Warning ni Dok: "Puwedeng magkaroon ng pulmonya ang bata kahit masigla siya"

May ubo subalit masigla at nakikipaglaro? Alamin kung posibleng may sintomas ng Walking Pneumonia ang iyong anak ayon sa isang doktor mula Makati Medical Center

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Masigla naman pero may sakit pala? Alamin ang mga sintomas ng walking pneumonia sa mga bata.

Natural sa bata ang maging malikot at punung-puno ng energy. Kaya naman kapag naging matamlay sila, naiisip nating senyales ito na mayroon silang sakit.

Subalit alam mo bang puwede rin namang maging masigla ang bata at magkaroon ng impeksyon o sakit? Isa na rito ang walking pneumonia. Paano mo malalaman kung mayroon nito ang iyong anak?

Karaniwang sanhi at sintomas ng pulmonya

Ang pneumonia o pulmonya ay isa sa mga respiratory infection na kinatatakutan ng mga magulang na dumapo sa kanilang anak.  Mabilis kasi itong lumala at maaaring magdulot ng mga komplikasyon kapag hindi naagapan.

Ayon kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology sa Makati Medical Center, ang pulmonya ay isang impeksyon sa baga kung saan namamaga ang lung tissues.

Paliwanag niya, kapag mayroong mikrobyo na nalanghap ang isang tao, nilalabanan ng katawan ito sa pamamagitan ng paglabas ng mga inflammatory cells o pamamaga.

Gayundin, maaaring magkaroon ng tubig o plema sa loob ng air sac. Ito ang dahilan kung bakit nagbabara o sumisikip ang daluyan ng hangin o airways. Pahayag ni Dr. Gerolaga,

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

“Ang lung tissue ay may laman na air sac. Kapag may mikrobyo, lalabanan ng katawan kaya namamaga. Dahil doon, puwedeng magkaroon ng bara at pamamaga (ang baga).”

Maaring makuha ang pneumonia sa pamamagitan ng virus, bacteria at fungi. Mabilis din itong kumalat sa pamamagitan ng air droplets o kaya naman person-to-person contact.

Ayon sa Healthline, maaari ring maging sanhi ng pulmonya kapag ang bata ay madalas ma-expose sa secondhand smoke o makalanghap ng usok ng sigarilyo.

Ayon kay Dr. Gerolaga, mayroong tatlong pangunahing sintomas ang pulmonya sa bata na dapat mong bantayan:

  • Hindi nawawalang lagnat
  • Ubo na tumatagal at lumalala
  • Hingal o mabilis na paghinga

“Ang importante talaga is tingnan kung hingal o hirap sa paghinga, at lagnat at ubong hindi nawawala.” ani Dr. Gerolaga. “Kasi kung virus lang ito, dapat hindi siya hingal o kaya naman ay hindi nagpapatuloy ang sakit ng matagal.” dagdag niya.

Sa pneumonia na sanhi ng virus, karaniwang nagsisimulang banayad ang mga sintomas subalit pwedeng lumala habang tumatagal. Subalit kung bacterial pneumonia ito, agad nagkakaroon ang bata ng mataas na lagnat, ubo at mabilis na paghinga kaya importante na maagapan ito agad.

Maaari ring pansinin kung lumalaki ang butas ng ilong ng bata kapag humihinga o kaya ay nag-iiba ang kulay ng kaniyang mga labi o kuko dahil sa kakulangan ng oxygen. Ito ay maaaring maging sintomas rin ng pulmonya sa bata.

Mukhang masigla, pero may pulmonya? | Larawan mula sa Pexels

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sanhi at sintomas ng walking pneumonia

Sa karaniwang pulmonya, mapapansin na may sakit ang bata dahil siya ay matamlay, nilalagnat at hinihingal. Subalit mayroon ding uri ng pneumonia na masigla ang bata at parang walang sakit. Ganito ang walking pneumonia. Tinatawag din itong atypical pneumonia.

