Paano mo malalaman kung may lagnat ang bata? Alamin rin kung ano ang temperature ng may lagnat sa mga bata.
Mainit ba si baby? Alamin dito kung anong temperature ng may lagnat pagdating sa mga bata.
Mommies, narito na ang kasagutan sa inyong tanong kung paano malalaman kung may lagnat ang bata.
Kapag parang matamlay at may sakit ang ating anak, una nating tinitingnan kung mayroon ba silang lagnat. Pero ano nga ba ang temperature ng batang may lagnat? Anong maaaring gawin ng mga magulang?
Kumonsulta kami kay Dr. Nicole Perreras, isang pediatrician at eksperto sa infectious diseases mula sa Makati Medical Center, upang malaman kung ano ang tamang paraan para malaman kung ano ang temperature ng batang may lagnat at mga dapat gawin kung mataas ang kaniyang temperature.
Nangyayari ang lagnat kapag tumataas ang thermostat o temperatura ng isang tao, bilang reaksyon sa isang sakit o infection.
Ayon kay Dr. Perreras, para sa mga sanggol (3-buwan pababa), kailangang masuri agad ang lagnat ng bata para matukoy kung ito ba ay dulot ng malubhang sakit gaya ng sepsis o bacterial infection.
Kung hindi naman bacterial infection, maaaring nilalagnat ang sanggol dahil katatapos lang ng niyang magpabakuna. Isa sa mga sintomas ng ibang vaccination gaya ng chickenpox at MMR ay ang pagkakaroon ng lagnat.
Sa mga batang 3-buwan hanggang 3 taong gulang naman, ang pinakakaraniwang sanhi ng lagnat ay viral infection gaya ng sipon, ubo o diarrhea. Sa mas matatanda, mas madaling suriin kung ano ang pinagmulan ng lagnat, ayon sa mga ibang nakikitang sintomas.
Ano ang may lagnat sa bata at kaugnayan ng temperature
Nangyayari ang lagnat kung ang internal thermostat ng ating katawan ay tumaas kaysa normal na body temp. Matatagpuan ang thermostat na ito sa bahagi ng ating utak na tinatawag na hypothalamus. Alam ng ating hypothalamus kung anong temperatura ang dapat mayroon ang ating katawan.
Karamihan sa body temperature ng tao ay nagbabago-bago ng bahagya sa magdamagan. Mas mababa ng kaunti ang ating body temp sa umaga at mas mataas naman ng kaunti kapag sa gabi. Nagbabago din ito lalo na sa mga bata, na laging naglalaro, nagtatatakbo, o nag-eexercise.
Minsan naman, nire-reset ng ating hypothalamus ang body temp natin sa mas mataas bilang response sa impeksyon, sakit, o iba pang dahilan. Naniniwala naman ang mga mananaliksik na nangyayari ito dahil ito ang response ng ating katawan para labanan ang germs.
6 na dapat tandaan tungkol sa lagnat ng bata at ano ang temperature
Lagnat temperature. | Larawan mula sa Freepik
1. Ano ang temperature kapag may lagnat ang isang bata? Paano ito malalaman?
Mayroon nang nakasanayang paraan ang bawat magulang para matukoy kung may lagnat ang kanilang mga anak. Kadalasan, napapansin nating matamlay ang bata, kakapain natin ang bahagi ng kanilang leeg para tingnan kung mainit ito o hindi.
Pero paalala ni Dr. Perreras, ang ganitong paraan hindi maaasahan para malaman kung mayroon talagang lagnat ang bata.“‘Yong tactile kasi, it’s not reliable because it depends on the skin of the person touching the child.” aniya.
Maaari lamang itong magsilbing babala na maaaring mayroong lagnat. “Kung feeling mo mainit siya, that’s the time to really check it with a thermometer.” dagdag niya.
Pero pagdating naman sa thermometer, ano ba ang pinakamagandang klase ng thermometer na gamitin para malaman kung may lagnat ang bata? At ano ang pinakamabisang paraan para gamitin ito para makuha ang pinakatamang temperature?
Ayon kay Dr. Perreras, para malaman kung mayroong lagnat ang bata ayon sa kaniyang temperature, depende ito sa klase ng thermometer na gagamitin at kung saang bahagi ng katawan mo ito ilalagay.
“Kasi malalaki ang variations ng temperature per area na kinukuhaan ng reading (ng bata).” aniya.
