Pabalik-balik ba ang pananakit ng iyong ulo? Baka mali ang iyong iniinom na gamot. Narito ang mga dapat mong malaman tungkol sa iba’t ibang uri ng sakit sa ulo.
Isa sa mga sakit na pinakamahirap para sa ating mga magulang ay ang headache o sakit ng ulo. Kumpara kasi sa pananakit sa ibang parte ng katawan, kapag ang ulo ang sumakit, apektado ang iyong pag-iisip at mahirap kumilos sa buong araw.
May mga taong nakasanayan nang tiisin ang kanilang sakit sa ulo, subalit sa halip na indahin, dapat ay bigyan agad ng lunas ito para hindi tumagal.
Para malaman ang tamang lunas sa sakit ng ulo, importante ring alamin ang iba’t ibang uri ng sakit sa ulo at mga posibleng sanhi nito.
Mga posibleng sanhi ng sakit sa ulo
Bagama’t ang sanhi ay partikular sa uri ng sakit sa ulo na ating nararamadaman, narito naman ang mga karaniwang sanhi ng sakit ng ulo sa karamihan:
1. Sakit
Kasama rito ang mga infection gaya ng sipon, trangkaso at lagnat. Karaniwang ding sumasakit ang ulo ng mga taong may sinusitis, impeksyon sa lalamunan at tenga.
Sa ilang kaso, ang sakit sa ulo ay maaaring sintomas ng mas seryosong sakit.
2. Stress
Kapag stressed ang isang tao, madalas mong marinig na sumasakit ang ulo niya. Hindi ito isang expression lang. Talagang nakakapagdulot ng sakit sa ulo ang emotional stress at iba pang mental health issues gaya ng depression at anxiety.
Gayundin, posible ring magdulot ng sakit ng ulo ang pag-inom ng alak, hindi pagkain sa tamang oras, kulang sa tulog at pag-inom ng masyadong maraming gamot.
“Kaka-computer mo yan!” Pwede ring makadagdag ang matagal na paggamit ng computer o gadgets at maling posture o pag-upo.
Larawan mula sa Freepik
3. Kapaligiran
Kabilang na rito ang paglanghap ng usok ng sigarilyo at malalakas na amoy tulad ng mga pabango at household chemicals.
Maaari ring maka-trigger ng sakit ng ulo ang polusyon, ingay, ilaw, pagbabago ng panahon at maging ang ibang pagkain.
4. Genetics
Sa kasamaang palad, ang ibang uri ng sakit sa ulo gaya ng migraine ay namamana.
Ayon sa WebMD, kapag ang kaniyang nanay at tatay ay parehong may migraine, 70 porsyento ang posibilidad na magkaroon din nito ang isang bata. Kapag isa lang naman sa magulang ang may migraine, bumababa ito sa 25 hanggang 50 porsyento.
Bagama’t hindi pa natutukoy ng mga doktor ang eksaktong sanhi ng migraines, may isang teorya na nagsasabing ang electric charge sa mga nerve cells ang nagsasanhi nito.
Iba’t ibang uri ng sakit sa ulo
Para mas madaling intindihin, hatiin nating ang mga uri ng sakit sa ulo sa dalawang grupo. Ang mga common o mas pangkaraniwang sakit ng ulo at ang mga hindi pangkaraniwang sakit ng ulo.
Ayon sa WebMD, mayroong higit sa 150 uri ng sakit sa ulo. Pero narito ang mga mas karaniwan at mas madalas nating maranasan:
5. Tension Headaches
Ito ang pinakakaraniwang sakit ng ulo na nararanasan ng mga teenager at matatanda. Maaaring makaranas ang tao ng paninikip sa bahagi ng kaniyang ulo na maaring umabot sa kaniyang leeg.
Nagsisimula ito nang banayad lang pero maaaring lumala kapag hindi nalunasan. Kadalasan, wala rin itong kasamang ibang sintomas. Sinoman ay maaaring magkaroon ng tension headache. Kadalasang dulot ito ng stress.
Inilalarawan naman ang migraine bilang pamimintig na sakit ng ulo. Maaari itong tumagal ng 4 na oras hanggang 3 araw at pwedeng mangyari ng isa hanggang 4 na beses sa isang buwan.
Kasabay ng sakit ng ulo, mayroon itong kasamang ibang sintomas gaya ng pagiging sensitibo sa liwanag, ingat at amoy. Maaari ring makaramdam ng pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng tiyan.
