Narito ang mga sintomas ng COVID-19 delta variant na dapat bantayan at kaiba sa mga naunang naitalang sintomas ng sakit.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga ng sintomas ng COVID-19 delta variant.
- Paano maiiwasang mahawa sa COVID-19 delta variant.
COVID-19 Delta variant
Image source: iStock
Higit sa isa’t kalahating taon na tayong nabubuhay sa COVID-19. Sa pagsisimula ng pagkalat ng sakit ay kaliwa’t kanan na ang pagbibigay ng impormasyon ng ating gobyerno at health agencies tungkol rito. Kabilang na ang mga iba’t ibang variants at sintomas ng nakakahawang sakit.
Sa ngayon, may bago at mas nakakahawang variant ng COVID-19 na kinanatakutan ng lahat. Ito ang Delta variant na unang kumalat at kumitil ng maraming buhay sa India.
Ang Delta variant na ito ay kumalat na sa buong mundo. Dito sa Pilipinas, naitalang may higit sa 100 Pilipino na ang tinamaan ng COVID-19 variant at may apat na ang nasawi.
Base sa mga naunang kaso ng COVID-19 Delta variant, ang sintomas na ipinapakita nito ay kaiba sa mga sintomas na ipinapakita ng mga naunang variant ng COVID-19 tulad ng Alpha at Beta.
Ayon sa mga eksperto, ang sintomas at palatandaan na ipinapakita ng COVID-19 Delta variant ay naiiba depende sa kung paano nakuha ng isang tao ang virus. At kung gaano kalakas o hina ng immune system niya. Ito ay tinatawag na viral o host factors.
Ang viral factors ay tumutukoy sa kung gaano kabilis nagre-replicate ang virus at kung paano nakuha ang sakit na maaring mabago habang nag-ievolve ang virus.
Habang ang host factors naman ay kung ano ang edad, kasarian, health status at gamot na iniiinom ng isang tao na isang paraan para mas maging prone siya na mahawaan ng COVID-19 virus.
Sintomas ng COVID-19 Delta variant
Narito ang mga sintomas ng COVID-19 Delta variant na base sa mga naging karanasan ng naging biktima nito. Ang mga sintomas na ito ay maaring maiba-iba depende sa edad o health status ng taong tinamaan ng virus.
Ang mga pangunang palatandaan at sintomas ng COVID-19 Delta variant ay ang sumusunod:
- Sakit ng ulo
- Sore throat
- Runny nose
- Lagnat
- Ubo
Ang nabanggit ang pagkasunod-sunod ng ipinapakitang palatandaan at sintomas ng COVID-19 Delta variant. Ito ay base sa data na nakalap ng isang U.K. COVID-19 symptom study app mula noong buwan ng Mayo.
Kinaiba ng sintomas ng COVID-19 Delta variant
Sa mga naunang variant ng COVID-19, ang ubo at lagnat ang pangunang sintomas ng sakit, sa Delta variant ay sakit ng ulo at sore throat ang madalas na unang mararamdaman ng taong infected nito.
Ganoon din ang runny nose o sipon habang ang kawalan ng pang-amoy naman ay nailagay sa pang-9 na sintomas na ipinapakita ng Delta variant ng COVID-19.
Ayon sa mga eksperto, isa sa mga dahilan ng naiiba ang sintomas na ipinapakita ng COVID-19 Delta variant ay ang dami ng mga taong nakapag-pabakuna na laban sa sakit.
Dahil sa tulong ng bakuna imbis na maging malala ay nagiging mild na lang ang sintomas ng mga taong tinatamaan ng COVID-19 Delta variant.
Sa ngayon, patuloy pa ring nag-i-evolve ang COVID-19 virus kaya naman pabago-bago rin ang mga naitatalang sintomas na kailangang bantayan.
Pero paalala ng mga eksperto, mahalaga na malaman at bigyan ng bawat isa ang mga impormasyon tungkol sa COVID-19 Delta variant.
Sapagkat sa ngayon ang simpleng sipon o runny nose na madalas nating inaakala na dulot ng maulang panahon ay maaring sintomas na pala ng sakit. Lalo na kung ito ay sasabayan pa ng sore throat o masakit na lalamunan.
