Ayon sa UNICEF at World Health Organization (2006), ang pulmoniya ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay ng mga bata edad 5 taon pababa. Nakakahawa ba ang pneumonia, at paano maiiwasan ang pagkakaron ng sakit na ito?
Ano ang pneumonia?
Pulmoniya ang komplikasyon ng baga kung saan ito ay namamaga sanhi ng impeksiyon. Ito ay malubhang o acute lower respiratory infection dahil napasok ng virus, bacteria o fungi ang baga at nakaapekto dito. Kapag may pulmonya, ang baga ay napupuno ng nana (pus) o tubig. Nahihirapang huminga and pasyente dahil hindi maayos ang pagpasok ng oxygen at paglabas ng carbon dioxide mula sa baga.
Image from Unsplash
Ayon sa UNICEF at World Health Organization (2006), ang pulmoniya ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay ng mga bata edad 5 taon pababa. Halos isa sa bawat 5 bata at halos 1.6 milyong katao ang namamatay dahil sa sakit na ito kada taon, sa buong mundo. Nuong 2015, mayrong naitala ang WHO na 920,136 kaso ng pulmoniya sa mga batang 5 taong gulang pababa. Sa Pilipinas pa lang, mayrong 57,809 pneumonia deaths ang naitala ng Department of Health nuong 2016. Isa ang Pilipinas sa 15 bansa na bumubuo sa 75% ng childhood pneumonia cases sa buong mundo, ayon sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng Department o Health.
Ayon pa Direktor ng RITM at miyembro ng Acute Respiratory Infection (ARI) Research Group na si Dr. Socorro P. Lupisan, MD, marami ang hindi nakakaalam na ang pulmoniya ay isa sa pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga bata sa Pilipinas.
Nakakahawa ba ang pneumonia?
Paliwanag ni Dr. Regent Andrei Piedad, MD, and pneumonia o pulmoniya ay isang communicable at nakahahawang sakit. “Ito ay isang bacterial infection ng lower respiratory tracts at kumakalat ito sa pamamagitan ng respiratory droplets ng may sakit,” dagdag pa ni Dr. Piedad. Kahit Sino ay pwedeng maapektuhan nito, pero lalo na ang mga bata na mahina pa ang immune system.
Sa madaling salita, “oo” ang sagot sa tanong kung nakakahawa ba ang pneumonia.
Paano maiiwasan ang pagkahawa ng pneumonia?
Para maiwasan ang pagkakaron ng pulmoniya, kailangang maintindihan ang sanhi nito. Ito ay isang karaniwang komplikasyon ng respiratory infection, lalo ng influenza, at mayron higit sa 30 partikular na sanhi nito. Ang mga pasyenteng may Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) o mga progressive lung diseases tulad ng emphysema, chronic bronchitis, at hika ay tinuturing na high risk para sa pneumonia.
Ayon sa isang artikulo ng RITM, mataas ang bilang ng mortality sanhi ng pneumonia dahil madalas ay hindi nadadala kaagad ang pasyente sa ospital, kundi ay huli na ang lahat. “Marami kasi ang hindi nakakaalam ng mga pangunahing sintomas, at hindi nakikita na malubha na ang sitwasyon,” paliwanag ni Dr. Piedad.
Image from Unsplash
Mga sintomas:
- Matinding pag-ubo, na may kasamang berde o dilaw na mucus; minsan din ay may dugo na palang kasama.
- Mula sinat hanggang mataas na lagnat
- Pananakit ng tiyan at pagsusuka
- Kombulsyon, o mahinang panginginig
- Hirap sa paghinga
- Pananakit o paninikip ng dibdib lalo kapag umuubo
- Pananakit ng ulo
- Labis na pagpapawis
- Walang ganang kumain
- Panghihina
- Pakiramdam na laging pagod
Mataas ang panganib para sa mga batang 5 taon pababa lalo na kung mahina ang immune system, malnourished, at nakakasagap ng usok mula sa paninigarilyo ng nakapaligid sa kanila; at mga nasa edad 65 taon pataas, lalo na kung naninigarilyo, umiinom ng alak, o nagkaron na ng viral respiratory infection tulad ng sipon, laryngitis, influenza, pati na diabetes, hika, chronic bronchitis, emphysema, at iba pa.
Iba pang lunas
Ayon kay Dr. Piedad, ang pinakamabisang paraan para hindi kumalat ang impeksiyon o mahawa sa pneumonia ay ang pagbukod sa may sakit at sa lahat ng gamit niya. “Dapat na maihiwalay ang may sakit o infected individual, at gumamit ng protective face masks, habang may pulmoniya pa siya,” payo ni Dr. Piedad. Kasama na rin ang pag-iingat tulag ng paghuhugas ng kamay palagi at masusing disinfection ng mga gamit: damit, baso, kutsara’t tinidor, kumot, unan, at iba pa.
Ang transmission o pagkahawa sa pneumonia ay mabilis at madalas na hindi napapansin dahil nga ang ga-patak na kontaminadong mucus, laway o dugo ay delikado na. Kaya mahalagang mag-ingat at maging alisto sa prebensiyon.
Image from Unsplash
May mga bakuna para malabanan ng katawan ang mga virus at bacteria na maaaring maging sanhi ng impeksiyon, tulad ng anti-Haemophilus Influenzae at anti-Pertussis mula pa lang sa edad na 2 buwan. Mayron ding bakuna laban sa pneumococcus organism, na karaniwang sanhi ng pneumonia. Taong 2013 ng idagdag ng Department of Health ang Pneumococcal Conjugate Vaccine (PCV) sa libreng bakuna para sa mga bata sa mga health centers sa bansa. Magtanong sa doktor tungkol sa mga bakunang ito para magkaron ng sapat na impormasyon at malabanan ang pneumonia.
Patuloy na aksiyon ng DOH
Patuloy ang pagsasaliksik ng DOH, sa tulong ng RITM-ARI Research Group. Ito ay para makahanap ng Tamang stratehiya at malabanan ang nakamamatay na sakit na ito. Isa sa mga paraan na natunton ng pag-aaral ay ang edukasyon at pagpapakalat ng impormasyon sa mga magulang tungkol sa immunization at sintomas na dapat malaman. Hindi dapat pang hintaying lumala ang nararamdaman ng mga bata, lalo na, bago pa dalhin sa doktor para magpatingin. Mahalaga ding makinig sa mga payo ng mga doktor sa kung ano ang dapat gawin.
SOURCES:
Regent Andrei Piedad, MD
Department of Health
https://ritm.gov.ph/the-fight-against-pneumonia-continues/
Basahin:
Can children get pneumonia from sleeping with the fan on?
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!