Isang Vietnamese na babae ang nagtamo ng second-degree burns matapos sumabog ang hawak niyang mga balloon nang madikit ito sa kandila ng kanyang birthday cake. Ang dapat sanang masayang selebrasyon ay nauwi sa isang nakakatakot na insidente na naging viral sa social media.
Ayon sa paunang ulat ng PhilStar Life, naganap ang insidente habang ipinagdiriwang ni Giang Pham ang kanyang kaarawan. Sa isang Facebook post noong Pebrero 20, ibinahagi niya ang 8-segundong video kung saan makikita ang pagsabog ng mga lobo habang hawak niya ang kanyang cake. Sa video, makikitang masayang kumakanta ang kanyang mga bisita nang biglang sumabog ang mga lobo matapos madikit sa apoy ng kandila, dahilan upang matakpan ng apoy ang kanyang mukha at itaas na bahagi ng katawan.
Sumabog na balloon, paano ito nangyari?
Ayon kay Pham, hindi niya alam na delikado ang hydrogen-filled balloons. Ang hydrogen ay isang highly flammable gas na maaaring sumabog kapag nalapit sa init o apoy. Sa nangyaring insidente, ang mga lobo na kanyang hawak ay nadikit sa kandila, na naging sanhi ng mabilis na pagsabog. Sa lakas ng pagsabog, nagkaroon siya ng first- at second-degree burns sa kaniyang mukha at katawan.
Dahil sa kanyang mga sugat, kinailangan niyang sumailalim sa gamutan, ngunit sa kabutihang-palad, ayon sa kanyang doktor, hindi mag-iiwan ng permanenteng peklat ang kanyang mga paso. Gayunpaman, aabutin ng ilang buwan bago bumalik sa normal ang kulay ng kanyang balat.
Ang panganib ng mga flammable balloons
Karaniwang ginagamit ang mga lobo bilang dekorasyon sa mga celebration kagaya ng mga birthday, kasal, binyag, at iba pa, subalit hindi lahat ng lobo ay ligtas. Ang ilang lobo ay may hydrogen, na mas mura ngunit lubhang delikado. Sa halip, mas mainam gumamit ng helium balloons, na hindi nasusunog at mas ligtas sa mga celebration.
5 tips para sa ligtas na celebration
Para maiwasan ang ganitong trahedya, narito ang ilang safety tips para sa mas ligtas na selebrasyon:
- Gumamit ng helium balloons – Iwasan ang hydrogen dahil ito ay madaling magliyab.
- Huwag ilapit ang mga lobo sa apoy – Panatilihing malayo ang mga lobo sa kandila, fireworks, at iba pang pinagmumulan ng init.
- Siguraduhin ang kalidad ng mga lobo – Bumili lamang sa mga mapagkakatiwalaang tindahan at alamin kung anong gas ang ginamit.
- Panatilihing may distansya ang mukha sa kandila – Huwag hayaang lumapit nang sabay ang mukha, lobo, at apoy.
- Maghanda ng first-aid kit – Mahalaga ang agarang lunas kung may hindi inaasahang aksidente.
Ang insidenteng ito ay isang paalala na dapat tayong maging maingat sa bawat detalye ng ating mga selebrasyon. Sa wastong pag-iingat, masisigurong ligtas at masaya ang bawat pagdiriwang.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!