Normal lamang ang pagkakaroon ng stretch marks ng buntis, dahil bahagi talaga ito ng pagiging ina. Kaya’t nakapagtataka at nakalulungkot na mayroong mga taong pinapahiya o binabastos ang mga inang may stretch marks.
Ngunit sabi ng isang ina at influencer sa Instagram, hindi raw dapat ikahiya ang pagkakaroon ng stretch marks ng buntis. Bagkus, dapat pa daw ipagmayabang ito, dahil mapalad sila na sila ay mga ina.
Stretch marks ng buntis, dapat ipagmalaki
Ayon sa ina at social media influencer na si Desiree Fortin, isang blessing daw ang pagkakaroon ng stretch marks. Ito ay dahil mayroong ibang mga babae na gustong-gustong maging ina, pero hindi sila magkaanak.
Kaya’t sa halip daw na ikahiya o punahin ang pagkakaroon ng stretch marks, dapat daw ay ipagmalaki pa ito.
Naalala pa raw ni Desiree ang mga panahon na siya ay umaasang magkaroon ng anak, at sobrang saya pa daw niya nang malaman na buntis siya.
Hindi raw niya inakala na ganoong kalaki ang mangyayaring pagbabago sa kaniyang katawan, pero hindi na raw mahalaga yun.
Importante raw sa kaniya ang pagmamahal sa kaniyang mga anak, at hindi na raw mahalaga kung ano man ang nangyari sa katawan niya.
Heto ang kaniyang Instagram post tungkol dito:
View this post on Instagram
Itigil na ang mom-shaming
Hindi na bago ang tinatawag na mom-shaming, o ang pagpapahiya o pagpuna sa mga ina, lalong-lalo na sa social media.
Kasama na rito ang nangyari sa DJ na si Nicole Hyala at sa aktres na si Isabel Oli kung saan mayroon silang mga bashers sa social media.
Kung tutuusin, hindi mabuting gawain ang punahin ang hitsura ng iba. Wala naman kontrol ang mga tao sa hitsura nila, at para sa mga ina, hindi nila kontrolado kung magkakaroon sila ng stretch marks, o kaya kung madadagdagan ba ang kanilang timbang.
Mas mabuti pang wag na lang magsalita o magkomento, lalong lalo na kung wala namang magandang masasabi sa kapwa. Mahalaga ang respeto sa isa’t-isa, at kahit sa social media, importante pa rin ito.
Mas maganda kung magtulungan na lang tayong lahat upang iangat ang isa’t-isa, sa halip na maghilahan pa tayo pababa.
Source: Health
Basahin: “I am finally learning to be proud of my body and my stretch marks…”
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!