1. Rectal thermometer
Para sa mga sanggol, ang pinakamabisang paraan ng pagkuha ng kanilang temperature ay ang paggamit ng rectal thermometer. “Kasi ‘yon ang pinaka-accurate in the sense na pinakamalapit siya sa core temperature ng baby.” ani Dr. Perreras.
Ayon sa doktora, kapag ganito ang paraan na ginamit para makuha ang temperature, matuturing na may lagnat ang sanggol kapag umabot ito ng 38°C, at dapat agad ipaalam ito sa pediatrician ng iyong anak.
Pero medyo mahirap gawin ang ganitong paraan dahil ipinapasok ito sa butas ng pwet ng bata at kadalasan nagdudulot ito ng pagkabalisa sa kanila.
2. Oral temperature
Ito naman ang paraan kung saan inilalagay ang thermometer sa loob ng bibig at ilalim ng dila ng batang may sakit. Kung ganito naman ang paraan na ginamit para makuha ang temperature ng bata, “Anything higher than 37.8 is considered fever,” ani Dr. Perreras.
3. Axillary temperature
Nakasanayan na nating mga Pinoy ang paraang ito kung saan iniipit ang thermometer sa kilikili ng bata. Ani Dr. Perreras, kapag umabot ang temperature ng bata ng 37.2 hanggang 37.5 gamit ang paraang ito, dapat ay i-monitor na ang kaniyang mga sintomas.
Pero kapag umabot ng 37.8 pataas ang temperature ng bata gamit ang axillary method, maaari na siyang bigyan ng gamot para sa lagnat at tumawag na sa doktor.
Larawan mula sa Freepik
4. Tympanic thermometer
Ito naman ang klase ng thermometer na ipinapasok sa tenga ng bata para makuha ang kaniyang temperature. Ayon sa isang pag-aaral, kasing accurate din ito ng axillary method at mainam para sa mga bata dahil mas mabilis ang prosesong ito.
5. Non-contact thermometer
Nagiging mas popular na rin ngayon ang mga non-contact thermometer na itinututok lang sa noo ng tao para malaman kung ano ang temperature nito. Ito rin ang pinakamadaling paraan para makuha ang temperature ng bata lalo na kung malikot ito.
Gamit ang ganitong thermometer, masasabing may lagnat ang bata kapag umabot ng 37.8 o 38 ang kaniyang temperature.
Ngunit ayon kay Dr. Perreras, ang paraang ito ay hindi gaanong maaasahan para matukoy kung mayroong lagnat ang bata. Pahayag niya,
“Hindi siya masyadong accurate, but it’s a good screening test to check if the temperature is high.”
Ano ang pinakamabisang paraan? Ayon kay Dr. Perreras,
“The most accurate is really rectal, but because it causes discomfort sa mga bata, usually ‘yong axillaryna ‘yong ginagawa, o ‘yong sa forehead.”
Payo ng doktora, para makasiguro kung mayroong lagnat ang iyong anak, dalawang beses kunin ang kaniyang temperature mula sa magkaibang bahagi ng katawan.
Ilan ang temperature ng may lagnat
Ang pagtukoy kung ilan ang temperature ng may lagnat, bagaman maaaring magkalagnat ang bata at matanda, maging si baby, ay may standard lamang na bilang. Pero nakadepende pa rin ang temperature ng may lagnat na baby, bata, o matanda sa area at posisyon kung saan kinuhaan ng reading.
Kadalasan, ang sukat kung ilan ang temperature ng may lagnat ay depende rin sa area kung saan kinuha ang reading at sa edad. Ngunit hindi nangangahulugan kung gaano kataas ang sukat ay ganoon din kalala ang sakit ng inyong anak na bata o baby.
Ang standard na reading kung ilan ang temperature ng may lagnat ay mas mataas kaysa sa normal body temperature na 37.5 degree Celcius. Pero, hindi sa lahat ng edad ay maaaring pare-pareho ito.
