Iiwas ang mga buntis, sanggol, mga lolo at lola, at iba pang may mahinang resistensya sa taong may chickenpox.
- Huwag munang papasukin sa school ang batang may bulutong. Hintayin na matuyo ang mga rashes at blisters nito.
- Bawal bigyan ng aspirin ang mga mas bata sa 16 taong gulang.
- Iwasan ang pag-inom ng maasukal na fruit juices, kape, soda, energy drinks, at alak dahil maaari itong magdulot ng dehydration.
Bawal ba mahanginan ang taong may bulutong tubig?
Isa sa mga pinaniniwalaan ng mga matatanda na bawal mahanginan ang taong may bulutong tubig, ito ba ay totoo? Bawal ba mag electric fan pag may bulutong?
Ayon sa Vinmec International Hospital, ang sagot sa tanong na bawal ba mahanginan ang taong may bulutong ay: hindi. Hindi kailangang iwasan ang hangin.
Bawal ba mag electric fan ‘pag may bulutong? Hindi rin. Wala naman umanong epekto sa bulutong ang pagbubukas ng electric fan o pagpapahangin kung ikaw ay may bulutong.
Kailangan lamang na hinaan ang buga ng hangin ng electric fan para cool air ang ma-produce nito at matuyo ang pawis ng taong may chickenpox. Huwag masyadong laksan ang hangin ng electric fan dahil giginawin ang katawan at maaaring madagdagan ang sakit.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Alireza Kaviani
Samantala, narito naman ang mga maaaring gawin kung may bulutong:
- Regular na maghugas ng kamay
- Gumamit ng mainit na tubig na may sabon sa paglalaba ng mga sapin sa higaan at mga hinubad na damit.
- Ipaalam sa mga school nurse at ibang mga bata na nakalaro o nakasalamuha ng anak bago lumabas ang sintomas ng chickenpox. Maaari kasing nahawa na rin ang mga ito.
- Kumonsulta sa doktor kapag nilagnat, nakaranas ng panghihina, sumakit ang ulo, at nakaranas ng sensitivity sa liwanag. Gayundin kapag nakaranas ng pagsusuka, kawalang-pahinga, at pagiging iritable.
- Tandaan na available sa mga klinika at healthcare center ang bakuna kontra chickenpox. Maaaring magpabakuna ang sino mang hindi pa nababakunahan at hindi pa nagkakaroon ng bulutong. Importante ito para hindi mahawa ng chickenpox.
Mga pagkain na pwede sa may bulutong
Mahalaga rin ang maayos na diet tuwing may bulutong. Hindi lang kasi balat ang maaaring magkaroon ng blisters, pwede ring maapektuhan nito ang inner tongue, bibig, at lalamunan,
Bukod pa rito, kapag humina ang iyong immune system, posibleng magdulot ng komplikasyon ang chickenpox at magdulot ng gastritis.
Kaya naman, tandaan na iwasan ang mga pagkain na makapagdudulot ng iritasyon sa iyong bibig tulad ng maaanghang, acidic, maalat at malulutong na pagkain.
Ang mga pagkaing pwede at makabubuti sa taong may bulutong ay mild diet na madaling kainin at hindi magdudulot ng iritasyon sa bibig. Mahalaga rin na kumain ng mga pagkaing mayaman sa iron dahil makatutulong ito para maiwasan ang pagkakaroon ng anemia na isa sa mga komplikasyong dulot ng chickenpox.
Narito ang mga halimbawa ng pagkaing pwede pag may bulutong:
- Avocado
- Mashed potatoes
- Beans
- Scrambled na itlog
- Pinakuluang manok
- Tofu
- Poached fish
- Yogurt
- Ice cream
- Kamote
- Kanin
- Pasta
- Oatmeal
- Applesauce
- Saging
- Melon
- Broccoli
- Peaches
- Pipino
Importante rin na manatiling hydrated kung ikaw ay may bulutong. Kaya naman uminom ng sapat na dami ng tubig. Puwede ring uminom ng sabaw ng buko, low-sugar sports drinks, electrolyte-infused drinks, at herbal tea.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Pixabay
Bulutong sa baby
Kung ang iyong newborn baby ay nagkaroon ng bulutong, mahalagang kumonsulta agad sa iyong doktor. Huwag nang magpatumpik-tumpik pa dahil mas delikado ang bulutong sa baby. Mas maraming komplikasyon na maaaring idulot ang bulutong sa baby.
Paano malalaman kung magaling na ang bulutong?
Karaniwang lumalabas ang sintomas ng chickenpox sa loob ng sampu hanggang 21 araw maatapos kang ma-exposed sa virus. Kadalasang nakakarecover din ang taong may bulutong sa loob ng dalawang linggo. Pero paano ba malalaman kung magaling na ang bulutong?
Kung wala nang ibang sintomas na nararamdaman at tuyo na ang mga blister o rashes ay maaaring magaling na ang bulutong. Para mas makatiyak puwede rin namang kumonsulta sa doktor makalipas ang dalawang linggo buhat nang lumitaw ang mga sintomas ng chickenpox.
Gamot sa peklat ng bulutong
Kapag magaling na, ang dapat mo namang isipin ay ang gamot sa peklat ng bulutong. Ang mga natural na gamot para sa peklat ng bulutong ay ang mga sumusunod:
- Vitamin E
- Aloe vera
- Cocoa butter
- Roseship oil
Samantala, puwede namang pahiran ito ng over-the-counter creams na mabibili sa mga botika tulad ng retinol, exfoliants, at scar removal creams.
Narito ang ilan sa mga scar removal creams na maaari mong gamitin:
Kapag usaping Sebo De Macho, kilala na sa maraming tao diyan ang Apollo na brand. Kumbaga, ito ang pinakacommon na ginagamit ng mga taong gustong matanggal ang kanilang peklat.
Maganda na bilhin din ito dahil ibig sabihin subok na halos ng karamihan.
Hinahayaan ng ointment cream na ito na maiwasang maging peklat ang mga bagong sugat. Ito ay cream-like topical ointment na akma sa halos lahat ng tipo ng sugat.
Highlights:
- Most used Sebo De Macho.
- Proven and tested by many people.
- Cream-like topical ointment.
- Can apply for all types of wounds
Kung tight naman ang budget pero nais pa rin na mawala ang peklat na dulot ng sugat, naririyan ang The Generics Pharmacy Cebo de Macho Scented Ointment.
Sa murang halaga, mababawasan na ang stress sa pag-iisip kung paano nga ba mabubura ang peklat sa iyong katawan.
Malaking tulong ito upang ma-lighten ang scar at the same time ay ma-moisturize ito para sa mas healthy na skin.
Highlights:
- Helps in lightening scars.
- Moisturizes skin.
- Scented ointment.
Kapag hindi umubra ang mga gamot na ito para sa peklat ng bulutong pwede ring sumailalim sa professional treatments tulad ng excision and punch excision, fillers, microneedling, microdermabrasion, chemical peels, skin grafting, at laser resurfacing. Kumonsulta sa iyong doktor para malaman kung alin sa mga professional treatment na nabanggit ang akma sa iyong kondisyon.
Isinalin sa wikang Filipino ni Fei Ocampo mula sa artikulo ng theAsianparent Singapore
Karagdagang impormasyon isinulat nina Marhiel Garrote at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.