Batang premature ng ipinanganak nakitaan ng sintomas ng pneumonia. Sa gulang na 1 ½ taon, bata kinailangang patulugin at i-paralyze ang katawan sa loob ng 10 araw para gumaling mula sa sakit.
Batang pinatulog dahil sa sakit na pneumonia
Ipinanganak ng 11weeks ng mas maaga si Brock Wilton-Weaver ng Wellington New Zealand. Dahil sa premature ay hindi pa fully developed ang baga ni Brock ng maipanganak. Kaya naman mas madali siyang magkaroon ng sakit na may kaugnayan sa respiratory system tulad ng pneumonia.
Nito nga lang nakaraang buwan ay nakipaglaban sa pang-anim na pagkakataon si Brock sa bronchitis na nauwi sa pneumonia. At para gumaling mula sa sakit ay kailangan siyang i-sedate o patulugin ng sampung araw.
“He was given drugs to literally paralyze him so his body could rest and get better rather than use his energy to fight off the illness.”
Ito ang pahayag ng ina ng batang si Brock na si Abby Wilton. Ayon pa sa kaniya ay nagsimula lang daw sa simpleng sipon ang sakit ng anak. Ang simpleng sipon ay lumala at nasundan ng pagpapakita ng anak niyang si Brock ng sintomas ng pneumonia.
“It might be “just a cold” to some people but that’s where all of this started.”
Ito ang pahayag ni Abby Wilton sa isang interview tungkol sa kondisyon ng anak.
Labis nga daw nag-aalala si Abby, lalo pa’t una ng sinabi ng doktor bago pa man i-sedate ang anak na hindi nila alam kung kailan ito eksaktong magigising. Dahil nakadepende daw ang paggising niya sa improvement ng kaniyang kondisyon.
“It was like every parent’s nightmare, seeing their child so lifeless”, pag-alala ni Abby.
Mabuti na nga lang daw pagkatapos ng sampung araw ng ito ay i-sedate, nagising si Brock na kung saan una nitong hinanap ay ang kaniyang teddy bear.
Hindi man agad nakauwi dahil kailangan pang maalis ng tuluyan sa katawan ni Brock ang epekto ng morphine na ginamit sa kaniya pang-sedate, nagpasalamat si Abby na nakarecover ang anak mula sa sakit.
Kaya naman, pagkatapos ng karanasan ay mas naging vigilant si Abby sa pag-aalaga sa anak para makaiwas sa sakit. May mga pagbabago siyang ginawa sa kanilang bahay tulad ng pag-iinstall ng dehumidifier, pagbili ng vacuum at heater at ang pag-iwas sa mga may sakit.
Paalala ni Abby sa ibang mga magulang, dapat daw ay huwag balewalain ang simpleng sipon ng anak. Lalo na sa mga batang ipinanganak na premature na mas mahina ang immune system kumpara sa mga ipinanganak ng full term. Dahil ito ay maaring lumala at mauwi sa sakit na pneumonia kung mapabayaan.
Ano ang sakit na pneumonia?
Ang pneumonia ay ang impeksyon sa isa o parehong lungs ng isang tao. Dahil sa sakit ay nagkakaroon ng inflammation sa air sacs ng lungs na kung tawagin ay alveoli. Kapag may pneumonia ay napupuno ng liquid o pus ang alveoli na nagiging dahilan para mahirapang huminga ang taong may taglay ng sakit.
Madalas ang pneumonia ay dulot ng mga bacteria at virus na maaring dahil din sa fungi na nakukuha sa kapaligiran.
Ang viral at bacterial pneumonia ay nakakahawa. Ito ay maaring maikalat sa pamamagitan ng inhalation ng airborne droplets mula sa atsing o ubo ng isang taong mayroon nito. Ngunit, kung ang pneumonia ay dulot ng fungi na nakuha sa kapaligiran, hindi ito maililipat o maihahawa ng taong mayroon nito sa iba.
