Dahil sa maling paniniwala tungkol sa virus, sanggol nasawi. Mga magulang at kapatid ng sanggol nalagay rin sa peligro.
Mababasa sa artikulong ito
- Sanggol na nasawi dahil sa maling paniniwala tungkol sa virus ng magulang niya
- Ang kahalagahan ng pagpatingin sa isang doktor tuwing may sakit o karamdaman
- Maging protektado laban sa mga sakit sa tulong ng tamang impormasyon
Paalala, hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang gamot laban sa COVID-19. Ang tanging paraan sa ngayon na maaring gawin ay manatiling protektado laban sa sakit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga health protocols.
Tulad ng pagsusuot ng mask, pagpapanatili ng physical distancing, pagiging malusog ng katawan at pagpapabakuna laban sa sakit.
Bilang isang magulang, wala tayong ibang hinangad kung hindi ang masigurong ligtas at nasa maayos na kalusugan lagi ang ating anak. Tulad na lamang sa ngayon na tayo ay nakakaranas ng COVID-19 pandemic.
Ito ay ating magagawa sa tulong ng mga taong nasa awtoridad at eksperto gaya ng doktor para sa mga bata. Hindi ng basta kung sino-sino lang na walang sapat na kaalaman at karanasan.
Sapagkat imbis na mailigtas ang iyong anak ay baka mas mailagay mo pa siya kapahamakan. Halimbawa nito ang nangyari sa isang limang buwang sanggol sa bansang Dominican Republic.
Larawan mula kay Rene Asmussen sa Pexels
Sanggol na nasawi dahil sa maling paniniwala tungkol sa virus ng magulang niya
Nitong nakaraang taon ay naiulat na nasawi ang isang 5 buwang sanggol sa bansang Dominican Republic. Ito ay matapos painumin umano ng dugo ng pagong ang sanggol bilang proteksyon laban sa kumakalat na sakit na COVID-19. Ayon sa mga report naisugod pa sa ospital ang sanggol, ngunit idineklara nang patay ang sanggolng makarating dito.
Base sa mga report, kasama ng kaniyang mga magulang at kapatid, ang sanggol ay pinayuhan umano ng isang witch doktor o albularyo na uminom ng dugo ng pagong bilang kanilang pangontra laban sa sakit na COVID-19.
Dala ng paniniwala sa ganitong uri ng panggagamot ay sumunod ang mga magulang ng sanggol sa iniutos ng albularyo. Sila ay uminom ng dugo ng pagong.
Matapos nito ang buong pamilya ay isinugod sa ospital na kung saan hindi na umabot ang sanggol ng buhay. Habang ang kaniyang mga magulang at pitong taong gulang na kapatid ay naospital rin at nalagay ang buhay sa peligro.
Larawan mula sa Hand photo created by rawpixel.com – www.freepik.com
Ang kahalagahan ng pagpatingin sa isang doktor tuwing may sakit o karamdaman
Ayon sa director ng ospital na kung saan isinugod ang nasabing pamilya, ang naging kapalaran ng kaawa-awang sanggol ay resulta ng pag-inom ng mga gamot na hindi dumaan sa tamang pagsusuri at pag-aaral. Sanhi nito imbis na makagamot ay mas nagdulot pa ito ng peligro sa buhay ng tao.
Pahayag ni Dahiana Volquez, Director sa Rosa Duarte Hospital sa Comendador, Dominican Republic,
“These types of cases are caused by people who think these drinks can have curative qualities but can end up being deadly.”
Maliban sa insidente, noong 2012 ay may apat na bata rin ang nasawi mula sa parehong pamilya dahil parin sa panggagamot na ginawa ng isang albularyo sa kanila.
Ang mga bata umano ay namatay sa bugbog matapos sabihin ng albularyo sa magulang ng mga bata na ang mga ito ay nasasapian ng masamang espirito.
BASAHIN:
Gabay para sa mga magulang sa panahon ng COVID-19
Alamin ang mga ‘High-risk’ sa pagkakaroon ng malalang sintomas ng COVID-19!
6 nakakahawang sakit ng mga bata at iba’t ibang uri nito
Maging protektado laban sa mga sakit sa tulong ng tamang impormasyon
Larawan mula sa Family photo created by gpointstudio – www.freepik.com
Sa ngayon na may kumakalat na virus napaka-halaga na bawat isa sa atin ay may sapat na kaalaman kung paano mapoprotektahan ang ating sarili at pamilya.
Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pakikinig o pagbabasa ng mga balita mula sa mga reliable sources. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng pakikinig sa mga anunsyo ng pamahalaan o mula sa Department of Health.
May mga mababasa rin namang artikulo online mula sa mga pinagkakatiwalaang health institutions sa buong mundo. Tulad na lamang ng World Health Organization o WHO at Center for Disease Control and Prevention o CDC.
Dito sa theAsianparent ay sinisiguro rin naming na laging tama ang mga impormasyong ibinibigay sa inyo.
Tandaan sa ngayon ay wala pa ring natutuklasang lunas laban sa sakit na COVID-19. Bagama’t may mga bakuna ng available na maaaring magbigay ng dagdag na proteksyon sa iyo at iyong pamilya.
Maliban dito, napakahalaga rin ang pagsunod sa mga COVID-19 health protocols. Tulad ng pagsusuot ng mask, physical distancing at pagpapanatiling malinis ng katawan.
Dapat din ay panatilihing malusog ang katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, pag-iehersisyo at tamang pagpapahinga.
Mahalaga rin sa oras na may sakit o karamdaman ay agad na kumonsulta sa doktor. Sapagkat sila ay may sapat na kaalaman at karanasan pagdating sa paggagamot.
Hindi rin dapat basta mag-eeksperimento ng gamot na iinumin. Dahil imbis na gumaling ay mas lalo pang lumala ang kondisyon mo.
Source:
Daily Mail UK
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!