BASAHIN:
Why you shouldn’t have second thoughts on getting the COVID-19 vaccine
Eight things to do when caring for a COVID-positive family member at home
VIRAL: Post sa pakamatay ng isang baby matapos magpabakuna para sa COVID-19 ang nanay, HINDI NAPATUNAYAN!
Kahalagahan ng pagpabakuna laban sa COVID-19 Delta variant
Bagama’t may mga bagong variants ng COVID-19 ang naglalabasan sa ngayon, ayon sa mga pag-aaral, ang mga available na bakuna tulad ng Pfizer at AstraZeneca ay maituturing pa ring may mabisang protekyon laban sa sintomas ng COVID-19.
Pero napaka-halaga na makompleto ang dalawang dose ng mga nasabing bakuna. Ito ay para masiguro na mabigyan ng 90% protection laban sa severe COVID-19 ang bawat isa sa atin.
Ang bisa ng bakuna laban sa COVID-19 ay napatunayan matapos ang isang “super spreader” event na nangyari sa New South Wales, Australia.
Sa 30 katao na nagpunta sa isang party sa nasabing lugar, 24 sa mga na-infect ng Delta variant ay hindi pa nabakunahan ng COVID-19 vaccine.
Habang ang natitirang 6 ay hindi na-infect ng virus dahil sila ay kumpletong nabakunahan na ng vaccine kontra sa COVID-19.
Bagama’t hindi pa rin naaalis ang posibilidad na ma-infect ng COVID-19 ang mga taong nabakunahan na. Base sa mga kasong naitala, ay higit na mababa ang viral load na na-acquire nila at mas mild ang sintomas na kanilang nararanasan kumpara sa mga taong hindi pa nababakunahan.
Ano ang maaaring gawin para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 virus?
Image source: iStock
Base sa mga ebidensyang nakalap, ang Delta variant ng COVID-19 ay higit na mas nakakahawa kaysa sa orihinal na SARS-CoV-2 at iba pang variants ng virus.
Mahalaga na maintindihan natin na patuloy ang pagbabago ng ating kapaligiran, ganoon na rin ang mga sintomas at palatandaan ng sakit na COVID-19.
Sa ngayon, napakahalaga ng pagpapabakuna laban sa COVID-19 at ang pagpapatingin sa doktor sa oras na makaramdam ng sintomas lalo na ng COVID-19 Delta variant na mas nakakahawa.
Para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 virus, narito ang mga paraang paulit-ulit na pinapaalala ng mga eksperto na ating gawin.
- Magpabakuna kontra COVID-19.
- Ugaliin ang maayos at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. O kaya naman ay sa pamamagitan ng 70% alcohol-based sanitizer.
- Lumayo ng hindi bababa sa 3 metro sa isang taong umuubo o umaatsing.
- Iwasang hawakan ang iyong mukha ng hindi pa naghuhugas ng kamay. Ito ay upang maiwasang pumasok sa iyong mata, ilong at bibig ang virus.
- Ugaliing mag-disinfect ng mga bagay at surfaces sa iyong paligid.
- Kung galing sa labas ay agad na magpalit ng damit. Huwag ng gamiting muli ang mga jeans at jackets. Dahil maaaring kumapit sa mga ito ang virus.
- Magtakip ng tisyu o panyo sa tuwing uubo o babahing. O kaya naman ay itakip ang iyong braso o manggas ng damit sa tuwing uubo.
- Manatili lang sa bahay kung masama ang makiramdam.
- Agad ng magpakonsulta sa doktor kung makaranas ng sintomas ng COVID-19 na ubo, lagnat at hirap sa paghinga. Sa ngayon ay dapat na agad na ring makipag-ugnayan sa doktor kung nakakaranas ng runny nose at sakit ng lalamunan.
- Makinig sa balita at umiwas sa mga lugar na may nailulat na kaso ng coronavirus.
- Kung hindi makakaiwas na magpunta sa matataong lugar ay mag-suot ng mask. At mag-baon ng alcohol na madaling mailalagay sa kamay sa oras na hahawak sa mga bagay o surfaces.
Lara Herrero, Research Leader in Virology and Infectious Disease, Griffith University
Ang artikulong ito ay orihinal na nailathala sa The Conversation sa ilalim ng Creative Commons license, na ni-republished ng theAsianparent Singapore at sinalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz mula sa theAsianparent Philippines.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!