Sintomas ng hika tulad ng hirap sa paghinga at madalas na pag-ubo sa mga bata, paano nga ba maiiwasan at gamot na pang lunas.
Ano ang hika o asthma?
Ang tinatawag na bronchial asthma (o hika) ay isang sakit sa baga. Lumiliit o sumisikip ang daluyan ng hangin (o bronchial tube) na maaari ring magkaroon ng pamamaga dahil sa sobrang mucus. Maaari itong malunasan sa pamamagit ng mga angkop na gamot sa hika.
Dagdag pa, ito ay chronic o patuloy na kondisyon, ibig sabihin, kinakailangan nito ang management ng gamot sa hika at hindi kaagad naaalis.
Ang asthma attack o pag-atake ng hika
Kapag normal tayong humihinga, nare-relax ang muscles ng ating daluyan ng hangin. Pinahihintulutan ngayon nito ang malayang pagdaloy at tahimik na paglabas-pasok ng hangin mula sa baga.
Kapag inaatake ang isang bata o matanda ng hika, ito ang mga posibleng mangyari na sintomas din ng hika:
Bronchopasm
May paninikip ng muscles na nakapaligid sa daluyan ng hangin. Sa paninikip na ito, pinakikitid nito ang daluyan ng hangin. Hindi malayang makakadaloy ang hangin sa masikip na daluyan.
Inflammation o pamamaga
Nagkakaroon ng pamamaga ang linings ng daluyan ng iyong hangin. Kapag may pamamaga sa linings na ito, mahihirapang maglabas-pasok ang hangin sa baga.
Mucus prodcution
Kapag inaatake ng hika, mas nagpo-produce ng maraming mucus ang iyong katawan. Ang makakapal at malalapot na mucus na ito ang bumabara sa pagdaloy ng hangin paloob at palabas ng iyong baga.
Hika sa mga baby
Maaaring magsimula ang asthma kahit baby pa lamang. Wala itong pinipiling edad. Subalit ang asthma o hika sa mga baby ay hindi magkamukha kagaya ng mga asthma sa mga matatanda o bata. Dagdag pa rito, mas mahirap itong ma-diagnose.
Ang hika sa baby ay isang kondisyon sa paghinga na kung saan ang mga airways (mga daanan ng hangin) sa baga ng sanggol ay nagiging inflamed at nagiging masikip, na nagdudulot ng mga sintomas tulad ng hirap sa paghinga, pag-ubo, pag-iyak, at iba pang problema sa paghinga.
Maaaring maging iba-iba dahilan ng hika sa baby tulad ng mga genetic na predisposisyon, mga allergy, environmental factors, at iba pa. Ang mga sintomas ay maaaring maging masidhi o marahilang mag-iba-iba sa bawat baby.
Hika sa mga bata
Ang childhood asthma o hika sa mga bata ay hindi naman naiiba sa hika sa matatanda. Mas nakakabahala lang ito dahil sa hirap at discomfort na idinudulot sa murang katawan ng isang bata.
Nagiging balakid din ito sa isang bata na gawin ang mga pang-araw-araw niyang activities tulad ng pagpasok sa school, paglalaro at kahit na sa pagtulog.
Maaari rin itong maging dahilan ng mas seryosong kondisyon para siya ay ma-ospital. At higit sa lahat ay maaari niya itong madala sa kaniyang pagtanda kung hindi malulunasan.
Kaya naman ay dapat malaman ng bawat magulang ang sintomas ng hika sa mga bata. Pati na rin kung paano makakaiwas dito at ang gamot sa asthma na nararapat sa kanila.
Ano ang sintomas ng hika o asthma
Ang hika o asthma ay maaaring tumama sa parehong bata at matanda, at kadalasan mayroong pagkakapareho sa sintomas. Kinakailangan ang mga gamot sa hika upang malunasan at hindi pa lumala.