Kapag may migraine ang isang bata, maaari silang mamutla, at makaramdam ng pagkahilo, paglabo ng paningin, pagsusuka at pananakit ng tiyan.
Kadalasang ang sakit ng ulo na ito ay nararamdaman sa isang bahagi lang ng ulo. At dahil sa tindi ng pananakit ng ulo dulot ng migraine, maaaring malimitahan nito ang iyong abilidad na gumawa ng mga pang araw-araw mong gawain.
Ang ilang migraine headaches ay may kaakibat na visual disturbances. Tinatayang nasa 1/3 ng mga tao na may migraine ang nakararanas ng ganitong sintomas bago umatake ang sakit sa ulo. Tinatawag na migraine aura ang visual distrubances na ito.
Bago umatake ang migraine maaaring makaranas ng migraine aura tulad ng mga sumusunod:
- flashing lights
- shimmering lights
- zigzag lines
- stars
- blind spots
Maaari ring magdulot ng pagkamanhid ng isang bahagi ng mukha o braso at hirap sa pagsasalita ang migraine aura. Kadalasang hereditary o namamana ang migraine, pero maaari ring dulot ito ng iba pang nervous system conditions.
Mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng migraine ang mga babae kaysa sa mga lalaki. Maging ang mga taong may post traumatic stress disorder (PTSD) ay may mataas na risk din ng pagkakaroon ng migraine.
Ilan sa mga karaniwang migraine trigger ay ang mga sumusunod:
- kakulangan sa tulog
- dehydration
- nalipasan ng gutom
- ilang pagkain
- hormone fluctuations
- exposure sa mga kemikal
- masyadong maingay
- masyadong maliwanag
- matatapang na amoy
Larawan mula sa Freepik
BASAHIN:
8 sintomas na maaaring dulot na pala ng sakit sa puso
10 palatandaan na malapit ka nang reglahin at ang maaari mong gawin
Ano ang pinagkaiba ng trangkaso at sipon?
7. Cluster Headaches
Ito umano ang pinakamatinding uri ng sakit sa ulo. Inilalarawan ito ng pagkakaroon ng matinding sakit na parang mahapdi o tumutusok sa bandang likod ng mata.
Maaaring ito ang namimintig o nawawala at bumabalik, o manatili lang ang sakit ng matagal. Sa sobrang tindi ng sakit, ang mga taong nakakaranas nito ay hindi nakakapirmi sa isang lugar.
Sa bahagi ng ulo kung saan nararamdaman ang sakit, maaaring bumagsak ang talukap ng mga mata, mamula ang mata, lumiit ito at magluha.
Maaari ring makaranas ng pagtulo ng sipon o pagbabara ng ilong. Karaniwang sintomas din nito ay ang pamamaga, pamumula, at pag-init, at pagpapawis ng bahaging apektado ng sakit ng ulo.
Tinawag itong cluster headaches dahil nangyayari ito ng magkakagrupo. Maaari itong maranasan 1 hanggang 3 beses sa isang araw na magtatagal mula 2 linggo hanggang 3 buwan.
Bawat attack o pagsakit ay maaring tumagal ng 15 minuto hanggang 3 oras. Maaari kang gisingin ng sakit mula sa iyong pagtulog.
Gayundin, puwedeng mawala ang cluster headaches ng ilang buwan o taon, at bumalik lang bigla. Remission ang tawag dito ng mga doktor. Mas karaniwan raw ang ganitong uri ng sakit ng ulo sa mga kalalakihan.
8. Chronic Daily Headaches
Maaaring magkaroon ng pananakit ng ulo ng 15 araw sa loob ng isang buwan o mahigit pa. Ang episodes o attack ay maaaring maiksi lang, pero pwede ring tumagal ng 4 na oras. Sa mga ganitong kaso ng sakit sa ulo, kailangang sumailalim ang pasyente sa pain management plan.
9. Sinus Headaches
Sa ganitong uri ng sakit sa ulo, makakaranas ka ng pananakit sa iyong pisngi, noo at buto sa ilong. Nangyayari kasi ito kapag namamaga ang iyong sinuses.
Kadalasan, may kasama itong sipon, pananakit ng tenga, lagnat at pamamaga ng mukha. Kung ang sakit ng ulo ay dahil sa sinus infection, ang kulay ng iyong sipon ay yellow o green, kumpara sa clear o walang kulay na discharge kapag may migraine.
