Ang birth control pills ay uri ng gamot na mayroong hormones. Iniinom ito ng mga kababaihan sa iba’t ibang kadahilanan. Isa ang yaz pills sa mga kilalang contraceptive pills na mabibili sa mga botika at maging online.
Alamin sa article na ito ang benepisyo, side effects, at ang Yaz pills price in the Philippines.
Benepisyo ng paggamit ng Yaz pills
Maraming benepisyo na makukuha sa paggamit ng yaz pills ng mga kababaihan. Ang Yaz pills ay isang uri ng combination birth control pills na nagtataglay ng active ingredient na drospirenone (progesterone) at ethinyl estradiol (estrogen).
Ang mga female hormones na ito ay pinipigilan ang ovulation o ang pag-rerelease ng egg mula sa ovary ng isang babae. Nagdudulot din ito ng pagbabago sa cervical mucus at uterine lining ng babae na pinipigilan ang fertilized egg na mag-attached at pinahihirapan ang sperm na marating ang female uterus.
Maliban sa iniiwasan ng Yaz pills ang pagbubuntis, ginagamit din ito upang malunasan ang moderate acne para sa mga babaeng 14-anyos pataas at nagsisimula palang magka-regla. Tinutulungan rin nito ang isang babae na magkaroon ng regular ng regla habang iniibsan ang masakit at labis na pagdurugo.
Ginagamit din ito upang malunasan ang mga sintomas ng premenstrual dysphoric disorder o PMDD. Tulad ng anxiety, depression, irritability, hirap mag-concentrate kakulangan sa energy, sleep o appetite changes, breast tenderness, joint o muscle pain, headache, at weight gain.
Sa paggamit nito ay nababawasan rin ang tiyansa ng isang babae na magkaroon ng ovarian cysts. Bagamat hindi ito nagbibigay ng proteksyon laban sa sexually transmitted diseases tulad ng HIV, gonorrhea at chlamydia.
Sino ang hindi puwedeng gumamit ng Yaz pills?
Sa kabila ng benepisyong ibinibigay ng paggamit ng Yaz pills, hindi lahat ng babae ay maaring gumamit nito. Dahil sa ito ay nagpapataas ng tiyansa ng blood clots, stroke, o heart attack sa mga babaeng nakakaranas ng sumusunod na kondisyon:
- May history ng blood clot dulot ng heart problem o hereditary blood disorder.
- May heart disease o may history ng heart attack.
- Nakakaranas ng migraine headaches.
- May untreated o uncontrolled high blood pressure.
- Mataas ang cholesterol o triglycerides sa katawan.
- May circulation problems na madalas na dulot ng diabetes.
- Mayroong severe liver disease, liver cancer o benign liver tumors.
- Nakaranas o nakakaranas ng pancreatitis.
- May history ng jaundice o paninilaw ng puti ng mata o balat dulot ng pagbubuntis o birth control pills.
- Severe kidney disease o kidney failure
- May history ng hormone-related cancer o cancer sa suso, uterus, cervix o vagina.
- Nakakaranas ng unusual vaginal bleeding na hindi pa nachecheck ng doktor.
- Babaeng nagdadalang-tao.
Hindi rin dapat iinom ng Yaz pills ang mga babaeng dumaan o dadaan sa major surgery. Hindi rin ito advisable inumin ng mga naninigarilyo at mga babaeng 35 anyos na pataas.
Yaz pills side effects
Ang pag-inom ng Yaz pills ay may kaakibat ding side effects para sa ilang babae. Ang mga Yaz pills side effects na maaring maranasan ay ang sumusunod:
- Nausea o pagsusuka.
- Breast tenderness o paninigas at pananakit ng suso.
- Headache o pananakit ng ulo.
- Mood changes.
- Pakiramdam ng pagkapagod o pagiging irritable.
- Weight gain o pagdagdag ng timbang.
- Pangingitim ng balat o pigmentation changes.
- Pagbabago sa menstrual period o decreased sex drive.
Dapat naman agad na tumawag o magpunta sa iyong doktor sa oras na makaranas ng sumusunod na Yaz pills side effects:
- Biglang pamamanhid ng isang bahagi ng katawan.
- Matinding pananakit ng ulo.
- Problema sa paningin o balanse sa katawan.
