Hindi dapat balewalain ang sugat sa paa lalo na kung may sakit na diabetes. Maaari itong humantong sa serious medical condition kaya importanteng gamutin agad kapag nagkasugat ka rito.
Talaan ng Nilalaman
Sintomas at sanhi ng sugat sa paa
May iba’t ibang sanhi ang sugat sa paa o foot wound sa English. Ano man ang sanhi ng pagkakaroon ng sugat sa iyong foot, mahalagang huwag itong balewalain at agad itong gamutin.
Ang sugat sa paa na napabayaan at hindi gumaling nang maayos ay maaaring lumala at humantong sa pagkakaroon ng foot ulcer. Mas mataas ang tiyansa ng impeksyon kung magiging foot ulcer ang napabayaang sugat sa paa.
Ang foot wound o sugat sa paa ay damage sa balat at layers ng tissue, na kadalasang dulot ng injury. Kapag ang sugat sa paa ay lumala at lumalim nang lumalim ang damage sa balat at tissue, magiging foot ulcer ito.
Ang foot ulcer ay bukas na sugat na matagal gumaling, kadalasang nasa tip ng hinlalaki sa paa, o sa talampakan. Karaniwang nakararanas ng foot ulcer ang mga taong may diabetes dahil sa paghina ng pakiramdam ng balat at ng pagdaloy ng dugo sa mga bahagi ng katawan.
Ang sugat sa paa ay ang anomang break o damage sa balat. Kabilang na rito ang:
- Pagkahiwa
- Gasgas
- Cracked sa balat
- Pagkatuklap ng balat dulot ng kalyo
- In grown sa kuko na bumabaon sa nakapaligid na balat.
Ang mga sintomas naman ng sugat sa paa ay ang tenderness sa balat, pagdurugo, pamamaga, pagsakit at pamumula.
Bukod sa mga ito, kapag naging foot ulcer na ang sugat sa paa, mayroon na itong mas specific na sintomas tulad ng mga sumusunod:
- Tila mapulang butas sa ilalim o gilid ng paa, o kaya naman ay sa tip ng daliri sa paa.
- Kadalasang bilog ang shape nito dahil sa unti-unting pagkabutas ng balat at tissue.
- Napalilibutan ng makapal at matigas na kalyo.
- Malalim ang sugat
- May pakiramdam ng pangangati at pananakit.
Ang sugat sa paa ay maaaring dulot ng anoman sa mga sumusunod:
- paglalakad o pag-apak sa magagaspang na surface nang walang sapin sa paa.
- pagkasabit o pagkaskas ng balat sa matutulis at matatalas na bagay
Samantala, ang chronic wounds o sugat sa paa na matagal bago gumaling, ay kadalasang dulot ng cardiovascular conditions at iba pang major conditions tulad ng diabetes.
Sa kabilang banda, ang foot ulcer naman o ang malalim na sugat sa paa ay puwedeng sanhi ng iba’t ibang kondisyon tulad ng:
- Diabetes
- Hindi maayos na daloy ng dugo at iba pang circulatory problems
- Genetics o namamana sa magulang
- Cellulitis o Impeksyon dulot ng bacteria
- Trauma sa paa o sa daliri sa paa
- Inflammatory disease
- Peripheral neuropathy o pagkasira ng nerves sa paa
- Abnormalities sa buto at muscles
- Obesity
- Unusual na paglalakad na naglalagay ng matinding pressure sa isang bahagi ng iyong paa o daliri.
- Foot condition tulad ng bunion o hammertoe
- Sakit sa kidney
- Lifestyle behaviors tulad ng paninigarilyo o pag-inom ng alak.
Dalawang uri ng foot ulcer
May iba’t ibang kulay ang sugat sa paa kapag ito ay naging foot ulcer na. Maaaring ito ay yellow, pink, red, grey, o black. Kapag ang foot ulcer ay naging kulay itim, ibig sabihin ang tissues ng balat ay namatay na.
Ito ay tinatawag na gangrene. Ang gangrene ay serious medical condition. Mayroong dalawang klase ng gangrene, ang wet at dry gangrene.
Dulot ito ng bacterial infections o pre-existing health-issues. Mataas ang risk ng mga diabetic na magkaroon ng parehong type ng gangrene.
Dahil sa kakulangan sa maayos na pagdaloy ng dugo, maaaring magkaroon ng dry gangrene ang taong may diabetes sa pamamagitan ng pagkasira ng blood vessels.
Puwede ring makaranas ng wet gangrene ang mga may diabetes dahil sa impeksyon sa pagkasira ng blood vessels o pagkabara sa blood flow dahil sa pamamaga. Ito ay dahil sa mahinang immune system ng taong may diabetes.
Sa kabilang banda, mayroon ding dalawang uri ng foot ulcers. Ito ay ang neurotrophic ulcers o diabetes-related at ang arterial o ischemic ulcers.
-
Neurotrophic ulcer
Karaniwan sa mga taong may diabetes pero maaari ring makaapekto sa mga taong may impaired sensation sa paa. Maaaring magkaroon ng ganitong sugat sa anomang bahagi ng paa.
Ngunit madalas na nagkakaroon nito sa mga bahagi ng paa at daliri na sensitibo sa timbang o ‘yong tinatawag na pressure points. Hindi nagdudulot ng sakit ang neurotrophic ulcers. Subalit, maaari itong maging seryosong kondisyon kung hindi agad gagamutin o hindi agad gumaling.