Temperature ng may lagnat na baby o sa bata
Gumamit ng reliable na digital thermometer para malaman ang temperature kung may lagnat ang inyong anak na baby o bata. Matutukoy kung may lagnat ang baby o ang bata kung ang temperature ay kapantay o mas mataas sa:
- kinuha at nabasa orally o sa bibig: 37.8 degree Celcius
- nakuha at nabasa rectally o sa pwetan: 28 degree Celcius
- nabasa at kinuha sa axillary na posisyon o sa kilikili: 37.2 degree Celcius
Bagaman may mataas na temperature na tutukoy kung may lagnat si baby o ang bata, hindi nito masasabi kung gaano kalala ang sakit ng inyong anak. Ang simpleng sipon at viral infection ay maaaring magdulot ng napakataas na temperature ng may lagnat na baby o bata (38.9 hanggang 40 degree Celcius).
Hindi nangangahulugang mataas ang temperature ng may lagnat na bata o baby ay malubha na ang sakit. Dagdag pa, ang isang malubhang impeksyon, lalo na sa baby, ay posbileng walang lagnat o may mas mababang body temperature (36.1 degree Celcius).
Minsan din, ang baby o bata na may lagnat ay nakakaranas ng mabilis na paghinga at mas mabilis din ang heart rate. Tumawag agad ng doktor kung kinakapos ng hininga ang inyong anak, bumibilis ang paghinga, o mabilis pa ring huminga kahit humupa na ang lagnat.
2. Mga nakasanayang gawin para bumaba ang lagnat
Mayroon na ring mga paraan na nakasanayang gawin ang mga magulang para mapababa ang temperature ng batang may lagnat.
Isa rito ang pagbibigay agad ng gamot sa lagnat o antipyretic. Sa mga bata, ang pinakakaraniwang gamot na ibinibigay sa kanila ay paracetamol o ibuprofen (sa mga sanggol na 6 na buwan pataas). Nirerekomenda ito ni Dr. Perreras bilang first aid sa lagnat ng bata.
Subalit mayroon ding mga nakaugalian tulad ng pagpupunas ng malamig na tubig sa bata o paglalagay ng mga cooling patches sa noo. Nakakatulong ba ito para bumaba ang temperature?
Ayon kay Dr. Perreras, ang mga gawaing ito ay mabisa lamang para gumanda ang pakiramdam ng bata lalo na kung balisa ito dahil sa sakit, pero hindi naman ito nakakatulong na mawala ang lagnat.
“Makakatulong siya, parang external cooling measures siya. Of course, they will not be as effective as anti-pyretic, but those will help in keeping your child comfortable.” aniya.
Narito naman ang iba pang paraan para bumaba ang lagnat ng bata sa bahay:
Kapag nadehydrate ang bata, mas tumataas ang kaniyang temperatura. Kaya mahalaga na panatiliing marami ang tubig ng bata sa kaniyang katawan. Sa mga sanggol, puwedeng dalasan ang pagdedede, o sa mga batang 6 na buwan pataas, painumin ng maraming tubig.
Nakakatulong din ang paggamit ng isang tuwalya na ibinabad sa maligamgam na tubig (huwag masyadong malamig, huwag ding mainit) para punasan ang katawan ng batang may lagnat.
Kung hindi naman giniginaw ang bata, bihisan siya ng komportableng damit. Huwag balutin ang bata ng kumot o maiinit na damit dahil lalo lang tataas ang temperature niya.
Painumin ng maraming tubig ang bata kapag may lagnat | Larawan mula sa Pexels
Kailan dapat dahil ang bata sa doktor kapag may lagnat?
Paalala ni Dr. Perreras, ang lagnat ay natural na reaksyon ng katawan sa impeksyon.
“Ang fever, talagang natural response ‘yan ng katawan natin to fight off an infection. Part siya ng immunoresponse ng katawan para labanan ang infection o virus.” aniya.
Subalit para sa mga sanggol na 3 buwan pababa, dapat agad dalhin sa doktor kung mayroon silang lagnat, para masuri kung mayroon ba silang mas malubhang sakit o infection.
Para naman sa mga batang higit sa 3 buwan, pwede namang magpagaling ng lagnat ang bata sa bahay, depende rin sa kaniyang sintomas at nararamdaman.
“Kung playful naman siya, hindi siya mukhang dehydrated at hindi siya matamlay, you can do first aid measures muna at home,” ani Dr. Perreras.
Ang mahalaga ay mabantayan ng mabuti ang bata at tingnan kung mayroon ba siyang ibang sintomas ng sakit. Pahayag ni doktora,
“I think the best is to observe, to check if your child has any other symptoms, give the first aid, tapos i-contact ang ating mga doctor.”
