Mayroong sintomas ng UTI pero ayaw uminom ng antibiotics? Alamin ang mga halamang gamot sa UTI na puwede mong subukan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga sintomas at posibleng sanhi ng UTI
- Halamang gamot sa UTI
- Mga home remedies para sa UTI
Milyon-milyong tao ang nagkakaroon ng UTI kada taon. Kadalasan, antibiotics ang solusyon laban sa impeksiyon na ito. Pero kung pabalik-balik ang UTI at ayaw mong uminom ng antibiotics, mayroon ka bang puwedeng gawin para labanan at iwasan ang sakit?
Ano ang UTI?
Ang Urinary Tract Infection o UTI ay isang impeksyon sa urethra at bladder ng urinary system. Ang pinaka-urethra ay ang tubo kung saan dumadaloy ang ihi sa ating pantog o bladder.
Samantala, ang bladder naman ang nag-iipon ng ihi. Ang pagpigil sa ihi at maruming paligid (lalo na ng inidoro sa banyo) ay posibleng dahilan kung bakit nakakuha ang bacteria na E.coli na sanhi ng UTI.
Sintomas ng UTI
Narito ang ilang sintomas ng UTI na maaari mong maranasan:
- Mabaho, maitim, at may kasamang dugo ang ihi
- Matinding pagod
- Pananakit ng likod
- Pananakit ng puson
- Masakit ang pantog kapag umiihi
- Madalas na pag-ihi o pakiramdam na parang laging naiihi
Sanhi ng UTI
Mas mataas ang risk factor ng isang tao sa UTI kung sexually active ito. Ang E.coli na bacteria ang pinagmumulan ng infection ng sakit na UTI. Pumapasok kasi ito sa urethra kapag hindi maayos ang paglilinis pagkatapos umihi.
Ayon sa Healthline, mas mataas ang posibilidad ng mga babae na magkaroon ng UTI dahil mas maiksi ang ating urethra kung saan dumadaloy ang ihi, kaya mas madaling makapasok ang bacteria at makarating sa ating pantog.
Kapag pinipigilan mo rin ang pag-ihi, maaari rin itong magsanhi ng UTI. Mas mataas din ang posibilidad na magkaroon ng ganitong sakit ang mga taong may mahinang immune system.
Halamang gamot sa UTI
Kadalasan, ang gamot na nirereseta sa mga taong may UTI ay uminom ng antibiotics para mawala ang bacteria at pigilan ang pagbalik nito. Sa loob ng tatlong araw na pag-inom nito, maaari nang mawala ang mga sintomas ng UTI.
Pero kung pabalik-balik ang iyong UTI, maaaring makasama ang labis o madalas na pag-inom ng antibiotics.
Gayunpaman, mayroon namang ibang paraan para gamutin ang sakit na ito at iwasan ang pagbalik ng bacteria. May mga halamang gamot na nakakatulong para mapadalas ang iyong ihi at labanan ang bacteria.
Narito ang ilang halamang gamot sa UTI na maari mong subukan:
1. Cranberry
Ang cranberry ay isang prutas na mayaman sa D-mannose, isang asukal na mabisa sa paglaban at paggamot sa mga impeksyon gaya ng UTI.
Bagamat walang gaanong halaman na cranberry dito sa Pilipinas, maaari ka namang bumili ng cranberry juice sa mga supermarket kapag gustong labanan ang UTI.
2. Oregano
Karaniwang dinidikdik ang dahon at inilalagay sa tubig para inumin ang katas. Puwede rin itong ilaga o pakuluan at gawing tsaa. May mga pag-aaral rin na ang essential oil na oregano ay mabisa sa paglaban sa UTI.
3. Mais
Ang prutas na ito ay mayaman sa antioxidant at tannin na nakakatulong sa mabilis na paggaling ng UTI. Para rito, pakulaan lamang ang mais at inumin ang sabaw na pinagkuluan nito. Gawin raw ito araw araw upang mabilis na gumaling ng UTI.
4. Bawang
Mayaman sa active ingredient na allicin ang bawang. Ang allicin ay nagsisilbing antifungal agent at lumalaban sa mga bacteria gaya ng E.coli na nagdudulot ng UTI.
5. Sambong
6. Buko
Sikat na prutas na gamot sa UTI ay ang sabaw ng buko. Isa rin itong diuretic kaya ang pag-inom ng sabaw ng buko ay makakatulong na mailabas ang bacteria sa katawan. Mayaman din ito sa electrolytes kaya nirerekomenda ng mga doktor ang pag-inom nito sa mga buntis na mayroong UTI.
7. Banaba
Nakakatulong ang halamang ito sa paglinis ng ating urinary system. Pakuluan ang dahon at gawing tsaa para malabanan ang mga bacteria gaya ng E.coli
8. Green Tea
Ang green tea ay nagmula sa halamang Camellia sinensis. Mabisang antioxidant ang tsaang ito at mayroong antimicrobial at anti-inflammatory effects.
Sa isang pag-aaral, natuklasan na ang epigallocatechin (EGC), isang kemikal sa green tea ay mainam na panlaban sa bacteria na E.coli
9. Parsley
Ang parsley ay isang ding banayad na diuretic na makakatulong para mailabas ang bacteria mula sa urinary tract. Pinakukuluan din ang mga dahon nito at ginagawang tsaa.
10. Mint
Bukod sa masarap itong gawing tsaa, nakakatulong din ang halamang gamot na ito para labanan ang bacteria sanhi ng UTI.
Karamihan sa mga halamang gamot na nabanggit ay tumutubo naman sa bansa (at maaaring itanim sa sariling bakuran). Maaari ring makabili ng mga tsaa nito sa mga supermarket.