10. Posttraumatic Headaches
Ang ganitong uri ng sakit ng ulo ay maaring magsimula 2 hanggang 3 araw pagkatapos ng isang
head injury. Narito ang mga maaari mong maramdaman:
- Pananakit na tumitindi habang tumatagal
- Vertigo
- Parang magaan ang ulo
- Nahihirapang mag-focus
- Problema sa memorya
- Mabilis na mapagod
- Pagiging iritable
Maaaring magtagal ang pananakit ng ulo ng ilang buwan. Pero para makasiguro, kumonsulta sa iyong doktor hindi ito bumuti sa loob pa lang ng 2 linggo.
Narito naman ang ilan sa mga hindi masyadong karaniwang uri ng sakit ng ulo:
11. Exercise Headaches
Kilala rin ito sa tawag na exertion headaches.Kung ikaw ay aktibo, ang mga muscles sa iyong ulo, leeg at maging sa scalp ay nangangailangan ng mas maraming dugo kaya gumagawa ng blood vessels ng mas marami nito.
Bilang rseulta, maaaring makaramdam ng pamimintig sa gilid ng gulo sa loob ng 5 minuto hanggang 48 oras. Kadalasan, umaatake ito habang ikaw ay nag-eehersisyo o nakikipagtalik.
12. Hemicrania Continua
Ang Hemicrania continua ay isang matindi at tumatagal na uri ng sakit ng ulo na umaatake lang lagi sa isang bahagi.Tumatagal ng tatlong buwan o higit pa ang sakit sa ulo na ito. Maaari ka ring makaramdam ng pagtaas ng instensidad ng sakit kada araw.
Narito ang ilan pang sintomas nito:
- sakit na nag-iiba-iba ng tindi
- mapula o lumuluhang mata
- baradong ilong
- pagbagsak ng talukap ng mata
- lumiliit na iris
- mas sumasakit kapag gumagawa ng pisikal na gawain
- lalong sumasakit kapag umiinom ng alak
- pagduwal o pagsusuka
- pagiging sensitibo sa ilaw at ingay
13. Hormone Headaches
Maaari ring sumakit ang iyong ulo kapag nagbabago ang hormones sa iyong katawan sanhi ng iyong monthly period, pagbubuntis o
menopause. Puwede rin itong mangyari kapag gumagamit ka ng birth control pills.
Kung ang pagsakit ng ulo ay nangyayari 2 araw bago ang iyong period o 3 araw matapos ang pagsisimula nito, tinatawag itong menstrual migraines.
14. New Daily Persistent Headaches (NDPH)
Ang uri ng sakit ng ulo na ito ay maaaring magsimula nang biglaan at magtagal araw-araw sa loob ng 3 buwan o higit pa.
Bagama’t hindi rin matukoy ng mga doktor kung bakit nangyayari ito, napansin ng ibang nagkaroon nito na nagsimula ang pananakit ng kanilang ulo pagkatapos ng isang infection, trangkaso, surgery o malungkot na pangyayari.
Iba-iba rin ang sintomas ng NDPH. Para sa ilan, para itong tension headache. Ayon naman sa iba, may kasama itong pagduwal at pagiging sensitibo sa liwanag.
15. Ice Pick Headaches
Ang uri ng sakit ng ulo na ito ay matindi subalit nagtatagal lang ng ilang segundo. Maaari silang mangyari ng ilang beses sa isang araw.
Uri ito ng sakit ng ulo na tila makakaramdam ka ng single stab o multiple stabs nang sunod-sunod. Kadalasan ay tila lumilipat-lipat sa iba’t ibang bahagi ng ulo ang pananakit.
Kung makakaranas ng ganitong klase ng sakit ng ulo, kailangan agad kumonsulta sa isang doktor dahil maaaring sintomas ito ng mas seryosong sakit.
Larawan mula sa Freepik
16. Spinal Headaches
Kumonsulta rin sa iyong doktor kung magkakaroon ng sakit ng ulo pagkatapos mong sumailalim sa spinal tap, spinal block o isang epidural.
Kapag nag-leak ang spinal fluid mula sa puncture site habang isinasagawa ang mga nabanggit na procedure, maaari itong magdulot ng pananakit ng ulo.