Subalit kung napansin ang mga senyales na ito sa iyong anak, tawagan o kumonsulta agad sa kaniyang pediatrician:
- Temperature na 39°C pataas
- Kapag nagkombulsyon ang bata – lalo na kung unang beses itong mangyari
- Kung mukhang dehydrated ang bata (kaunti ang ihi, walang luha kapag umiiyak) at ayaw uminom ng tubig
- Kung mahirap painumin ng gamot ang bata
- mayroon siyang rashes
- sa mga batang 2-taong gulang pababa, kung tumatagal na ng mahigit 24 oras ang lagnat
- sa mga batang 3-taong gulang pataas, kung tumatagal ng mahigit 72 oras ang lagnat
- kung madalas ang kaniyang pagtatae o pagsusuka
- kung may nararamdamang sakit kapag umiihi
Tandaan, lalo na sa panahong ito, napaka-importante na i-monitor ang iyong anak sa bahay kapag napansin mong parang masama ang pakiramdam niya o parang may lagnat ang bata.
Paalala rin ni Dr. Perreras, “Assess talaga if may fever ang bata. Check using a thermometer. Don’t use your hand, don’t use your cheek. Best talaga is to measure it properly.”
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa lagnat ng bata, huwag mahiyang tumawag sa inyong doktor. Sa panahon din ngayon kailangan nating mas maging maingat dahil hindi lamang bastang flu ang pwedeng sanhi ng lagnat ng ating mga anak.
Maaaring ang lagnat pala ng ating mga anak ay sintomas na ng COVID-19. Kaya narito ang mga sintomas ng COVID-19 na dapat niyo ring bantayan kung may lagnat ang inyong anak.
4. Sintomas ng COVID-19
Ayon sa Mayo Clinic, narito ang mga sintomas ng COVID-19 sa mga bata kadalasan, ito ay ang mga sumusunod:
- LAGNAT
- Ubo
- Pagkawala ng panlasa o pang-amoy
- Pananakit ng katawan
- Pagbabago ng balat, katulad ng dicsolored areas sa paa at kamay
- Pangangati ng lalamunan o sore throat
- Pagsusuka
- Pananakit ng tiyan
- Masakit na ulo
- Nasal congestion
- Kawalang ganang kumain
- Nahihirapang huminga.
Kapag nakaranas na ang inyong anak ng mga sintomas nito kasabay ng lagnat ay mas mabuting i-isolate na siya agad. Siguraduhing ihanda ang mga kakailanganin niya sa pag-isolate katulad ng mga pagkain gamot, utensils at toiletries, maganda rin na may sarili siyang toilet na ginagamit. At siyempre dapat ay naroroon ka para samahan siya.
5. Pero kailan ba dapat ipa-test sa COVID-19 ang ating mga anak na mayroong lagnat?
Ayon sa Parent’s Guide for Covid-19 in Chidren na inilabas ng PPS, may mga instances na kinakailangan nang i-test ng bata para sa isang swab test para malaman kung siya ay may COVID-19. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:;l..
- Kapag patuloy siyang nakakaranas ng sintomas ng COVID
- Kung na-expose siya sa mga taong may COVID o pinaghihinalaang may COVID
- Kapag ang iyong anak ay sanggol pa lamang at na-expose sa may COVID-19
6. Pag-aalaga sa batang may COVID-19
-
I-monitor ang inyong anak
- Temperature kada 4 na oras
- Oxygen level kada 6 na oras gamit ang pulse oximeter. Kapag wala nito, maaari itong i-monitor sa pamamagitan ng pag-alam sa kaniyang breathing pattern, kung tila nahihirapan na siyang huminga.
- Dalas, dami, at kulay ng ihi ng inyong anak.
-
Sabihan ang inyong anak na magpahinga.
-
Panatalihing hydrated ang inyong anak at painumin siya ng fluids
-
Painumin siya ng gamot para sa lagnat
-
Pakainin siya ng mga masusustansiyang pagkain at mga pagkain madaling kainin at lunukin.
-
Kung siya ay nagbe-breastfeed pa ay ipagpatuloy lamang ito.
Tandaan mahalaga na bantayan natin ang nararamdaman ng ating mga anak lalo na kapag sila’y may sakit. Sa gayon, ay maalagaan natin silang mabuti at malaman natin kung kailangan na ba silang dalhin sa doktor.
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!