Hindi madali para sa kahit sinong magulang ang mawalan ng anak. Kahit na matapos man ang pagluluksa, ay dadalhin ng isang magulang ang alaala ng kaniyang namayapang anak habangbuhay. At para sa mag-asawang Chase at Nicole Thompson, umaasa silang balang araw ay makasama ang kanilang stillborn baby.
Stillborn baby, hindi maipaliwanag ang pagkamatay
Noong ika-33 linggo ng pagbubuntis ay napansin ni Nicole Thompson na tila nagsisimula na ang kaniyang pre-term labor. Dahil dito, todo ang kaniyang naging excitement dahil nais na niyang makita ang baby girl na si Esther Mae.
Ayon kay Nicole, “I had been in and out of hospital for a couple of days being monitored thinking I was in pre-term labour. All test results showed that I wasn’t and that bub was healthy. I could feel her kicking and moving around normally, and listening to her heartbeat gave me some reassurance, but I still felt like something wasn’t right.”
Nang sumunod na check up ay mabilis na naging lungkot ang kaniyang tuwa nang sinabi ng midwife ni Nicole na hindi niya mahanap ang heartbeat ng sanggol. Dito na nagsimulang mag-alala ang mag-asawa.
Mabilis raw na nawala ang heartbeat ng kanilang sanggol
Tinanong pa raw siya ng midwife kung naramdaman daw ba niya na gumagalaw si Esther. Sabi ni Nicole na hindi nga raw malikot si Esther noong umagang iyon. Bukod dito, naging malambot raw ang kaniyang tiyan, na kakaiba dahil sa posisyon ng sanggol.
Pagpunta ni Nicole sa ospital ay sinabi sa kaniya ng mga doktor na mabilis na nawawala ang heartbeat ng kanilang sanggol. Dagdag pa ng mga doktor na kinakailangan raw niyang sumailalim sa emergency C-section.
Dahil sa takot at kaba, humingi ng tulong si Nicole para tawagan ang kaniyang asawa at ina. Naghahanda raw noon para pumunta sa isang business trip ang kaniyang mister, at sa kabutihang palad ay kasama raw nito ang kaniyang ina. Nang makausap silang dalawa ay walang-tigil ang pag-iyak ni Nicole.
Todo raw ang kaniyang kaba dahil nasa panganib ang anak, ngunit naging pampalubag-loob raw nang sinabi ng kaniyang mister na papunta na ito sa ospital.
Sa kabutihang palad ay ligtas si Nicole matapos ang C-section. Ngunit sumasailalim raw sa CPR si baby Esther.
Matapos ang 40 minutes ay lumapit ang mga doktor sa mister ni Nicole na si Chase, at sinabing hindi nila ma-revive si Esther. Sinabi nila na puwede pa nilang subukang buhayin ang sanggol, ngunit malabo nang ma-revive ito.
Nagdesisyon si Chase na itigil na ang pag-revive sa anak, at nang magising si Nicole ay sinabi niya ang masamang balita. Ni hindi man lang raw nakasama ng anak nilang si Leo ang kaniyang little sister, at labis labis ang kanilang kalungkutan sa nangyari.
Ayon kay Nicole, ang tanging nasabi lang niya kay Chase ng panahong iyon ay “I’m sorry.”
Umaasa pa silang magkikita sila ni Esther balang araw
Labis ang naramdamang kalungkutan ng mag-asawa sa pagkawala ng kanilang anak. Hindi nila inakalang sa ika-33 na linggo ng pagbubuntis ni Nicole ay bigla na lamang mamamatay si Esther. Hanggang ngayon ay hindi pa rin daw alam ng mga doktor kung ano ang mismong sanhi ng pagkamatay ng sanggol.
Di nagtagal at nabuntis muli si Nicole, at sa pagkakataong ito, nabigyan sila ng rainbow baby na si Primrose Ivy. Bagama’t masaya ang mag-asawa sa bagong bahagi ng kanilang anak, hindi raw panakip-butas si Primrose kay Esther.
Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin nila ang kawalan ng anak, at hinding-hindi nila malilimutan ang sanggol. Ayon sa kanila, umaasa silang balang-araw ay magkikita silang muli ni Esther.
Nais ng mag-asawa na sa pamamagitan ng kanilang kuwento ay magkaroon ng pag-asa ang mga pamilyang nawalan ng anak o nagkaroon ng stillborn baby. Ayon kay Chase at Esther, hindi nag-iisa ang mga magulang na nawalan ng anak. Dahil sila mismo ay alam kung gaano kasakit ang ganitong pangyayari.
Source: Daily Mail
Basahin: Stillborn risk increases after emergency C-section