Ang spinal headache ay resulta ng mababang cerebrospinal fluid pressure matapos ang lumbar puncture. Tinatawag din itong postdural puncture headache.
Maaari mong maramdaman ang sakit sa ulo sa iyong batok, noo, taas na bahagi ng leeg, at likod ng ulo. Ang iba pang sintomas ng spinal headache ay ang mga sumusunod:
- pagkahilo
- pagsusuka
- pagsakit ng leeg
- pagbabago sa paningin
- pagkawala ng pandinig
- radiating pain sa mga braso
17. Thunderclap Headaches
Ayon sa mga nakakaranas nito, ito na ang pinakamatinding sakit ng ulo na mararanasan mo sa buong buhay mo. Bigla lang itong mangyayari at mararamdaman mo agad ang matinding sakit sa loob lang ng 1 minuto, at maaaring tumagal hanggang 5 minuto. Maaaring sanhi ito ng seryosong kondisyon na nangangailangan ng madaliang atensyong medikal.
Narito ang mga posibleng sanhi ng thunderclap headache:
- Punit, sugat, bara o pamamaga sa iyong blood vessel na tinatawag ding vasculitis
- Head injury
- Hemorrhagic stroke mula sa ruptured blood vessel sa iyong utak
- Ischemic stroke mula sa blocked blood vessel sa iyong utak
- Numinipis na blood vessels sa paligid ng utak
- Pagbabago ng blood pressure sa mga huling linggo ng pagbubuntis
- Injury sa utak
- Reversible cerebral vasoconstriction syndrome (RCVS)
- Pituitary apoplexy o pagdurugo o pagkawala ng dugo mula sa organ
Huwag ipagwalang-bahala ang ganitong klase ng sakit ng ulo. Maaari itong senyales na mayroon kang seryosong sakit o kondisyon.
Kapag nalaman ang sanhi at uri ng sakit sa ulo, mas mabibigyan na ito ng tamang lunas.
Gamot sa sakit ng ulo
Ang pinakakaraniwang lunas sa kahit anong uri ng sakit ng ulo ay ang pagpapahinga.
Pero makakatulong din ang pain relief medication para mabawasan ang pananakit. Para maiwasan ang lalong pagsakit ng ulo dala ng labis na paggamit ng gamot, sundin nang maigi ang payo ng doktor kung kailan at gaano kadalas iinumin ang gamot.
Maaari ring magbigay ang doktor ng electronic medical devices, counseling at stress management (sa mga sakit na dala ng stress).
Kailangan ding bigyan ang lunas ang mga kondisyon na nagdudulot ng sakit ng ulo para mawala ang sintomas na ito.
Para sa mga hormone headaches, maaari kang bigyan ng gamot para sa iyong hormones, o patigilin ang paggamit ng birth control pills.Gagawa ang iyong doktor ng treatment plan ayon sa iyong mga sintomas at pangangailangan.
Maaaring makatulong ang mga sumusunod na gamot sa iba’t ibang uri ng sakit sa ulo:
- Tension headache – maaari itong maibsan sa pag-inom ng mga OTC medication tulad ng aspirin, ibuprofen, naproxen, at acetaminophen and caffeine. Kapag hindi naman ito umubra, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang indomethacin, meloxicam, o ketorolac.
- Cluster headache – pwedeng irekomenda ng doktor ang oxygen therapy, sumatriptan, o local anesthetic para maibsan ang sintomas. Matapos ang diagnosis, maaari kang bigyan ng gamot sa sakit ng ulo tulad ng corticosteroids, melatonin, topiramate, o calcium channel blockers.
- Migraine – kapag hindi naibsan ng OTC medication ang migraine pain, maaari kang bigyan ng prescription upang mag-take ng triptans. Gamot ito na nakapagpapagaling sa inflammation at pagbabago ng daloy ng dugo sa iyong utak. Maaaring ito ay nasa form ng nasal sprays, pills o injections.
Ang ilan naman sa mga mabisang preventive migraine medications ay ang propranolol, metoprolol, topiramate, at amitriptyline.
- Hemicrania continua – indomethacin, gamot na nonsteroidal anti-inflammatory
- Ice pick headache – indomethacin, gabapentin, cyclooxygenase-2 inhibitors, melatonin, at external hand warming
- Thunderclap headache – calcium channel blockers, beta-blockers, topiramate, lithium, triptans.
