Ayon sa isang infectious disease expert, may naitala na rin umanong kaso ng streptococcal toxic shock syndrome o STSS bacterial infection sa Pilipinas.
Streptococcal Toxic Shock Syndrome na laganap sa Japan, meron na rin sa Pinas!
Sinabi ni Dr. Rontgene Solante, infectious disease expert, nitong Huwebes, na mayroon na rin umanong kaso ng streptococcal toxic shock syndrome o STSS bacterial infection sa bansa. Ang sakit na ito ay laganap ngayon sa bansang Japan.
Ayon kay Solante, ang sanhi ng STSS bacterial infection ay ang pangkaraniwang bacteria na nagdudulot ng sakit na pharyngitis o pamamaga ng pharynx. Subalit, kung ang bacteria na ito ay kumalat sa daluyan ng dugo o bloodstream ay posibleng magdulot ng di pangkaraniwan at malubhang komplikasyon sa kalusugan.
Aniya sa interview ng dzBB, “Ito’y isang impeksyon na naguumpisa sa balat. ‘Yung mga may sugat tapos papasukan ‘to ng mikrobyo, pupunta sa dugo. ‘Pag pumunta na ‘yan sa dugo, systemic na ‘yan, buong katawan mo… Napaka-bangis nitong bacteria, ‘yung Group A Streptococcus Pyogenes.”
Dagdag pa ni Solantes, napakabilis ng pagkalat ng bacteria na ito sa katawan kapag nakapasok na sa bloodstream. Posibleng maapektuhan ang atay, puso at baga ng tao. Nakamamatay umano ang sakit na ito at nasa 30% ang mortality rate nito. Ibig sabihin, kapag ang tao ay naimpeksyon ng toxic shock syndrome, pwede itong mamatay sa loob lamang ng 24 oras.
Samantala, ayon naman sa Department of Health (DOH), hindi pa public health concern ang STSS bacterial infection sa Pilipinas.
“The DOH does not see STSS as a public health concern at this point in time,” saad ni DOH spokesperson Asec. Albert Domingo sa kaniyang viber message sa mga reporter.
Mas dapat daw na pagtuunan ng pansin ng publiko ang mga wild diseases tulad ng water-borne illnesses, influenza-like illnesses, leptospirosis, at dengue.
Pero payo ng eksperto, makabubuti pa rin na maging maingat sa ano mang sakit ang mga tao. Dapat umanong ugaliin ang pagsusuot ng facemask at paghuhugas ng kamay. Lalo na kung nabibilang sa vulnerable population tulad ng mga taong may mahinang immune system. Gaya na lamang ng mga matatanda at mga taong may diabetes at chronic renal failure.
Sintomas ng STSS bacterial infection
Mas prone man sa toxic shock syndrome ang mga mahihina ang resistensya, maaari pa rin na maapektuhan nito ang sino man. Lalaki man o babae, bata o matanda.
- Ayon sa Mayo Clinic, ang ilan sa mga karaniwang sintomas ng STSS bacterial infection ay ang mga sumusunod:
- Pagsusuka
- Pagtatae o diarrhea
- Biglang pagtaas ng lagnat
- Rashes na parang sunburn na karaniwang tumutubo sa palad at talampakan
- Pagkalito
- Pamumula ng mata, bibig at lalamunan
- Pananakit ng ulo at kalamnan
- Mababang blood pressure
- Panghihina
- Pangingitim ng sugat
- Hirap sa paghinga
Agad na kumonsulta sa doktor kung makaranas ng ano man sa mga nabanggit na sintomas ng streptococcal toxic shock syndrome. Lalo na kung kayo ay may sugat sa balat, inoperahan, o gumagamit ng tampons at iba pang devices tulad ng menstrual cups, contraceptive sponges at diaphragms. Dahil ilan ang mga ito sa risk factor ng STSS.