Ano ba ang sipit-sipitan at bakit ito mahalaga sa katawan ng isang babae? Narito ang mga dapat mong malaman tungkol dito.
Ang katawan ng babae ay ginawa talaga ng naayon sa disenyo ng pagkakaroon ng pamilya, at pagluluwal ng anak. Hindi tulad ng mga lalaki, taglay ng mga babae ang bahagi ng katawang may pangunahing papel na paghandaan ang pagdadalang-tao.
Kabilang sa mga organs na ito ang mga ovaries, lagusang-itlog o fallopian tube, matris o uterus, ari ng babae o vagina, vulva mammary glands, at mga suso.
Nariyan din ang partikular na pagkakaroon ng sipit-sipitan ng mga babae, na wala sa mga lalaki. Dahil sa partikular na gamit nito para sa maayos na functioning ng katawan ng isang babae, lalo na sa panahong nagbubuntis ito.
Ano ang sipit-sipitan?
Kilala rin sa tawag na “leeg ng bahay-bata” o cervix sa English, ang sipit-sipitan ay ang panlabas na dulo ng matris o bahay-bata na nahahawig ang hugis sa leeg ng tao. Matatagpuan ito sa pang-ibabang bahagi ng bahay-bata, makipot, at nakaugnay sa pang-itaas na dulo ng ari ng babae.
Mayroon itong dalawang pangunahing bahagi:
- Ectocervix – na maaaring masipat na umbok mula sa pang-itaas na dulong bahagi ng ari ng babae sa pamamagitan ng gynecologic na pagsusuri;
- Endocervix – tinatawag ding endocervical canal, na lagusang nagdurugtong sa pangkabuoang bahagi nito patungo sa matris ng babae; at
- Transformation zone – na tagpuang bahagi ng ectocervix at endocervix.
Tuwing buwanang regla, bumubuka nang bahagyang-bahagya ang sipit-sipitan upang magbigay-daan sa dugong dumaloy paibaba hanggang palabas ng ari ng bababe. Kapag ganitong panahon rin naaapektuhan ang nililikhang cervical mucus ng sipit-sipitan.
Depende sa katangian ng nalikhang cervical mucus. Maaaari itong makatulong sa pagpapadali o pagpigil sa pagbubuntis ng babae kung panahon ng fertility.
Bakit mahalaga ang cervix o sipit-sipitan sa pagbubuntis ng babae?
Isa sa mga pangunahing papel na ginagampanan ng sipit-sipitan sa pagbubuntis ng babae ang pagpapanatili nitong nakakapit ang bata sa matris ng ina.
Para magawa ng sipit-sipitan ito, kailangan niyang labanan ang iba’t ibang uri ng puwersang nagmumula sa matris. Kabilang na ang padagdag nang padagdag na timbang ng sanggol sa loob.
Ganoon din ang pagdami ng amniotic fluid na ikinabibigat naman ng amniotic sac at ang passive pressure na dulot naman ng uterine wall o pader ng matris.
Bukod pa rito, nagsisilbing proteksyon ng sanggol ang sipit-sipitan laban sa mga mikrobyong pumapasok katawan ng babae sa pamamagitan ng ari nito. Dahilan upang maiiwas mula sa iba’t ibang uri ng impeksyon ang sanggol.
Habang tumatagal ang pagbubuntis ng babae, lumalambot ang sipit-sipitan, umiikli, at unti-unting bumubuka. Ang pagbuka nito ay bahagi ng paghahanda ng katawan para sa paglabas ng sanggol mula sa sinapupunan.
Sapagkat ito ang unang lagusang daraanan ng ulo ng sanggol (para sa inaasahan at normal na posisyon). Kailangang tumugma ang laki o lawak ng buka nito sa sukat ng ulo ng sanggol para sa maayos na panganganak.
Matapos ang panganganak ng ina, inaasahan namang babalik din sa dati ang pagbalik sa dating hugis, laki, at hitsura ng sipit-sipitan.
Ayon sa mga pag-aaral, malaki ang tiyansa ng preterm birth para sa mga inang mayroong mahina o maiksing sipit-sipitan.
Tinatawag na preterm birth kung ang kaso ng panganganak ay nangyayari nang tatlong linggo bago ang inaasahang takdang panahon ng panganganak.
Short cervix at pagbubuntis
Kamakailan lang ang nagbahagi ng kwento ang isang inang nakunan ng dalawang beses dahil sa pagkakaroon ng short cervix. Nagbuka na kasi ang kaniyang sipit-sipitan kahit hindi pa siya umaabot sa huling trimester ng pagbubuntis.
Ayon sa website na March of Dimes, ang pagkakaroon ng maiksing sipit-sipitan o tinatawag ring incompetent cervix ay maaring makaapekto sa pagbubuntis, dahil posibleng magbukas o mag-dilate ito nang wala pa sa tamang oras, at wala pang nararamdamang sakit o contractions.
Kadalasan, kapag nagbubuntis ang isang babae, nananatiling firm ang kaniyang sipit-sipitan hanggang umabot siya ikatlong trimester.
Habang papalapit ang iyong due date, nagbubukas ang cervix, numinipis at lumalambot ito. Upang makadaan at makalabas ang sanggol sa birth canal kapag nagsimula na ang labor at panganganak.
Subalit para sa ibang babae, maagang nagbubukas ang kanilang cervix habang nagbubuntis, o maiksi ang sipit-sipitan. Kaya hindi nito kinakaya ang bigat ng pagbubuntis at nagbubuka nang 'di oras. Ito ay kadalasang humahantong sa premature birth o miscarriage.