Sintomas ng hika sa baby
Ito ang ilang mga sintomas ng hika sa mga baby:
- Mabilis na paghinga
- Hirap sa paghinga
- Madalas na pag-ubo
- May wheezing sound
- Hirap sa pagdede
- Pagbabago sa kulay ng labi at balat
- Pagiging malikot o galaw nang galaw
- Paninigas ng dibdib
Sintomas ng asthma sa bata
Para sa sintomas ng hika o asthma sa bata, ang madalas na nararanasan ng mga bata ay ang sumusunod:
- Madalas na pag-ubo na pinalalala ng viral infection na kaniyang nararanasan sa pagtulog, matapos mag-exercise o kapag malamig ang hangin
- Tila humuhuni o sumisipol na tunog kapag siya ay humihinga
- Hirap sa paghinga
- Paninikip ng dibdib
Dahil naman sa mga nabanggit na sintomas ng hika ay maaaring makaranas ng iba pang sintomas ang isang bata. Ito ay ang sumusunod:
- Hirap sa pagtulog dahil sa hirap sa paghinga at pag-ubo
- Matinding pag-ubo na maaring lumala dahil sa sipon o trangkaso
- Matagal na pag-galing o pagkakaroon ng bronchitis dahil sa respiratory infection
- Hirap sa paghinga na nagiging hadlang para sila ay makapag-exercise o makapaglaro
- Fatigue o labis na pagkapagod dahil sa kakulangan sa tulog
Ang lala ng atake o sintomas ng hika ay naiiba-iba sa kada isang bata. Madalas ay maiibsan ang mga sintomas na ito sa pamamagitan ng tamang medikasyon.
At may mga palatandaan naman na itinuturing ng “asthma emergency.” Ito ay nangangahulugang kailangan ng madala sa ospital agad ang isang bata dahil life-threatening na ang kaniyang kondisyon.
Sintomas ng hika sa matanda
Ang hika ay maaaring mangyari sa bata man o matanda. Maaaaring kakitaan ng mga obvious na sintomas ang matandang may asthma o hika . Ang mga senyales o sintomas ng hika sa matanda ay maaaring kamukha ng sintomas ng iba pang sakit sa baga.
- paninikip, pananakit at presyon sa dibdib
- pag-uubo-ubo (lalo na sa gabi)
- kinakapos ng hininga
- wheezing o paghinga na may tunog
Sa pagkakaroon ng hika o asthma, maaaring kakitaan ka o hindi ng lahat ng mga sintomas na ito. Pwede kang makaranas ng iba-ibang sintomas sa iba’t ibang pagkakataon na umaatake ang iyong hika.
Life-threatening na sintomas ng hika
Ang mga life-threatening na sintomas ng hika o asthma emergency sa mga bata ay ang sumusunod:
- Patuloy at matinding hirap sa paghinga
- Maya-mayang pag-ubo at paghingal
- Walang pagbabago sa kondisyon matapos ang paggamit ng inhaler tulad ng albuterol
- Hindi makapagsalita dahil sa hirap sa paghinga
Kung magpapakita ng nasabing sintomas ang isang bata ay agad na itong dalhin sa ospital upang mabigyan ng karapat-dapat na medikal na atensyon na kailangan niya.
Gamot sa hika ng baby
Ang gamot para sa hika sa baby ay dapat ibigay sa ilalim ng patnubay ng doktor. Mga posibleng gamot:
- Bronchodilators: Tumutulong sa pagpapalawak ng airways para sa mas madaling paghinga.
- Corticosteroids: Anti-inflammatory, binibigay sa malalang kaso para bawasan ang pamamaga sa airways.
- Antihistamines: Binibigay ito kung may kaugnayan sa allergy ang hika ng baby
- Montelukast: Tumutulong kontrolin ang sintomas ng hika sa baby sa pamamagitan ng pag-regulate sa katawan.
Importante ang komunikasyon sa doktor para sa tamang pangangalaga. Huwag bigyan ng gamot ang baby na walang reseta ng doktor.
Gamot sa hika sa mga bata
Quick relief
Samantala, ang gamot sa asthma na inerereseta ng doktor para mabigyan ng “quick relief” ang batang nakakaranas nito ay tinatawag na short-acting bronchodilators.
Sa pamamagitan ng short-acting bronchodilators ay naiibsan ang sintomas ng hika sa loob ng apat hanggang anim na oras.
Ang most commonly used ng short-acting bronchodilator para sa asthma ay ang Albuterol tulad ng Proair HFA, Ventolin HFA at Levalbuterol tulad ng Xopenex.
Bagama’t maiibsan ang sintomas ng hika na nararanasan ng isang bata, hindi naman mapipigilan ng short-acting bronchodilator na hindi na bumalik pa ito.
Kaya naman ipinapayo na magkaroon long-term control medication o maintenance ang isang bata bilang gamot sa asthma.
Long-term control medication
Ang mga long-term control medication para sa asthma ay tinatawag rin na maintenance medications. Iniinom ito araw-araw sa loob ng mahabang panahon para makontrol ang pag-atake ng asthma.