Bagama’t makakatulong ang mga halamang gamot na ito, tanungin pa rin ang iyong doktor kung puwede ito sa ‘yo para makaiwas sa mga posibleng side effects.
BASAHIN:
Ihi ng ihi ang buntis, ano nga ba ang dahilan nito?
Pampaputi ng singit: Mga produkto at home remedies para sa flawless na singit
Babae nagkasakit dahil hindi nagpalit ng panty nang mahigit isang buwan!
Para naman malabanan at tuluyang maiwasan ang sakit na UTI habang nasa bahay, subukan ang mga sumusunod na paalala:
Iba pang home remedies para sa UTI
1. Pag-inom nang hindi bababa sa 8 na baso ng tubig bawat araw
Isa sa natural at pinakaligtas na gamot sa UTI ay ang pag-inom ng maraming tubig. Ang hydration ng isang tao ay may kinalaman sa posibilidad na magkaroon ito ng UTI. Ito’y dahil naitutulak palabas ng pag-ihi ang mga bacteria na maaaring maging sanhi ng impeksiyon.
Nais ipaalala ng mga eksperto na ang pag-inom ng tubig ay kalat dapat sa isang araw. Hindi tama ang pag-inom ng maraming tubig sa ilang oras lamang.
Dapat umiinom ng tubig sa iba’t ibang oras ng isang araw at kapag nakakaramdam ng pagka-uhaw para maiwasan ang dehydration.
2. Pag-inom ng Vitamin C
Ayon sa mga pag-aaral, ang pag-inom ng Vitamin C o pagtaas ng dosage nito ay nakakatulong upang maka-iwas sa pagkakaroon ng UTI. Ito ay dahil sa napapataas ng Vitamin C ang acidity ng ating ihi na makakapatay sa mga bacteria.
Maaaring uminom ng Vitamin C supplement o kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa bitaminang ito. Ang pulang sili, orange, suha at kiwi ay mainam na mapagkukunan ng Vitamin C kahit sa isang kainan lamang.
3. Pag-inom ng unsweetened cranberry juice
Isa sa mga pinakakilalang natural na remedyo sa UTI ay ang pag-inom ng unsweetened cranberry juice. Nagagawa nitong pigilan ang pagkapit ng bacteria sa urinary tract upang hindi magkaroon ng impeksiyon.
Ano ang mga halamang gamot sa UTI? | Photo by Jessica Lewis from Pexels
4. Pag-inom o pagkain ng mga probiotics
Ang probiotics ay mga microorganisms na nakukuha sa mga pagkain o supplements. Ito ay nakakatulong sa pamamagitan ng pagbalanse ng mga bacteria sa katawan. Nakita sa mga pag-aaral na ang lactobacillus, isang strain ng probiotic, ay nakakatulong sa pag-iwas sa UTI ng mga kababaihan.
Ang pag-inom din ng antibiotics at probiotics ay makakatulong sa pag-iwas sa pabalik-balik na UTI.
Maaari itong makuha sa mga binurong pagkain tulad ng kefir, kimchi, kombucha at probiotic na yogurt.
5. Healthy hygiene at cleaning habits
Ang pananatili ng kalinisan sa sarili at iyong paligid ay mabisang paraan ng pag-iwas sa UTI.
Ugaliin na maghugas at magpunas ng maayos pagkatapos umihi at dumumi. Nirerekomenda ng mga eksperto na ito ay dapat papunta sa likuran upang maiwasan ang pagpunta ng bacteria sa urinary tract.
Iwasan din ang pagpipigil ng ihi, lalo na ng matagal na oras. Ito’y nagiging dahilan ng pag-ipon ng bacteria na nagiging sanhi ng impeksiyon.
Para sa kababaihan, ang pag-ihi matapos makipagtalik ay nakakapagpababa ng posibilidad na magka-UTI. Ugaliin din ang madalas na pagpapalit ng underwear.
Makakatulong din kung lagi mong lilinisin ang banyo lalong lalo na ang toilet bowl. Gumamit ng antibacterial toilet bowl cleaner para puksain ang mga bacteria gaya ng E.coli.
Ano ang mga halamang gamot sa UTI? | Image from Freepik
Ang pagpapanatili ng kalinisan ng katawan, tamang nutrisyon at malakas na immune system ay nakakatulong para maiwasan ang sakit na UTI.
Paano maiiwasan ang UTI?
Lahat ng tao ay ang maaaring makaiwas sa pagkakaroon ng UTI o urinary tract infection. Ilan sa mga paraan para maiwasan ito ay ang mga sumusunod:
- Pag-inom ng 6-8 baso ng tubig araw-araw.
- Huwag magpigil ng ihi.
- Pagkain ng mga masustansiyang pagkain at mayaman sa fiber
- Iwasan ang pagkain ng mga maaalat o sobrang tamis na pagkain
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Agad na magpakonsulta sa doktor kung nakakaranas ka ng matinding sintomas ng UTI. Katulad ng masakit na pag-ihi na tumagal na ng isang linggo at kung ikaw ay nakakaranas ng laganat.
Aabisuhan ka ng iyong doktor na uminom ng antibiotic upang magamot ang iyong UTI. Ang UTI ay kadalasang nagagamot lamang ng isang linggo sa pag-inom ng mga gamot na nireseta ng doktor.
Subalit sa ilang pagkakataon maaaring mag-require ng hospitalization ang iyong doktor. Kung ang iyong impeksyon ay lumalala na.
Ganoon pa man, ang simple at hindi malubhang impeksyon na ito ay maaring magdulot ng mga komplikasyon, kaya dapat tandaan, kung nakakaramdam ng mga sintomas ng UTI (lalo na sa mga bata), mas mabuti pa ring kumonsulta agad sa iyong doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!