- Slurred speech o pautal-utal na pagsasalita.
- Pananakit o pamamaga ng isa o dalawang binti, kamay at paa.
- Hirap o mabilis na paghinga.
- Pag-ubo na may kasamang dugo.
- Pananakit sa dibdib na kumakalat sa panga at balikat.
- Sintomas ng liver problems tulad ng kawalang gana kumain, pananakit ng tiyan, at matapang na kulay ng ihi.
- Mga sintomas ng mataas na blood pressure tulad ng pananakit ng ulo, blurred vision at pananakit ng leeg at tenga.
- Mga sintomas ng depresyon tulad ng hirap sa pagtulog, kawalan ng gana, pagkapagod at mood changes.
Paano gamitin ang Yaz pills?
Ipinapayo na bago gumamit ng Yaz pills ay kumonsulta muna sa isang doktor. Ito ay para makasigurado na ligtas at angkop sa isang babae ang paggamit nito. Dahil sila rin ang mas nakakaalam sa tamang paggamit nito.
Ngunit, tulad ng ibang contraceptive pill, ang Yaz pills ay dapat inumin isang beses sa isang araw sa pare-parehong oras. Ito ay maaring inumin pagkatapos kumain ng hapunan o kaya naman bago matulog sa gabi. Isang paraan upang hindi makalimutan at makasunod sa oras o agwat ng pag-inom. Pati na upang makaiwas sa pananakit ng tiyan o pagkahilo.
Paraan ng tamang pag-inom ng Yaz pills
Ang bawat pakete ng Yaz pills ay nagtataglay ng 24 active pills at 4 na reminder pills.
Ang 24 active pills ay dapat inumin ng sunod na sunod mula sa pinaka-una. Kapag naubos na ang 24 active pills ay dapat isunod ng inumin ang 4 reminder pills sa parehong oras parin ng pag-inom ng active pills.
Madalas matapos ang 3 araw ng pag-inom ng huling active pill ay nagkakaroon na ng regla ang isang babae. Ngunit dapat ipagpatuloy parin ang pag-inom ang natitirang active at reminder pills.
Kapag naubos na ang reminder pill ay saka na dapat magsimula ng panibagong pakete meron o wala mang regla. Kung sakaling hindi pa nagkakaregla matapos uminom ng isang pakete ng Yaz pills ay dapat ipaalam na ito agad sa iyong doktor.
Kung ito naman ang unang beses o first time ng paggamit ng pill at hindi nagswiswitch sa kahit anumang uri ng hormonal birth control ay mabuting inumin ang unang tableta ng Yaz pills sa unang Linggo o araw ng menstrual period.
Mabuti ring sa unang beses ng paggamit nito ay gumamit ng non-hormonal birth control tulad ng condom at spermicide. Gawin ito sa unang 7 araw ng pag-inom ng pills upang maiwasan ang pagbubuntis. Ang nabanggit ay hindi na kailangang gawin pa kung sisimulan ang pag-inom ng pills sa unang araw ng regla.
Paano kung nakaligtaang uminom ng pill?
Sa oras na makaligtaan ang pag-inom ng isang pill nito sa tamang oras at araw ay tumataas ang tiyansa ng pagbubuntis. Ito ang mga dapat gawin sa oras na makaligtaan ang pag-inom.
1 active missed pill
Kung makakalimot ng pag-inom ng isang active pill ay inumin agad ito sa oras na iyong naalala. Kung makakaligtaan mo ang pag-inom hanggang sa sumunod na araw ay uminom ng 2 pills sa isang inuman. At gumamit ng back-up birth control method tulad ng condom sa loob ng 7 araw.
2 active missed pills
Kapag nakalimot uminom ng 2 active pills na magkasunod sa week 1 at 2 ay agad na uminom ng 2 pills sa susunod na araw. At saka ipagpatuloy ang pag-inom ng isang pill sa mga susunod na araw hanggang sa maubos ang isang pakete. Gumamit ng back-up birth control method sa loob ng 7 araw para makasigurado.
Kung sa week 3-4 naman nakalimot ng pag-inom ng 2 pills na magkasunod ay itapon na ang unang pakete at magsimula na agad sa panibagong pakete.Saka gumamit ng back-up birth control method sa loob ng 7 araw.