- Sinus headaches – nasal steroid sprays, OTC decongestants tulad ng phenylephrine, at antihistamines tulad ng cetirizine.
- Hormone headache – naproxen, relaxation techniques, yoga, acupuncture, at pagkain ng modified diet.
- Exercise headache – aspirin or ibuprofen
- Post traumatic headaches – triptans, sumatriptan, beta-blockers, amitriptyline
- Spinal headache – pain relievers and hydration
Larawan mula sa Freepik
Home remedies sa sakit ng ulo
Kung hindi naman matindi ang pananakit ng ulo, maaari mo ring subukan ang ilang paraan para mabawasan ang sakit o iwasan ito:
- Gumamit ng warm compress o ice pack sa iyong ulo o leeg. Subalit para maiwasan ang extreme temperatures (na maaaring makadagdag sa sakit ng ulo, huwag ilagay ang yelo diretso sa balat. Balutin ito ng tela.
- Iwasan ang ma-stress. Subukan ang mga mindfulness meditation, yoga, at pakikinig sa nakakarelax na music.
- Kumain sa oras. Iwasan ang magpagutom, na magiging sanhi para bumaba ang iyong blood sugar levels at sumakit ang iyong ulo.
- Mag-ehersisyo. Nakakatulong ang paggawa ng mga pisikal na gawain para maging maayos ang pagdaloy ng dugo at oxygen sa iyong ulo, at para mabawasan rin ang stress.
- Magkaroon ng sapat na tulog at pahinga. Siguruhin ding tahimik at kaaya-aya ang iyong paligid para makapagpahinga nang maayos.
- Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.
- Ugaliing magpahinga kahit sandali kapag nagtatrabaho para makapag-stretch at maiwasan ang pagsakit ng mata mula sa matagal na pagtingin sa computer screen. Siguruhin ding tama ang iyong posisyon at pag-upo para hindi sumakit ang iyong leeg.
- Uminom nang maraming tubig para hindi madehydrate.
Tandaan, kung mayroon kang nararamdaman na kakaiba sa iyong katawan, lalo na kung makaranas ng biglaan at matinding pananakit ng ulo, huwag mag-atubiling kumonsulta sa iyong doktor.
Kailan dapat bumisita sa doktor
Mahalagang magpatingin sa iyong doktor kung makaranas ng pananakit ng ulo. Dahil iba’t iba ang uri ng sakit sa ulo, maaaring magkakaiba rin ang gamot para rito. Para matiyak na mabisa at angkop ang gamot na iinumin, mabuting magpakonsulta sa inyong doktor.
Sa mga kaso ng episodic headaches, mawawala rin ang sakit ng ulo sa loob ng 48 oras. Pero kung tatagal ng dalawa o higit pang araw ang sakit ng iyong ulo, lalo na kung tumitindi ang pagsakit nito, mas makabubuting ipaalam na ito sa iyong doktor.
Kung magkaroon ng sakit sa ulo na tumatagal nang 15 araw sa loob ng isang buwan, maaaring ikaw ay may chronic headache condition. Kahit na naiibsan ang sakit ng ulo sa pamamagitan ng mga capsule at tablet na gamot na mabibili over the counter, mahalaga pa rin ang tamang diagnosis mula sa iyong doktor.
Maaaring sintomas ng mas seryosong health conditions ang sakit sa ulo. Kaya naman mayroong mga uri ng sakit sa ulo na kailangang sumailalim sa ibang treatment bukod sa over-the-counter medications at home remedies.
Paano dina-diagnose ang sakit sa ulo
Pwedeng magsimula ang headache diagnosis sa pamamagitan ng physical exam at pagtingin sa iyong medical history. Maaari ding magtala o gumawa ng headache journal bago bumisita sa iyong doktor. Itala ang mga naranasang pag-atake ng sakit ng ulo kabilang na ang mga sumusunod:
- duration o gaano katagal ito
- intensity o tindi ng sakit ng ulo
- saang bahagi ng ulo naramdaman ang pananakit
- mga posibleng rason o triggers ng sakit sa ulo
Maaari kang i-refer ng iyong pangunahing doktor sa isang neurologist. Para sa ibang uri ng sakit sa ulo, pwede kang isailalim sa diagnostic tests para malaman ang underlying cause. Ilan sa mga tests na ito ay ang MRI o CT scan, lumbar puncture, o kaya naman ay blood test.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!