Marami pa din ang hindi lubusang nalalaman ang mga benepisyong makukuha ng isang ina, o pamilya mula sa pamahalaan kapag siya’y nanganak, lalong-lalo na ang SSS maternity benefits at Philhealth benefits.
Mababasa sa artikulong ito:
- Nilalaman ng SSS maternity benefits
- Step by step ng pagkuha ng SSS maternity benefits
- Magkano ang makukuha sa SSS maternity benefits
Ang iba naman ay hindi sigurado kung may nagbago na ba o nadagdag, lalo na sa pabagu-bagong sistema ngayon sa ating bansa, at nagkalat na maling balita.
Para sa kaalaman ng mga inang naghihintay ng kanilang kabuwanan, o mga nagpaplanong magsimula ng pamilya, narito ang mga benepisyong inilaan ng SSS (Social Security System) at Philhealth para sa mga kababaihan at pamilyang Pilipino.
Ano ang mga SSS maternity benefits na makukuha?
Ito ay ang arawang cash allowance na ibinibigay sa isang babae na hindi makakapagtrabaho dahil sa kapapanganak pa lamang, o dahil siya ay nakunan (miscarriage). Ito ay ginagawad ng SSS sa isang empleyadong regular na naghuhulog ng buwanang kontribusyon.
SSS maternity benefits | Image from Freepik
Sino ang puwedeng makakuha ng SSS maternity benefits?
May mga kwalipikasyon para magawaran ang isang manggagawang babae ng benepisyong ito. Ayon sa SSS, dapat ay nakapaghulog ng hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon sa loob ng isang taon o 12 buwan bago ang araw ng panganganak o miscarriage.
Kailangang nakapagbigay ng SSS Maternity Notification Form ang babae sa kanyang employer at sa SSS. Dito nakasaad ang due date ng panganganak. Importanteng naibigay o naisumite mo sa employer at SSS ang notice ng pagbubuntis para walang maging aberya.
Pati ang mga kababaihang self-employed ay maaaring makakuha ng benepisyong ito, basta’t regular na naghuhulog ng kontribusyon.
BASAHIN:
Maternity hospitals in Manila for 2021: Maternity packages and rates
SSS maternity benefits: Mga hakbang para makakuha ang mga unemployed
Iba’t ibang uri ng loans na makakatulong sa nagigipit na miyembro ng SSS
Magkano nga ba ang makukuha?
Ang benepisyong ito ay katumbas ng 100 porsiyento ng average daily salary credit (ADSC) ng empleyadong nanganak (o nakunan).
Ayon sa kapapasa pa lamang na Senate Bill No. 1305, o ang kilalang Expanded Maternity Leave Act 2017, may hanggang 120 araw o kulang-kulang na 4 na buwan na ang igagawad na paid maternity leave sa lahat ng babaeng manggagawa at miyembro ng SSS-PhilHealth.
Ngunit, ayon sa panayam namin sa SSS, nasa proseso pa sila ng pagpapatupad nito. Kung kaya’t dapat lamang magantay ang mga miyembro ng pormal na announcement mula sa SSS.
Sa ngayon, may kagawarang komputasyon pa rin naman ang bawat benepisyo, na mas maipapaliwanag ng kani-kaniyang HRD (Human Resource Director).
Step by step kung paano kumuha ng SSS maternity benefits: Mga requirements
Ayon sa SSS, kinakailangang sabihan ang iyong employer kung ikaw ay buntis. Kasunod nito ang pagsagot sa SSS Maternity Notification Form na iyong ipapasa bilang isang patunay.
Narito ang mga kailangang ihanda na requirements para sa notification ng Employee, Unemployed/Self-Employed/Voluntary members:
- UMID o SSS biometrics ID card o 2 valid IDs. May parehong pirma, araw ng kapanganakan at litrato.
- Katibayan ng pagbubuntis (ultrasound report)
Narito ang mga kailangang ihanda na requirements para sa reimbursement
Employed members:
- Maternity Reimbursement Form
- Maternity Notification Form (stamped at na-received ng SSS)
- UMID o SSS biometrics ID card o dalawang valid IDs. May parehong pirma, araw ng kapanganakan at litrato.
