Sumabog na charger ang dahilan ng mga sugat at paso sa katawan ng isang sampung taong gulang na bata sa Barangay Dayawan, Villanueva, Misamis Oriental.
Bata nalapnos ang balat dahil sa sumabog na charger
Ang batang hindi pinangalan ay nagtamo ng lapnos sa iba’t-bang parte ng kaniyang katawan dahil sa hindi inaasahang insidente.
Ayon sa kuwento ng kapatid ng batang biktima na si Rolly March Ruiz, sumabog ang nakasaksak na charger ng tablet ng kaniyang kapatid noong February 28. Pagkatapos ng pagsabog, sumiklab ang isang apoy sa kuwartong tinutulugan nito.
Mabuti na nga lang daw at agad naapula ang apoy sa tulong ng kanilang kapitbahay at hindi nagtamo ng matinding paso ang kapatid.
Talaga nga namang hindi nila inaasahan ang pangyayari lalo pa’t bagong bili lang daw ang charger ng tablet na sumabog, ayon kay Ruiz.
Dahil agad namang naapula ang apoy ay hindi na ito nai-report sa mga bumbero upang maimbestigahan.
Ngunit ayon sa barangay captain ng lugar ng pinangyarihang insidente na si Kapitan Robert Cabrera ay isasama niya na susunod nilang barangay assembly ang usapin upang ito ay maiwasan na ulit na mangyari.
Samantala, ang sampung taong gulang na batang biktima naman ay dinala sa ospital at nagpapagaling.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na bantayan ang mga electric gadgets na naka-charge.
At hangga’t maari ay huwag bibili o gagamit ng mga peke dahil madali itong mag-overheat at pagmulan ng sunog gaya ng nangyaring insidente.
Tamang paraan at tips ng pag-cha-charge ng mga electronic gadgets
Para naman makaiwas sa mga aksidente at mapatagal ang battery life ng inyong mga electronic gadgets narito ang ilang tips at reminders na maari ninyong gawin.
- Para mas magtagal ang buhay ng inyong battery ay iwasang malowbat ito ng mas mababa sa 20% at hindi dapat ito i-fully charged. Ang 80% battery charged ay ang inirerekomendang maximum charge ng battery para mas tumagal ang buhay nito.
- Kung sakali namang fully-charged ito ng 100% ay huwag iiwanan itong nakasaksak.
- Huwag ilalagay ang mga electronic gadgets sa maiinit at malalamig na lugar dahil ang mga temperature na ito ay maaring makapagpaikli ng buhay ng iyong battery.
- Iwasan ding ma-overheat ang inyong charger at battery.
- Gamitin ang official charger na kasama ng iyong electronic gadget ng ito ay iyong binili.
- Kung sakali namang masira ito ay siguraduhing mag-invest at bumili ng tulad nitong quality para masiguradong safe itong gamitin.
- Iwasang bumili ng mga mumurahing chargers mula sa mga hindi kilalang manufacturers. Ito ay dahil wala itong safety mechanism bilang proteksyon sa fluctuation at over charging.
- Tanggalin ang protective case o cover ng iyong gadget kapag nagchacharge upang hindi ito masyadong uminit. Kung maari ay baligkatarin ang gadget sa isang malinis na tela para maiwasan rin ang sobrang pag-init ng battery habang chinacharge.
- Huwag gumamit ng fast charger ng madalas dahil ito ay nangangahulugan ng mas mataas na voltahe ng kuryente na pumapasok sa inyong battery.
- Kung sakaling maramdaman na umiinit ang iyong gadget ay agad na patayin ito. Sindihan nalang ulit kapag humupa na ang init o kapag bumalik na ito sa room temperature.
- Huwag i-chacharge ang inyong gadget overnight.
- Kapag nagchacharge ay huwag gagamitin ang gadget. Dahil ito ay mas lalong nagpapainit sa battery at nagpapaikli ng buhay nito.
10 rules para sa electric safety ng iyong anak
Narito naman ang 10 rules para sa electric safety ng iyong anak:
1. Iwasan ang pag-plug ng maraming gadgets o appliances sa isang outlet o extension cord para maiwasan ang overheating.
2. Lagyan ng safety caps ang mga hindi ginagamit na electrical outlets upang hindi ito mapaglaruan ng mga bata.
3. Siguraduhing malinis at maayos na nakatago ang mga electrical cords dahil maari itong ngatngatin ng alagang aso o iba pang hayop. O hindi kaya naman ay maging dahilan ng pagkapatid ng sinuman sa inyong pamilya.
4. Ipaalala sa iyong anak na humingi ng tulong ng mas nakakatanda sa inyong pamilya sa tuwing magsasaksak ng kahit anong gadget o appliances.
5. Sabihan ang anak na huwag aakyat sa mga punong may linya ng kuryente.
6. Paalalahanan ang anak pati iba pang tao sa inyong bahay na huwag hahatakin ang electric cord upang hindi ito masira na maaring simulan ng aksidente.
7. Paalalahan ang mga bata at iiwas na maglaro sa mga lugar na may utility equipment.
8. Ilayo ang mga electrical cords sa tubig.
9. Pagsabihan ang mga bata na huwag magpapalipad ng saranggola o maglalaro malapit sa mga kawad ng kuryente.
10. Sabihan din sila na huwag aakyat sa mga bakod ng mga electric station o electric post.
Ilan lamang iyan sa mga paalala na dapat ninyong sabihin sa inyong mga anak para makaiwas sila sa aksidente dulot ng kuryente.
Sources: Popsci, Gadgets Now, ABS-CBN News, Scuolacascia
Basahin: 6-year-old dies by electrocution through mobile phone charger