3 active missed pills
Sa oras naman na 3 pills na magkasunod ang nakaligtaang inumin ay agad na itapon na ang unang pakete at magsimula na sa panibagong pakete. Gumamit parin ng back-up birth control method sa loob ng 7 araw tulad ng condom.
1 missed reminder pill
Sa oras na makalimot naman ng pag-inom ng isang reminder pill ay itapon na ang missed reminder pill at inumin sa tamang oras ang sumunod na reminder
pill hanggang sa ito ay maubos. Asahan na maaring hindi magkaregla sa loob ng isang buwan sa oras na makalimot ng pag-inom ng pills. Ngunit kung 2 buwan ng magkasunod na hindi nireregla habang umiinom ng Yaz pills ay agad na itong ipaalam sa iyong doktor.
Tandaan na bago uminom ng Yaz pills ay magpakonsulta muna sa doktor. Sa ngayon ito ay mabibili sa mga drugstores at botika sa halagang P905.75 kada pakete.
Yaz pills price sa Philippines
Maaaring makabili ng Yaz pills sa mga botika at pati na rin sa online. Ayon sa online store ng Watsons, may price na Php 905.75 ang 28 tablets ng yaz pills kung bibili sa mga botika sa Philippines. Ang nasabing amount ay ang price ng yaz pills sa mga oras na isinusulat ang article na ito.
Ipinapaalala rin na kailangan ng prescription mula sa doktor para makabili ng naturang oral contraceptive. Ang bawat tablet ng yaz pills ay mayroong 3 mg ng Drospirenone at 0.02 mg ng Ethinylestradiol.
Kaya naman kung nais mag-take ng birth control pills na ito sa ano mang kadahilanan, magpakonsulta muna sa doktor para mabigyan ng prescription. Kapag may reseta ka na ng yaz pills ay maaari nang bumili nito sa mga botika o sa online store ng mga ito.
Dalawang uri ng birth control pills
Mayroong dalawang uri ng birth control pills na maaaring i-take ng mga kababaihan. Ito ay ang combination pills at progestin-only pills.
Ang combination pills ay mayroong parehong estrogen at progestin hormones. Ito ang pinakakaraniwang uri ng birth control pills. Samantala, ang progestin-only pills naman na tinatawag ding POPs o mini pills ay progestin lang ang content na hormone.
Tinatawag na fertilization ang pagsasama ng egg cell ng babae at ng sperm cell ng lalaki. Kapag naganap ang fertization, malaki ang posibilidad na mabuo ang baby at mabuntis ang babae. Sa pag-inom ng birth control pills, pinipigilan ng gamot na ito ang sperm na ma-fertilize ang egg.
Ang hormones sa pills na ito ang nagpapatigil sa ovulation. Kung walang ovulation, ibig sabihin ay wala ring egg na ife-fertilize ng sperm kaya hindi magkakaroon ng pagbubuntis.
Dagdag pa rito, pinakakapal ng hormones mula sa pills ang mucus sa cervix. Sa pamamagitan nito, nablo-block ang sperm at hindi makalalapit sa egg cell ng babae.
Tips para hindi makalimutan ang pag-inom ng pills
Sa dami ng ginagawa natin sa saraw-araw, trabaho man o mga gawaing bahay, may pagkakataon talaga na pati ang pag-inom ng pills ay makakaligtaan natin. Ano nga ba ang dapat gawin para maiwasang makalimutan ang pag-inom ng pills?
- Ilagay ang pills sa bag na iyong ginagamit para kahit saan magpunta ay dala-dala mo ito. Sa pamamagitan nito, kahit na umalis ka ng bahay para pumunta sa trabaho ay madadala mo ang pills at maaalalang mag-take nito.
- Sabihan ang iyong partner na ipaalala sa iyo ang pag-inom ng pills. Mahalaga rin ang partnership pagdating sa birth control.
- Maaaring magdownload ng birth control reminder app sa iyong cellphone.
- Puwede rin naman na mag-set ng alarm tuwing oras ng pag-inom ng pills.
- Kung mayroong kapamilya o kaibigan na nagte-take din ng medication na kailangang inumin araw-araw, maaaring magkasundo na maging “pill buddies”. Ipaalala sa isa’t isa ang mga gamot na dapat inumin.