-
Arterial ulcer
Dahil sa kondisyong tinatawag na peripheral arterial disease na sanhi ng hindi maayos na pagdaloy ng dugo sa katawan, maaaring magkaroon ng arterial ulcer ang isang tao.
Ito ang unti-unting pagkamatay ng foot tissue. Sinuman ay maaaring magkaroon ng arterial ulcer pero mas mataas ang risk ng pagkakaroon nito sa mga taong may diabetes, naninigarilyo, may high blood pressure, o high cholesterol. Maaaring magkaroon ng ganitong klase ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng paa tulad ng:
-
- sakong
- tips ng mga daliri sa paa
- sa pagitan ng mga daliri sa paa
- maaari sa mabutong bahagi ng paa at daliri na madalas kumiskis sa surface, medyas, at sapatos.
- sa nail bed kapag bumaon ang kuko sa balat, o masyadong sagad ang pagkakaputol ng kuko o pagtatanggal ng ingrown.
Kadalasang hindi nagdurugo ang arterial ulcer. Kung mayroon kang impeksyon o nakararanas ng iritasyon, maaaring mapansin ang pamamaga o pamumula sa paligid ng sugat sa paa.
Ang pamumula ay maaaring maging maputla o maging kulay dilaw kapag itinaas o in-elevate ang paa. Karaniwang labis na masakit ang arterial ulcer lalo na tuwing gabi.
BASAHIN:
Dapat bang mag-alala kapag mayroong sugat na may nana ang iyong anak?
5 home remedies para sa sugat sa nipple habang nagbe-breastfeeding
Babae nagkaroon ng malalang sakit dahil sa sugat na natamo sa pagpapa-pedicure
Gamot sa sugat sa paa
Kung sakaling magkaroon ng sugat sa paa, anoman ang sanhi mahalagang gawin muna ang mga sumusunod:
- Hugasan ang sugat sa paa gamit ang maligamgam na tubig at mild soap.
- Panatilihing malinis at tuyo ang sugat.
- Balutin ang sugat gamit ang sterile wound dressing o bandage para maiwasan ang impeksyon.
- Linisin at sugat at palitan ng dressing o bandage araw-araw.
- Siguraduhing hindi masasanggi ang sugat at limitahan ang paglalakad.
- Kumonsulta sa iyong doktor kung mayroong object sa iyong sugat sa paa tulad ng bubog o metal.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor
Kung naimpeksyon na ang sugat at naging foot ulcer na ito, agad na kumonsulta sa inyong doktor. Mayroong dalawang uri ng mabisang paggamot sa foot ulcer.
Para sa early-stage ng foot ulcer, maaaring sumailalim sa nonsurgical treatments. Samantala, kapag ang ulcer ay lumala na ang impeksyon, puwedeng i-advice ng iyong doktor na sumailalim ka sa surgery.
Nonsurgical treatments:
- Topical wound care – mas madali ang paggaling at makaiiwas sa impeksyon kung nakabalot ang sugat.
- Pag-inom ng antibiotics
- Pag-inom ng antiplatelet o anticlotting medications
- Pagsuot ng compression clothes
- Pagtanggal ng pressure sa area ng sugat sa pamamagitan ng pagsusuot ng cast, o ng certain shoe o braces.
- Puwede ring gumamit ng crutches o wheelchair, tinatawag itong nonsurgical off-loading.
- Pagtaas o elevate ng paa.
Invasive at surgical treatments:
- Debridement o pagtatanggal ng infected tissues
- Hammertoe repair
- Plantar exostectomy o pagtatanggal ng bahagi ng talampakan.
- Achilles tendon lengthening o ang pag-stretch sa tendon.
- Metatarsal osteotomies o ang pag-cut at pag-align sa metatarsal bone sa hinalalaki sa paa.
- Pag-shave o pagtanggal sa buto.
- Tenotomy o pagtanggal ng scar tissue
- Reconstructive surgery gamit ang skin grafts.
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng sugat sa paa
Mayroong iba’t ibang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng sugat sa paa. Makatutulong din ang mga ito para hindi na bumalik o maulit ang sugat sa paa na gumaling na.
- Kung ikaw ay may diabetes, siguraduhing magsuot ng angkop na saplot o sapin sa paa. Huwag na huwag maglalakad nang nakayapak.
- I-examine araw-araw ang iyong binti maging ang taas at baba ng iyong mga paa, at ang mga daliri sa paa. Tingnan kung mayroong anumang sugat, gasgas, bitak o anomang masakit. Puwede ring tingnan kung may pamumula, kalyo, o bumabaon na in grown sa daliri.
- Gumamit ng salamin para matingnan nang maayos ang iyong binti at paa kung kinakailangan. O kaya naman ay makiusap sa kapamilya na tingnan ang bahagi na mahirap abutin ng iyong paningin. Magpakonsulta agad sa doktor kung may mapansin na anomang problema.
- Tigilan ang paninigarilyo o kausapin ang iyong healthcare provider at humingi ng advice kung paano maihihinto ang paninigarilyo.
- I-manage ang iyong blood pressure.
- Kontrolin ang cholesterol at triglyceride levels sa pamamagitan ng pagpapalit ng diet. Limitahan ang asin sa iyong pagkain.
- Alagaan ang iyong kuko sa paa. Putulin ang iyong kuko sa paa matapos maligo kung kailan malambot ito para maiwasan ang aksidenteng pagkakaroon ng sugat.
- Mag-ehersisyo
- Panatilihin ang pagkakaroon ng malusog na timbang.
- Magsuot ng angkop na sapatos at medyas. Kumonsulta sa iyong podiatrist kung ano ang iyong kailangan.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.