Isang private school sa Bicol ang kasalukuyang iniimbestigahan. Ito ay matapos kumalat ang isang larawan kung saan makikita ang sunog na bag ng mga mag-aaral. Bukod dito, may kumalat rin ang video ng mismong naganap na pagsunog ng bag.
Ang naturang insidente ay kinagalit ng napakaraming netizen, at kasalukuyang iniimbestigahan ng DepEd.
Sunog na bag, kasalanan nga ba ng mga mag-aaral?
Ang insidente ay diumano’y naganap sa Bicol Central Academy, sa Libmanan, Camarines Sur.
Ayon sa mga kumalat na balita online, ang mga mag-aaral daw ay lumabag sa “no bag” policy ng paaralan. Ito daw ay para sa tinatawag na “Tasumaki Day” kung saan dapat naka-pormal ang mga estudyante at maliliit lang na bag ang pwedeng dalhin.
Ngunit mayroon pa rin daw mga mag-aaral na nagdala ng malalaking bag, na ikinagalit umano ng administrator ng paaralan.
Dahil dito, kinuha raw ang mga bag ng mga mag-aaral, kasama na ang mga laman nito, at sabay-sabay itong sinunog habang sila ay sinisigawan ng administrator. Ito raw ay parusa sa kanilang paglabag sa patakaran ng paaralan.
Maririnig rin sa video na tinawag silang “stupid” dahil raw naiwan ng iba ang kanilang cellphone sa loob ng bag.
Matapos ang pangyayari, ikinalat ni Earl Vincent Cañaveral, na isang alumnus ng paaralan, ang video at mga larawan sa Twitter. Aniya, kaya raw nagdala ng malaking bag ang ilang mag-aaral ay upang makapagpalit ng damit. Ngunit ito raw ay ikinagalit ng administrator.
Heto ang kumalat na video ng insidente:
Ikinalungkot ng DepEd ang insidente
Dahil sa nangyari, nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang DepEd. Ayon kay education secretary Leonor Briones, papunta raw ang regional director ng Region 5 na si Gilbert Sadsad upang alamin ang tunay na nangyari.
Dagdag rin niya na mayroong polisiya ang DepEd na bawal ang psychological at physical na parusa sa mga mag-aaral dahil ito ay nagdudulot ng trauma.
May posibilidad raw na ipasara ang paaralan o di kaya’y tanggaling ang financial assistance na ibinibigay ng gobyerno sa paaralan.
Sana’y hindi na maulit ang pangyayari at managot kung sino man ang responsable para sa hindi makatarungang parusa na ibinigay ng paaralan sa mga estudyante.
Source: Manila Bulletin
Basahin: Ano nga ba ang epekto ng pagsigaw sa bata?