Bukod sa cervical incompetence, narito pa ang ilang sakit o karamdaman na may kaugnayan sa cervix o sipit-sipitan ng babae.
Mga sakit na may kaugnay sa sipit-sipitan
Maraming uri ng sakit o kondisyong medikal ang maaaring makaapekto sa sipit-sipitan ng babae, na nakukuha mula sa mga injury at impeksyong madalas ay gawa ng pagbubuntis at panganganak, cancer, genital warts, at iba pang uri ng sakit na nakukuha mula sa pakikipagtalik sa taong apektado na rin ng sakit.
-
Cervicitis o pelvic inflammatory disease (PID)
Ito ang pamamaga ng sipit-sipitan, na karaniwang dulot ng impeksyon. Ang chlamydia, gonorrhea, at herpes ang ilan sa mga impeksyong nagiging sanhi nito, na pare-parehong nakukuha sa pakikipagtalik sa taong mayroong sexually transmitted infection (STI).
Maaari itong kumalat at makapinsala sa matris at fallopian tubes, at makapagdulot ng kahirapan sa pagbubuntis ng babae.
-
Cervical dysplasia o cervical intraephithelial neoplasia (CIN)
Sa kasong ito, nagkakaroon ng mga abnormal cells sa lining ng cervix, sa pagitan ng uterus at vagina. Kapag hindi naagapan, malaki ang potensyal na maging cancer cells at humantong sa cervical cancer. Maaari itong makita o matuklasan sa pamamagitan ng Pap smear.
Mas karaniwan ang sakit na ito sa mga kababaihang edad 30 pababa. Pero pwede rin naman sa anumang edad, lalo na kung ikaw ay sexually active.
-
Cervical cancer
Karaniwan sa kaso nito ay sanhi ng impeksyong dala ng human papillomavirus (HPV). Ilan sa mga sintomas ng cervical cancer ay pananakit at pagdurugo ng ari habang o pagkatapos makipagtalik. At hindi normal na vaginal discharge. Maaari naman itong maiwasan sa pamamagitan ng regular na pagpapasuring Pap smear sa inyong OB-Gynecologist.
-
Cervical polyps
Ito ang pagtubo ng mga tisyu sa paligid ng sipit-sipitan na nakapagdudulot ng iregular at malakas na pagreregla at pabalik-balik na impeksyon sa isang babae. Kadalasan ay hindi ito masakit at delikado, pero maari itong magdulot ng vaginal bleeding.
-
Human papillomavirus (HPV)
Ito ay pangkat ng iba’t ibang uri ng virus, kabilang ang mga virus na nagiging sanhi ng cervical dysplasia at cervical cancer. Para naman sa mga hindi gaanong mapanganib na uri ng virus, nagdudulot lamang ang mga ito ng warts sa sipit-sipitan at ari ng babae.
Mga treatment na may kinalaman sa sipit-sipitan
Hindi biro ang mga sakit na kinasasangkutan ng ating cervix. Kaya naman napakahalaga na pangalagaan natin ang ating reproductive health.
Narito ang ilang bagay na dapat nating gawin para makaiwas sa mga komplikasyong dala ng mga sakit na nabanggit:
PAP Smear
Ang PAP smear o PAP test, ay isang pagsusuring ginagawa ng mga doktor upang malaman kung ang isang babae ay mayroong cervical cancer. Nakikita rin rito kung mayroong pagbabago sa ating cervical cells na maaring magdulot ng mga sakit gaya ng cervical dysplasia o cervical cancer sa kalaunan.
Upang makaiwas o maagapan ang sakit na ito, ipinapayo ng mga doktor na regular (bawat 3 taon) na sumailalim sa PAP smear ang mga babaeng edad 21 hanggang 65.
Colposcopy
Kapag hindi normal ang naging resulta ng iyong PAP smear, maaring magsagawa ang doktor ng isang colposcopy, kung saan sisilipin ang iyong cervix gamit ang isang colposcope, upang makita kung bakit abnormal ang resulta ng PAP smear.
HPV Vaccine
Upang maiwasan naman ang mga komplikasyong dala ng HPV. Ipinapayo ng mga doktor na ang mga babaeng edad 11 pataas ay tumanggap ng HPV vaccine.
Ang bakunang ito ay ibinibigay upang maiwasan ang ilang sexually transmitted infections na maaring magdulot ng komplikasyon, kabilang na ang cervical cancer.
Kung hindi ka pa tumatanggap ng bakunang ito, mas mabuting kausapin mo ang iyong OB-Gynecologist upang mabigyan ka niya ng rekomendasyon kung kailan mo pwedeng tanggapin ito.
Tiyak na alam na natin ngayon kung gaano kahalagang mapanatili ng mga babaeng malusog ang sipit-sipitan. Ang regular na pagpapasuri sa OB-GYN, buntis man ang isang babae o hindi, lalo na kung ikaw ay sexually active na.
Ang pagsailalim naman sa Pap test ay malaking tulong para matiyak na nasa normal na kalagayan ang sipit-sipitan. Kung mapananatili naman itong malusog, walang dapat ipag-alalang sumailalim sa iba pang mga uri ng eksaminasyon.
Para sa mga katanungan tungkol sa pangangalaga ng iyong reproductive health, huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor.
Karagdagang ulat mula kay Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.