Sintomas ng pneumonia
Ang mga sintomas ng pneumonia ay maaring maging life-threatening o mild lang. Ang common symptoms ng pneumonia ay ang sumusunod:
- Pag-ubo na may kasamang plema o mucus
- Lagnat, pagpapawis at panginginig ng katawan
- Hirap sa paghinga
- Pananakit ng dibdib
Samantala ang iba pang sintomas ng pneumonia ay maaring mag-iba depende sa sanhi at severity ng infection. Naiiba din ang sintomas ng pneumonia depende sa edad o general health ng taong makakaranas nito.
Sanhi ng pneumonia
Kung ang pneumonia ay dulot ng isang virus o mas kilala sa tawag na viral pneumonia, ang pasyente ay makakaranas muna ng flu-like symptoms tulad ng wheezing o paghinga na may tunog o paghingal. At mataas na lagnat na mapapansin matapos ang 12-36 hours ng ma-expose sa virus.
Kapag bacterial pneumonia naman ang nararanasan ng isang pasyente o pneumonia na dulot ng bacteria ay una siyang magkakaroon ng mataas na lagnat na aabot sa 105°F o higit sa 40°C. Sasabayan ito ng sweating o pagpapawis, bluish lips at nails at pagkalito.
Sintomas ng pneumonia na nakadepende sa edad
Para sa mga batang 5 taong gulang pababa ay madalas ang pneumonia ay nagsisimula sa simpleng sipon. Ito ay maaring sabayan ng lagnat at mabilis na paghinga.
Ang mga baby naman ay maaring makaranas ng pagsusuka, kawalan ng energy at hirap sa pagdede o pagkain. Habang ang mga matatanda naman ay maaring magkaroon ng mas mababang body temperature kumpara sa normal.
Kahit sino ay maaring magkaroon ng pneumonia. Ngunit mas “at risk” o mas mataas ang tiyansa ng mga sumusunod na magkaroon nito.
- Batang may gulang na 2 taon pababa at mga matatandang may gulang na 65 taon pataas.
- Mga nakaranas ng stroke, may problema sa paglunok o bedridden
- May mga mahinang immune system dahil sa sakit o medications na iniinom gaya ng steroids o cancer drugs
- Mga naninigarilyo, gumagamit ng pinagbabawal na gamot at umiinom ng sobrang alcohol o alak
- May mga chronic medical condition tulad ng asthma, cystic fibrosis, diabetes, o heart failure
Lunas sa sakit na pneumonia
Ang pneumonia ay nadidiagnose sa pamamagitan ng physical exam at chest x-ray. Ngunit para makasigurado lalo na kung nagpapakita ng malalang sintomas ay maaring magrequest ang doktor ng blood test, sputum test, pulse oximetry, urine test, CT scan, fluid sample at bronchoscopy.
Samantala, ang pneumonia ay malulunasan sa pamamagitan ng antibiotic, antiviral at antifungal drugs na inireresta ng doktor. Maari rin itong magdagdag ng cough medicine para maalis ang plema sa iyong baga.
Maaring gumaling mula sa sakit na pneumonia sa inyong bahay basta tatandaan ang mga sumusunod na paalala.
- Pag-inom ng iniresetang gamot sa tamang oras
- Pagpapahinga ng tama
- Pag-inom ng maraming tubig
- Huwag magpapagod o pumasok muna sa trabaho school
Para naman sa nakakaranas ng malalang sintomas ng pneumonia ay kailangan na ang hospitalization na kung saan dapat ibigay ang sumusunod:
- Intravenous antibiotics
- Respiratory therapy
- Oxygen therapy
Paano makakaiwas sa pneumonia
Para naman makaiwas sa sakit na pneumonia ay tandaan ang mga sumusunod:
- Kung naninigarilyo ay itigil na ito dahil mas nagpapataas ito ng tiyansa ng pagkakaroon ng pneumonia
- Maghugas ng kamay ng regular gamit ang tubig at sabon
- Takpan ang bibig sa tuwing uubo o babahing, at itapon agad ang mga tissues na gamit.
- Umiwas sa mga lugar na maaring makunan ng virus tulad sa ospital. Iwasan narin muna ang mga taong may sakit na maaring makahawa.
- Mag-maintain ng healthy lifestyle para mapalakas ang iyong immune system. Magpahinga o matulog ng sapat na oras, kumain ng healthy diet at mag-exercise.
Source: Healthline, Stuff
Photo: Shutterstock