Trangkaso: Sanhi, sintomas, at gamot para sa flu

Trangkaso: Sanhi, sintomas, at gamot para sa flu

Bakit nga ba nagkakaroon ng trangkaso o flu? Paano ito nakukuha at naiiwasan? Alamin kung ano ang pinakamabisang gamot sa trangkaso.

Lumalamig ang panahon, at dumadalas na naman ang insidente ng trangkaso. Ano nga ba ang pinakamabisang gamot sa trangkaso?

Lagnat, pananakit ng katawan, sipon, sore throat, ubo, at labis na panghihina ang mga pangunahing sintomas ng trangkaso.

Animo’y wala namang dapat ikabahala at natural lang na magkaron nito, pero ang masamang pakiramdam na ito ay nakakaantala din sa araw-araw na gawain. Sakit pa rin ang iniinda, at kung anak natin ang dinapuan, labis ang pag-aalala.

Setyembre 2018 nang naglabas ang Department of Health (DOH) ng public advisory tungkol sa panganib na dala ng influenza at mga seryosong komplikasyon dala nito.

Paliwanag ni DOH Undersecretary Eric Domingo sa isang panayam sa telebisyon, ang influenza ay laganap kapag malamig ang panahon, kaya’t dapat na malaman ng lahat ang mga paraan para labanan ang sakit na ito.

May tatlong strain ng influenza virus na umiikot ngayon sa bansa: ang Influenza A(H3N2), Influenza B at Influenza A(H1N1). Influenza A at Influenza B ang madalas na mabilis kumalat, at madalas na nagdudulot ng mga malubhang sintomas.

Maraming paraan ng pag-gamot para maibsan ang mga sintomas, at mapaikli rin ang panahon ng pagkakasakit.

Mayro'n ding mga komplikasyon at seryosong respiratory disease ang maaaring magsimula sa animo’y karaniwang trangkaso o flu lang, ayon sa DOH. Dapat ding malaman kung ano ang mga dapat gawing hakbang para hindi na ito lumala, o makahawa sa iba.

trangkaso sa pagbubuntis

Sintomas ng trangkaso

Ang flu o trangkaso ay sanhi ng virus, kaya’t ito ay nakakahawa. Mataas na lagnat, na tumatagal ng ilang araw at labis na pananakit ng katawan at kasu-kasuan ang pangunahing sintomas ng trangkaso.

Kasunod na ang ubo, sore throat, sipon, sakit ng ulo, at ang iba ay may pagsusuka at diarrhea, lalo na kapag bata ang pasyente.

Kung malakas ang immune system, madaling nalalabanan ng katawan ang trangkaso.

Ang pagpapabakuna ng isang beses sa isang taon (6 na buwang gulang pataas) ang unang proteksiyon natin sa sakit na ito.

Pag-aalaga sa may sakit: Gamot sa trangkaso

Narito ang mga hakbang sa pag gamot sa trangkaso:

  • Kahit sinong may sakit ay nangangailangan ng sapat na pahinga, tulog, tubig at masustansiyang pagkain. Ang mga ito ang unang hakbang para maibsan ang mga sintomas na nararamdaman ng pasyente, ayon kay Dr. Carlo Palarca, MD, isang internist.
  • Makakatulong ang pag-inom ng sabaw, mga sports drinks na may electrolyte, para hindi ma-dehydrate ang pasyente. Kapag may sapat na pahinga, nakaka-ipon din ng lakas ang katawan para labanan ang virus, paliwanag ni Dr. Palarca.
  • Malaking tulong pa din ang pagdampi ng bimpo na binasa sa malamig na tubig sa noo, mukha, braso, kili kili, binti at paa, lalo kung mataas ang lagnat.
  • Kung may sore throat, magmumog ng maligamgam na tubig na may kaunting asin.
  • May mga gamot sa trangkaso na puwedeng bilhin sa botika na hindi kailangan ng reseta ng doktor (over-the-counter anti-fever medicine), tulad ng Tylenol (acetaminophen), o mga nonsteroidal anti-inflammatory drug (NSAID), tulad ng Advil at mga ibuprofen at naproxen, para maibsan ang anumang pananakit ng katawan.
  • May mga gamot sa trangkaso na para sa ubo at sipon. Nariyan din ang mga decongestants, cough suppressants, a expectorants, para sa mga sintomas ng trangkaso. Pero tandaan na ang mga gamot na ito ay para magamot ang sintomas, at hindi ang sakit o disease. Kung ang pasyente ay may nasal o sinus congestion, decongestant ang dapat na gamot. Kung may sipon, bumabahing, makati at nagluluha ang mata, antihistamine ang kailangan.

