Suicide Challenge ng isang online game ang itinuturong dahilan diumano ng pagkamatay ng 11-anyos na batang si Clyde Santos, ayon sa magulang nito.
Si Clyde ay binawian ng buhay noong Huwebes, February 22 matapos uminom at tuluyang malason ng 20 pirasong tableta ng gout medicine.
Ayon sa kuwento ng mga magulang ni Clyde, dalawang araw bago ito bawian ng buhay ay nakita ito ng isa niyang kaklase na namimilipit sa sakit ng tiyan sa CR ng kanilang eskwelahan. Dahil nga dito ay agad na tinawag nito ang kanilang guro at isinugod agad si Clyde sa ospital.
Dahil sa walang available na toxicologist na dapat tumingin kay Clyde ay nagpalipat-lipat sila ng ospital hanggang ito ay i-admit sa East Avenue Medical Center.
Sa kuwento ng ama ng biktima na si Rene Florendo, namimilipit sa sakit ng tiyan, nahihilo at nagsusuka na ang kanilang anak ng dalhin ito sa East Avenue Medical Center. Ngunit matapos lang itong kuhanan ng dugo ay wala ng nag-asikaso at specialistang tumingin sa bata.
Makalipas ang isang araw na wala paring specialistang nagbibigay pansin sa sitwasyon ng anak ay nagdesisyon ang mga magulang ni Clyde na ilipat na ito ng ospital.
Dinala nila ito sa UST Hospital, ngunit ayon sa doktor ng ospital ay wala na silang magagawa dahil tuluyan nang kumalat sa buong katawan ni Clyde ang lason ng gamot na ininom niya.
Ayon sa doktor na tumingin kay Clyde sa UST Hospital, sana daw ay nadala nang mas maaga ang bata sa kanila. Lalo pa’t ang 24 to 36 hours ang itinuturing na magic hours sa mga taong uminom ng nakakalasong gamot. Sa pagitan daw ng mga oras na ito ay maaring nasagip pa ang buhay ng kanilang anak.
Ngunit dahil nga sa pag-aakalang maililigtas ng mga naunang ospital na napuntahan ang buhay ng anak ay lumipas na ang magic hours na sinasabi ng doktor kaya wala ng nagawa ito para iligtas ang buhay ni Clyde.
Nitong nakaraang huwebes nga, February 22 ay tuluyan ng binawian ng buhay si Clyde dahil sa pagkakalason sa mga gamot na kaniyang ininom.
Suicide challenge ang naging dahilan diumano ng pagkamatay ng anak
Samantala, wala namang maisip ang mga magulang ni Clyde na dahilan para gawin ng kanilang anak ang pagsuisuicide.
Mabait na bata daw ito at hindi naman napapagalitan. Wala rin naman daw itong senyales ng depresyon.
Ang tanging naiisip lang nilang maaring naging dahilan ay ang kuwento ng kanilang anak noong Valentine’s day tungkol sa kaklase nitong naglaslas ng kamay sa loob ng kanilang classroom.
Nang tingnan nga ng ina ni Clyde na si Paula Mariz Bautista ang Facebook ng kaniyang anak ay nakita nito ang paguusap ni Clyde at ng isa niyang kaklase sa chat. Nakita nga nga ni Paula na nagpapasahan ang mga ito ng mga video ng mga suicidal games sa kanilang pag-uusap.
Mula roon ay naisip ni Paula na maaring isa ang anak sa mga naapektuhan ng mga suicide challenge na kumakalat online gaya ng Blue Whale Challenge at Momo Challenge.
Ang mga online games na ito diumano ay nagbibigay ng task sa mga players na kailangang tapusin sa loob ng 50 days.
Ilan nga sa mga task na dapat gawin ay ang panonood ng horror movies at hindi pakikipag-usap sa kahit kanino. Ang huling task nga dapat gawin ng player ng game na ito ay ang suicide challenge o ang pagpapatay sa kanilang sarili.
Ayon sa ina ni Clyde na si Paula, ay napansin nito na bago mangyari ang trahedya sa anak ay napapadalas ang pagpupuyat at panonood raw nito ng horror movies. At ang talagang ikinagulat at ikinatakot nila ay ang mga huling salitang nasabi nito bago ito tuluyang bawian ng buhay.
Ang sabi daw ni Clyde ay “I will follow my master and I will kill them all.”
Kaya naman dahil dito ay mas lalong nakumbinsi si Paula na ang suicide challenge na iyon ang puno’t dulo ng kinahantungan ng kaniyang anak.
Momo Suicide Challenge
Maliban kay Clyde ay may ilang bata narin mula sa ibang bansa ang binawi ang sarili nilang buhay dahil din sa online game na kung tawagin ay Momo Challenge.
Nauna ng naibalita noong 2016 ang online game na ito na tinatarget ang mga bata na mahilig mag-gadget at gumamit ng social media.
Nito nga lang nakaraang taon ilang bata mula sa Argentina, Mexico at Colombia ang naitalang nag-suicide dahil sa online game na ito.
Ayon sa pahayagang The Sun, ang Momo Challenge ay isang suicide challenge game sa social media na kung saan tinatakot nito ang mga players ng laro na sumunod sa mga tasks o orders.
Bago pa man kumalat sa Facebook ay nauna ng nambiktima ng mga bata at teenagers ang Momo challenge na ito sa WhatsApp na kung saan natunton na ang numbers na gamit dito ay nakaregister sa Colombia at Mexico.
Ayon sa mga pulis na humawak sa imbestigasyon ng kaso ng mga batang namatay dahil sa suicide challenge ay tinatakot daw ng Momo app ang player na hindi susunod sa tasks na may mangyayaring masama rito o sa mahal nito sa buhay.
May mga news reports rin ang nagsabing may ilang parte ng suicide challenge na ito ang makikita sa loob ng mga Peppa Pig at Fortnite videos sa Youtube na tinatarget ang mga maliliit na batang nanonood ng inaakalang kid-friendly videos.
Pinatunayan nga ito ng isang pediatrician na si Dr. Free Hess mula sa Florida ng magsimula itong magsulat ng isang blog para ipa-alter o tuluyang tanggalin ang mga videos na ito sa Youtube.
Ayon parin kay Dr. Hess, maliban sa Peppa Pig at Fortnite videos ay makikita rin ang ilang parte ng suicide challenge sa sikat na Nintendo game na Splatoon sa Youtube at video app para sa mga bata na Youtube kids.
Sa loob daw ng mga videos na ito ay may isang lalaki ang lalabas sa screen na magbibigay ng instruction sa batang nanonood kung paano kitilin ang sarili nitong buhay.
Sadyang nakakabahala daw ito lalo na sa mga busy parents na nag-aakalang ligtas na nanonood lang ng children videos ang anak sa Youtube.
Para naman sa ina ni Clyde na si Paula ay dapat daw bantayang maigi ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga ginagawa ng mga ito lalo na sa social media. Kailangan daw hangga’t maari ay iwasan o patigilin muna sila sa paggamit ng mga cellphone o iba pang gadgets.
Kailangan din daw ay i-explain sa kanila ang mga risk na maaring idulot ng social media at online games para maiwasang mangyari sa ibang bata ang nakakalungkot na kinakantungan ng kaniyang anak.
Sources: News, News.com.au, Tutok
Photo: Pexels
Basahin: Momo Suicide challenge led to deaths of two children