Separated members:
- Maternity Reimbursement Form
- Sertipikasyon galing sa nakaraang employer. Ito dapat ay may petsa ng iyong pag-alis.
- Sertipikasyon na nagpapatunay na walang paunang bayad.
- UMID o SSS biometrics ID card o dalawang valid IDs. May parehong pirma, araw ng kapanganakan at litrato.
SSS maternity benefits | Image from Freepik
Self-Employed/Voluntary Members:
- Maternity Reimbursement Form
- Maternity Notification Form (stamped at na-received ng SSS)
- UMID o SSS biometrics ID card o dalawang valid IDs. May parehong pirma, araw ng kapanganakan at litrato.
Iba pang requirements:
- Normal delivery – certified true o authenticated copy ng birth certificate. Kung sakaling namatay ang sanggol o stillborn, registered death o fetal death certificate ang kinakailangan.
- Caesarean delivery – certified true o authenticated copy ng birth certificate at certified true copy ng surgical memorandum.
- Miscarriage or abortion – obstetrical history
Maaaring mag-file ng SSS Maternity Benefits sa anumang SSS branch. Kung may iba pang katanungan, bisitahin lang ang SSS site.
Para i-download ang SSS maternity Notification form, i-click lamang ito.
Ano pa ang dapat malaman tungkol sa SSS maternity benefits na ito?
Hanggang apat na panganganak lang ang maaaring makatanggap ng maternity benefit, kasama ang kunan o miscarriage.
Hindi maaaring mag-claim ng sickness benefit ang isang babaeng nakakuha na ng maternity benefit mula sa SSS, sa loob ng 60 hanggang 78 araw.
Para sa mga may employer o nagtatrabaho sa isang kompanya, ang benepisyo ay dapata bayaran o i-advance employer sa empleyado sa loob ng 30 araw mula sa pagbigay ng maternity leave application. Ito ay babayaran ng SSS sa employer pagkatapos maibigay lahat ng kailangang papeles o dokumento.
Para sa mga self-employed, kailangang ipasa sa SSS ang lahat ng dokumentong kailangan para direktang maibigay ng SSS ang benepisyo. Reimbursement ang sistema, kaya’t kailangan mo munang iluwal ang pera, at itago ang mga resibo.
Sa lahat ng proseso, kakailanganin mo ng Marriage Cerificate, Birth Certificate o Death Certificate (kung miscarriage), at stamped SSS Maternity Notification Form.
SSS maternity benefits | Image from Freepik
Usapang Philhealth
Isang bagay na nakatulong ng malaki nung ako ay nanganak ng dalawang magkasunod na taon, at kapag ako, o ang mga anak ko ay naoospital, ay ang nababawas na halaga sa hospital fees, dahil ako ay miyembro din ng PhilHealth. Ang kaibahan nito sa SSS maternity benefit ay kaagad itong binabawas sa hospital fees, at hindi na kailangan pang i-advance ng employer o kunin sa SSS o PhilHealth office.
Mas madali ang proseso, basta’t regular o buwanan kang naghuhulog ng SSS. Kailangan mo lang ng PhilHealth ID na ipapakita sa ospital sa oras ng admitting. Ang ospital na ang magbibigay sa yo ng mga forms (CF1, CF2, CF3) para sulatan ng impormasyon—at wala ka nang aalalahanin pagkatapos nito. Automatic deduction, ika nga. Ibabawas na yun sa bill mo.
Tandaan lang din na ang bayad sa doktor ay hiwalay pa sa hospital fees. Kailangang alamin kung PhilHealth accredited ang iyong doktor para makakuha din ng PhilHealth benefit o diskwentro sa doctor’s fees.
Minsan nawawalan tayo ng tiwala sa sistema ng gobyerno. Pero sa sariling karanasan ko, malaki ang naitutulong ng SSS at PhilHealth pagdating sa panganganak. Basta’t alam mo lang ang mga kailangan at ang proseso.
At syempre pa, siguraduhing naghuhulog ka o ang iyong employer ng buwanang kontribusyon, dahin may mga kaso din na hindi hinuhulog ng mga amo ang nararapat na ihulog para sa empleyado.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!