“Hindi basta-basta nagrereseta ang mga doktor ng gamot sa pasyente kung walang medical history, laboratory at physical exam,” pagdidiin ni Dr. Jerry Villarante, MD. Kailangan pa rin magpatingin sa doktor para malaman kung ano ang tunay na sanhi ng mga sintomas, o kung paano tuluyang magagamot ang trangkaso.

Ang mga over-the-counter medicine ay para makatulong na maibsan ang mga sintomas. Kailangan ding malaman ng doktor ang mga gamot na iniinom dahil maaaring ang mga ito ay may negatibong epekto kung sabay-sabay na iniinom, tulad ng antihistamine at decongestants.

May mga nirerekumendang antiviral medication para mapigil ang pagkalat ng virus sa buong katawan, tulad ng oseltamivir (Tamiflu) o zanamivir (Relenza). Ang ganitong gamot sa trangkaso ay makakatulong na maibsan ang mga sintomas at mapadali ang paggaling ng trangkaso.

Ito rin ay nakakatulong na mapababa ang panganib ng mga komplikasyon. Madalas ay nirerekumenda ito sa mga pasyenteng “high risk” tulad ng mga bata at mga elderly.

Mas epektibo ang mga antiviral medication kung masimulang gamitin o inumin sa unang dalawang araw ng trangkaso, kaya’t magpatingin kaagad sa doktor kung may suspetsa nang trangkaso ang nararamdaman para mabigyan kaagad ng antiviral medication.

Tandaan lang na may mga antivirus medication na hindi epektibo sa ilang strain ng influenza. Itanong sa doktor kung ano ang tamang pag-inom nito at kung ano ang mga side effects nito.

flu etiquette

Flu etiquette ayon sa DOH

Payo ng DOH, na ibinahagi ni Dir. Ferchito Avelino ang mga dapat gawin sakaling mayroong trangkaso.

  • Nakakahawa ang trangkaso o flu, kaya’t mas mainam na huwag nang papasukin sa eskwela o trabaho kapag may nakita nang sintomas tulad ng malalang ubo at sipon, at lagnat. Kung alam nang may trangkaso, ikaw na ang umiwas na makahawa sa iba.
  • Makabubuti rin ang pagsusuot ng face mask kapag lalabas ng bahay o pupunta sa pampubliko at mataong lugar para makaiwas na mahawa sa virus.
  • Tumigil sa paninigarilyo dahil nakakapagpalala ito ng mga flu symptoms. Iwasan din ang alak kung kagagaling lang sa trangkaso dahil sanhi ito ng dehydration.
  • Ugaliing maghugas ng kamay para maiwasan ang pagkalat ng virus.
  • Ayon din sa American Academy of Pediatrics, may panganib na dala ang aspirin sa mga bata at teenagers. May mga pagsasaliksik na nag-uugnay sa aspirin at sa isang seryosong karamdaman na tinatawag na Reye's syndrome, na nakakaapekto sa mga batang nagkaron ng flu o chicken pox.
  • Hindi rin makakatulong ang antibiotics sa anumang sintomas ng trangkaso dahil virus ang sanhi nito. Ang antibiotic ay para sa bacterial infections lamang, dagdag ni Avelino.

Kapag virus ang sanhi ng isang sakit, tulad ng sa influenza, kusa itong mawawala at gagaling matapos ang ilang araw o linggo, kung walang magiging komplikasyon.

Ang trangkaso ay hindi nakamamatay, kundi ang mga komplikasyon mula dito. Pinababagsak nito ang resistensiya ng isang tao, kaya’t madaling nanghihina ang sistema, at mabilis na nakakapasok ang mga ibang mas malalang sakit tulad pulmonya.

Taong 2009, ng kinatakutan ang A(H1N1) virus dahil bago ito at hindi pa nakakagawa ng bakuna laban dito.

Ayon sa DOH, may mga inaasahang bagong flu vaccine na darating sa kalagitnaan ng 2019.

The best flu treatment is prevention. Napaka-importante na kumuha ng flu shot taun-taon laban sa iba't ibang virus ng trangkaso. Nag-iiba din kasi ang mga virus kaya dapat ang pinaka-latest na bakuna ang kunin.

 

SOURCES: MayoClinic, WebMD, Department of Health - Philippines, Dr. Carlo Palarca, MD, Dr. Jerry Villarante, MD

Basahin: Trangkaso o sipon lang: Alamin ang pagkakaiba ng dalawa

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner