Alam niyo ba na tumataas ang mga kaso ng newborn syphilis sa mundo? Ito ay dahil hindi agad nalalaman ng ibang mga ina na mayroon na pala silang ganitong uri ng sakit. At dahil isang uri ng STD ang syphilis, mahalaga ang STD testing sa buntis upang masiguradong ligtas ang mga bagong-panganak na bata.
STD testing sa buntis, gaano ka-importante?
Alam niyo ba na kahit hindi kayo nangaliwa sa inyong partner o asawa, ay posible pa ring magkaroon ng STD?
Posible itong mangyari kung kayo ay nakipagtalik sa mga dati ninyong karelasyon, at posibleng abutin ng taon bago kayo makakita ng mga sintomas. Kaya’t kung nagkaroon kayo ng sex partner bukod sa inyong asawa, kahit matagal na, importante pa rin ang STD testing sa buntis.
Lubhang mapanganib sa mga sanggol ang pagkakaroon ng newborn syphilis. Ito ay posibleng magdulot ng mga sumusunod na epekto sa mga bagong panganak na sanggol:
- Hindi tamang hugis ng mga buto
- Brain damage, o problema sa utak
- Pagkabulag
- Pagkabingi
- Meningitis
- Anemia
Naapektuhan ng syphilis ang bawat bahagi ng katawan ng isang tao. Kaya’t ganun na lang ang epekto nito sa mga sanggol na hindi pa malakas ang immune system.
Ang nakakatakot pa ay posibleng hindi agad lumabas ang sintomas ng syphilis sa isang sanggol. Posibleng abutin ito ng ilang linggo, o kaya ilang taon bago pa lumabas.
Mahalaga na maaga pa lang ay malaman na ng mga doktor kung nasa panganib na magkaroon ng syphilis ang bata. Ito ay upang magawan agad ito ng paraan at magamot habang maaga.
Paano makakaiwas sa newborn syphilis?
Hindi madaling pag-usapan ang tungkol sa mga nakaraang mga sexual partners, lalo na sa iyong asawa.
Ngunit mahalagang maging open kayo sa isa’t-isa at tanggapin kung ano man ang inyong nakaraan. Kung mayroon kayong mga agam-agam tungkol sa STD, ay mabuting magpa-test sa mga clinic habang maaga.
Ito ay lubos na makakatulong upang maiwasang kumalat ang STD hindi lang sa iyong asawa, ngunit pati na rin sa inyong magiging anak.
Hindi dapat ito ikatakot o ikahiya, dahil ito naman ay para sa kalusugan at kaligtasan ng iyong pamilya.
Para naman sa mga asawa, huwag ninyong awayin o ikahiya ang inyong mga partner kung sakaling magsabi sila na gusto nilang magpa-test sa STD. Importante ang pagiging supportive at maunawain sa mga ganitong usapin.
Ang tunay na pagmamahal at hindi mapanghusga, at kung ano man ang nakaraan ng iyong asawa, handa ka dapat na tanggapin ito dahil siya ang gusto mong makasama habangbuhay.
Source: Healthline
Basahin: STDs in marriage: Is it always a sign of infidelity?