Paliwanag ni Dr. Gerolaga,

“Kaya tinatawag na walking pneumonia kasi ang bata ay inuubo lang, o kung may lagnat man, low-grade fever. Pero nakikipaglaro, hindi naman hingal. Pero kapag na-x-ray, makikita na may pneumonia.”

Ang walking pneumonia ay sanhi ng bacteria na Mycoplasma pneumoniae. Kung mayroong sipon ang bata na nagtatagal ng 7 hanggang 10 araw o kaya naman respiratory illness gaya ng respiratory syncytial virus (RSV), maaari rin itong magdulot ng walking pneumonia.

Kadalasan ang mga pulmonya na mula sa bacteria ay mabilis maging malubha. Pero hindi ito ang kaso sa walking pneumonia. Hindi ito agad napapansin, subalit maaari pa ring lumala at magdulot ng komplikasyon kapag hindi naagapan ang sakit.

Gaya ng nabanggit, ang sintomas ng walking pneumonia sa bata ay maaaring pagkahingal, lagnat na hindi tataas sa 38.5 C at ubo. Minsan mapapansin mong bumibilis pa rin ang paghinga ng bata kahit siya ay masigla, o ‘di kaya nababawasan ang gana niya sa pagkain.

Subalit walang ibang paraan para makumpirma kung mayroong walking pneumonia ang isang bata kundi sa pamamagitan ng isang physical examination ng kaniyang doktor.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kuwento ni Dr. Gerolaga, kapag pinakinggan ng doktor ang baga ng bata sa pamamagitan ng stethoscope, may maririnig siyang parang pumuputok sa kaniyang ubo o crackling sound. Ito ang isang pangungahing sintomas ng pneumonia.

“Kapag narinig ng doktor ‘yon at may lagnat ang bata, may ubo, hindi na kailangang ipa-x-ray. Puwede nang gamutin agad.” aniya.

Gamot sa walking pneumonia

Dapat bang gamutin ang walking pneumonia kung parang ayos naman ang pakiramdam ng bata at hindi naman siya matamlay?

Paalala ni Dr. Gerolaga, ang pulmonya ay dapat agapan upang hindi humantong sa mga komplikasyon.

“Dapat tandaan na ang pulmonya, may komplikasyon ‘yan. Kung napabayaan, puwedeng magkaroon ng tubig sa baga. Kaya kung matagal ang ubo at hindi gumagaling sa karaniwang gamot na rekomendasyon ng doktor, pinapa-x-ray.”

Gayundin, ang walking pneumonia ay isa pa ring uri ng bacterial pneumonia at kailangang gamutin sa pamamagitan ng antibiotics.

“Nevertheless, ang mga batang may walking pneumonia, may kaakibat na antibiotic para diyan,” ani Dr. Gerolaga.

Dapat tapusin ang cycle ng niresetang antibiotics ng iyong pediatrician o pulmonologist para maiwasang bumalik ang impeksyon. Depende sa kondisyon ng pulmonya ng bata, maaaring magdesisyon ang doktor kung dapat ba itong manatili sa ospital para maobserbahan, o puwedeng magpagaling sa bahay.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Kung sa bahay lang magpapagaling ang bata, narito ang mga bagay na maaaring gawin para mapabilis ang kaniyang paggaling:

  • Siguruhing umiinom siya ng maraming tubig para maiwasan ang dehydration.
  • Hikayatin din siyang matulog, magpahinga at bawasan ang mga pisikal na gawain kahit na parang masigla naman siya.
  • Puwede ring gumamit ng air humidifier sa kuwarto ni baby para matulungang lumuwag ang kaniyang paghinga.

Kung may ubong hindi gumagaling o kaya may napapansing kakaiba sa iyong anak, huwag magdalawang-isip na tumawag sa doktor.

Para makaiwas ang iyong anak sa pulmonya at iba pang sakit, siguruhing up to date siya sa kaniyang vaccination schedule (lalo na ang mga bakunang lumalaban sa pneumonia), panatiliing malinis ang kapaligiran at malakas ang immune system ng bata.

Larawan mula sa Freepik

 

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Sinulat ni

Camille Eusebio