- Ilagay ang pakete ng iyong pills sa tabi ng mga gamit na madalas mong gamitin o ginagamit mo sa araw-araw. Halimbawa ay ang iyong cellphone charger.
Paalala
Maraming benepisyo na maaaring makuha sa paggamit ng pills ng mga kababaihan. Napatunayan din naman na epektibo ito sa pagpigil na mabuntis ang isang babae kahit nakikipagtalik sa lalaki.
Pero tandaan na hindi maproprotektahan ng contraceptive pills ang babae mula sa sexually transmitted infections. Para maprotektahan kasi ang sarili sa STI o STD kailangan ng barrier na siyang magsisilbing proteksyon.
Kaya naman, kung ang layunin mo ay maprotektahan ang iyong sarili mula sa sexually transmitted diseases kasabay ng pag-iingat na hindi muna mabuntis, mahalagang paggamitin ang iyong partner ng condom.
Bukod sa proteksyong maibibigay ng condom mula sa STD, mas magiging matibay o mataas ang tiyansa na hindi ka mabuntis kung nagte-take ka ng birth control pills habang gumagamit naman ng condom ang iyong partner sa tuwing kayo ay magtatalik.
Iba pang dapat tandaan
- Kung ikaw ay nagpapasuso ng iyong anak, maaaring irekomenda sa iyo ng doktor na huwag uminom ng birth control pills na mayroong estrogen content.
- Kapag mayroong history ng stroke, blood clots, o deep vein thrombosis, posibleng progestin-only birth control pills din ang irekomenda ng iyong health provider.
- Posible rin na hindi irekomenda sa iyo ng doktor ang combination pills kung ikaw ay nagte-take ng antibiotics o herbal remedies. Mayroon ding antiviral drugs at gamot para sa epilepsy na maaaring maka-interfere sa birth control pills.
- Kung mayroong chronic health conditions tulad ng migraine with aura, sakit sa puso, o aktibong cancer sa suso, maaaring ipagbawal sa iyo ang pag-inom ng ano mang oral contraceptives.
Mahalagang kumonsulta sa doktor kung anong uri ng pills ang nararapat para sa iyong kondisyon. Hindi rin naman maaaring makabili ng oral contraceptives nang walang prescription mula sa doktor.
Yaz pills para sa PCOS
Ang polycystic ovarian syndrome (PCOS) ay uri ng hormone disorder na nagsasanhi ng iba’t ibang sintomas kabilang na ang infertility o hirap na mabuntis.
Ang mga babaeng may PCOS ay mayroong hormonal imbalance na resulta ng hindi karaniwang pagtaas ng level ng male sex hormones. Imbalance sa hormones ang nagiging sanhi ng pagbabago sa pag-function ng ovaries na nagreresulta sa pagkaroon ng maliliit na cysts sa matres.
Karaniwang nirerekomenda ng mga doktor na mag-take ng hormonal birth control na mayroong estrogen at progestin upang maging balanse ang hormones. Sa pamamagitan nito, maiibsan ang ilang sintomas ng PCOS sa kababaihan.
Isa ang yaz pills sa ilang mga birth control pills na ginagamit upang magamot ang mga sintomas ng PCOS.
Ang combination pills na tulad ng yaz pills ay pumipigil sa ovaries na mag-release ng egg upang maiwasan ang pregnancy. Pinakakapal din nito ang mucus sa cervix. Ang makapal na mucus na ito ang siyang pipigil na mabuntis ang babae once mag-release ng egg ang ovary.
Ang hormones na pumipigil sa ovulation ay siya ring may kakayahang pababain ang male hormones at pataasin ang female hormone levels.
Natutulungan ng combination pills na ma-regulate ang hormonal imbalances sa pamamagityan ng pagtaas ng estrogen levels at pagpapababa naman ng amount ng testosterone sa katawan ng babae.
Ngunit tandaan na hindi lahat ng tao ay ligtas na uminom ng combination pills tulad ng yaz pills. Safe naman ang mga hormonal birth control pills pero mayroong risk ng side effects. Kaya naman, mahalagang kumonsulta muna sa doktor bago uminom ng ano mang pills. Ang doktor ang nakakaalam kung ano ang angkop na birth control pills ang para sa iyo depende sa iyong kalusugan.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!