10-anyos patay dahil sa flu virus at strep throat infection
Isang sampung taong gulang na bata ang namatay isang araw matapos madiagnose sa sakit na dulot ng flu virus at strep throat infection.
Strep throat infection at flu ang naging diagnosis ng mga doktor sa sakit ng isang bata na taga-Ohio.
Ngunit isang araw matapos ma-diagnose mula sa sakit na ito ay namatay ang bata. Ito ay matapos makaranas ng cardiac arrest ilang oras matapos matukoy ang karamdaman nito.
Ang bata ay kinilalang si Sable Paige Gibson, sampung taong gulang na mula sa Mason, Ohio.
Ayon sa kuwento ng kaniyang ina na si Holly Rauch Gibson, Martes ng umaga nang ma-diagnose si Sable na may sakit na flu (trangkaso) at strep throat infection.
Ilang oras matapos ang diagnosis ay nakaranas ito ng cardiac arrest dahilan upang i-airlift ito papunta sa Cincinnati Children’s Hospital. Sa kasamaang palad ay binawian ito ng buhay kinabukasan ng Miyerkules.
Ayon sa mga tala, ang nangyari kay Sable ay pangatlo ng kaso ng pediatric death sa Ohio state dahil sa flu ngayong season.
Ayon naman sa mga doktor, karamihan ng mga batang nakakaranas ng sakit na gaya ng tumama kay Sable ay hindi nabakunahan ng flu shot na proteksyon laban sa sakit.
Samantala ang pagsasabay naman daw ng viral infection na flu at bacterial strep throat infection ay bibihira ngunit maaring mangyari tulad nalang sa naranasan ni Sable.
Peligrong dulot ng flu virus
Karamihan ng tinatamaan ng sakit na flu ay nakakarecover sa loob ng dalawang linggo matapos ang pagkahawa sa virus. Ngunit ang iba naman ay nagdedevelop ng kumplikasyon na mas nagpapalala sa health condition ng taong nakakaranas ng sakit.
Dahil sa pamamaga na dulot ng flu sa airways ng isang tao ay pinipigilan nito ang clearing ng mucus at secretions sa katawan.
Kaya naman dahil dito ay nagkakaroon ng bacteria build-up sa katawan na nahihirapang labanan nito dahil sa mahinang immune system na dulot ng flu.
At dahil diyan ay nagdedevelop ito sa panibagong sakit na maaring mauwi sa strep throat infection, bronchitis o pneumonia.
Ayon naman sa isang Canadian study na inilathala noong nakaraang taon, napag-alaman na ang flu ay maaring magpataas ng tiyansa na makaranas ang isang tao ng cardiac arrest na aabot sa 600 percent.
Ayon kay Dr. Jeff Kwong, isang epidemiologist at family physician sa Public Health Ontario, ang katawan ay nakakaranas ng inflammation at stress kapag mayroon itong flu.
Dahil dito ay nagkakaroon ng pagbabago gaya ng pagbaba ng oxygen level at blood pressure na nagdudulot ng pagtaas ng tiyansa ng pagbuo ng mga blood clots sa mga vessels sa ating puso. Ito ang nagiging dahilan naman ng cardiac arrest.
Strep throat infection
Tulad ng flu ang strep throat infection rin ay nakakamatay. Naapektuhan nga ng sakit na ito ang 700 million na tao taon-taon.
Ang strep throat infection ay isang bacterial infection na nagdudulot ng pamamaga at sakit sa lalamunan.
Ito ay sanhi ng group A Streptococcus bacteria na maaring makaapekto sa mga bata at matatanda sa kahit ano mang edad. Ngunit mas madalas itong tumatama sa mga batang may gulang na 5 hanggang 15 taong gulang.
Ang sakit ay maaring makahawa sa pamamagitan ng pag-ubo o pag-atsing ng taong infected nito.
Sintomas ng strep throat infection
Ang sintomas ng strep throat infection ay kadalasang lumalabas limang araw matapos ma-expose sa Streptococcus bacteria.
Ang iba ay makakaranas lang ng mild symptoms samantalang ang iba naman ay nakakaranas ng mas malalang sintomas gaya ng mga sumusunod:
- Biglaan lagnat na umaabot sa 101˚F o mas mahigit pa
- Namamaga at namumulang lalamunan na may putting patches
- Sakit ng ulo
- Chills o pangangatog
- Kawalan ng ganang kumain
- Kulani sa leeg
- Hirap sa paglunok
Gamot sa strep throat infection
Ang karaniwang inereresetang gamot ng mga doktor para sa strep throat infection ay ang pag-inom ng mga antibiotics. Ilan sa karaniwang ibinibigay na medication para dito ay penicillin at amoxicillin.
Importanteng tapusin at kumpletuhin ang antibiotic treatment upang tuluyang mapatay ang bacteria na nagdudulot ng strep throat infection.
Mayroon rin namang mga home remedies na maaring gawin para maibsan ang sintomas ng strep throat infection. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Pag-inom ng mga warm liquids gaya ng lemon water o tea
- Pag-inom ng mga cold liquids para pamanhirin ang lalamunan
- Paggamit ng cold-mist humidifier
- Pag-inom ng mga over-the-counter pain reliever gaya ng ibuprofen at acetaminophen
- Pagsipsip ng throat lozenges
- Pagmumog ng tubig na may kalahating kutsarita ng asin
Kumplikasyon ng strep throat infection
Kung magagamot ang strep throat infection ay maaring mawala ang mga sintomas nito sa loob ng isang linggo. Ngunit kung ito ay mapapabayaan ay maaring magdulot ito ng mas seryosong kumplikasyon tulad ng mga sumusunod:
- Ear infection
- Sinusitis
- Rheumatic fever
- Poststreptococcal glomerulonephritis o inflammation ng kidneys
- Mastoiditis o infection sa mastoid bone ng bungo
- Scarlet fecer
- Guttate Psoriasis
- Peritonsillar abscess
Para maiwasan ang mga kumplikasyong ito ay magpunta agad sa doktor kung hindi nawawala ang sintomas ng strep throat infection matapos uminom ng antibiotic sa loob ng 48 hours.
Ito ay para mapalitan ang antibiotic na puwedeng inumin para malunasan ang strep throat infection.
Sources: Daily Mail, HealthLine
- Makating lalamunan? 11 na natural na lunas at gamot sa sore throat
- Gamot sa makating lalamunan at home remedy para rito
- Vic Sotto sa kahilingan ni Tali na magkaroon ng kapatid: "Ang problema parati namin siyang katabi matulog"
- Ryan Agoncillo on Yohan's adoption: “Medyo nag-iingat ako ayokong mapa-ibig don sa bata.”