Ang mga uri ng long-term medication ay ang sumusunod:
- Inhaled corticosteroids o mga anti-inflammatory drugs tulad ng fluticasone (Flovent HFA), budesonide (Pulmicort Flexhaler), beclomethasone (Qvar), ciclesonide (Alvesco) at mometasone (Asmanex HFA).
- Leukotriene modifiers tulad ng montelukast (Singulair), zafirlukast (Accolate) at zileuton (Zyflo). Maari silang gamitin kasabay ang inhaled corticosteroids.
- Combination inhalers na nagtataglay ng inhaled corticosteroid at long-acting beta agonist (LABA) tulad ng fluticasone-salmeterol (Advair HFA), budesonide-formoterol (Symbicort), fluticasone-vilanterol (Breo Ellipta) at mometasone-formoterol (Dulera).
- Theophylline na isang daily medication na nakakatulong para maging maluwag ang airways ng mga bata.
Ibinibigay naman sa bata ang mga gamot sa asthma na ito sa pamamagitan ng mga devices tulad ng metered dose inhalers, dry powder inhalers at nebulizer.
Isa pang paraan at gamot sa asthma ay sa pamamagitan ng immunotherapy o injectable medication para sa mga allergy-induced asthma
Sa pamamagitan nito ay bibigyan ng series of injections ang isang bata ng small doses ng allergens na nakakapagsimula ng asthma attack sa kaniya. Ito ay para maging immune ang kaniyang katawan mula sa allergens at unti-unting mabawasan ang allergic reaction na dulot nito.
Gamot sa hika sa matanda
Katulad ng gamot sa hika sa bata, maaari ring ito ang mga panlunas para sa hika ng matanda. Ngunit, may ilang mga lunas o gamot na dapat isailalim ang matanda na may asthma o hika, para makontrol ang pag-atake nito.
Ito ay ang mga sumusunod:
Ang gamot sa hika na ito sa matanda ay nire-relax ang mga muscles na nakapaligid sa daluyan ng hangin. Ang relax na muscles ay pinapadaloy ng matiwasay ang hangin sa baga. Iniibsan ng bronchodilator ang sintomas ng asthma at ginagamit para sa intermittent o chronic na hika.
- Anti-inflammatory na gamot
Binabawasan at iniibsan ng mga gamot na ito ang pamamaga at pagproduce ng mucus sa daluyan ng hangin. Kapag naibsan ang mga ito, mas makakadaloy ng maayos ang hangin sa iyong baga palabas at paloob. Maaaring ipayo ng inyong healthcare provider o doktor ang dosage ng gamot sa hika para mabawasan ang pag-atake o sintomas ng hika sa matanda.
- Biologic therapy para sa asthma ng matanda
Ginagamot ito para sa malalang kaso ng hika sa matanda, lalo na kung hindi nawawala ang mga sintomas ng asthma kahit na may maayos na inhaler therapy pa.
Itanong at ikonsulta sa inyong doktor ang kondisyon ng inyong hika para sa akma at maayos na pagresolba at gamot sa hika ng matanda.
Paraan para maiwasan ang atake ng hika
Para naman maiwasan ang mga asthma attacks sa bata ay dapat iwasan ang mga nagtritrigger nito at gawin ang mga sumusunod:
- Huwag manigarilyo malapit sa bata dahil ito ay nagtri-trigger ng asthma attack.
- I-encourage ang bata na maging active para maexercise ang kaniyang lungs.
- Magkaroon ng regular check-up sa doktor para makontrol ang mga sintomas ng hika.
- Tulungan ang bata na mag-maintain ng malusog na timbang dahil ang pagiging overweight ay maaring magpalala ng sintomas ng hika.
- Kontrolin at lunasan ang acid reflux na nararanasan ng isang bata dahil pinapalala nito ang pag-atake ng hika.
Samantala para mas makaiwas sa pag-atake ng hika ay dapat malaman rin at hangga’t maari ay maiwasan ang mga nagdudulot nito.
Sanhi ng hika
Bagamat ang ilang kaso ng hika sa bata ay namamana o kaya naman ay dulot ng airway infection na naranasan nila, may ilang environmental factors din ang nagdudulot nito. Ito ay sumusunod:
- Cigarette smoke o air pollution
- Viral infection tulad ng sipon
- Allergy sa dust mites, pet dander, pollen o mold
- Physical activity
- Pagbabago sa panahon o malamig na hangin
Para maiwasang lumala ang kondisyon ng isang bata na dulot ng hika marapat lamang na alam ng bawat magulang ang sintomas ng hika pati na ang mga gamot sa asthma at paraan kung paano tuluyang makakaiwas sa pag-atake nito.
Dagdag na impormasyon mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!