Malapit ka na bang mag-push? Alamin rito ang tamang paraan ng pag ire.
Isa sa mga bagay na kinatatakutan ng mga buntis at bagong ina ay ang labor at delivery. Base kasi sa mga kwento, at maging sa mga napapanood nila sa TV at pelikula, tila napakasakit at napakahirap ng parteng ito ng pagbubuntis at pagiging ina.
Naalala ko ang panahong hindi pa ako nanganganak sa panganay ko. Takot na takot ako sa parteng iyon ng pagbubuntis. Hindi ko kayang manood ng kahit anong video na may kinalaman rito. Hindi ko lubos maisip na kakayanin ko ang ganoong klaseng sakit at proseso.
Sa baby shower naman, iba-iba ang payo ng mga nanay. May mga nagsasabi na dapat raw mabagal ang paghinga, “Inhale ng mabilis, exhale ng matagal.” Mayroon namang nagsabi na parang “dumudumi lang ng napakatigas” ang pag ire.
Hindi na kaila sa mga ina na mahirap ang panganganak. Pero alam niyo ba na mayroon palang tamang paraan ng pag ire sa panganganak? Ayon sa isang pag-aaral, may epekto raw sa sanggol kung kailan simulan ng ina ang kaniyang pag-ire. Kaya’t importante ang timing pagdating dito.
Pero paano nga ba ang tamang pag ire sa panganganak? At anu-ano ang magiging epekto kapag mali ang ginawang pag-ire ng isang ina? Ating alamin.
Ano nga ba ang tamang paraan ng pag-ire sa panganganak?
Base sa isang isinagawang pag-aaral na inilathala sa Journal of the American Medical Association, o JAMA, may 2 paraan umano nang tamang pag-ire para sa mga ina. Parehas din nirerekomenda na magsimulang umire ang mga ina kapag dilated na ang kanilang cervix.
Ang unang paraan ay magsimula nang umire ang ina kapag dilated na ang kaniyang cervix, kasabay ng pag-contract ng uterus. Ang pangalawang paraan naman ay ang pagpigil sa pag-ire, at hahayaang bumaba ng kusa ang sanggol.
Ngunit alin nga ba sa dalawang paraan na ito ang mas epektibo?
Ano ang pinagkaiba ng dalawang paraan?
Ayon kay Dr. Alison G. Cahill, na nagsagawa ng randomized clinical trial tungkol sa mga paraan ng panganganak, wala naman daw halos pinagkaiba ang dalawang paraan ng pag-ire.
Ngunit may mga pagkakataon umano na sa mga inang hindi agad umire, mas mataas ang posibilidad ng hemorrhage at infection.
Dagdag din nila na hindi naman umano nagiging sanhi ng cesarean o C-section delivery kapag hindi agad umire ang isang ina. Ngunit pinapahaba raw nito ang pangalawang stage ng labor na walang mabuting epekto para sa ina o sa sanggol.
Kaya’t ang rekomendasyon ni Dr. Cahill, antayin munang maging fully dilated and cervix, at dito magsimulang umire. Mapapadali raw nito ang panganganak pero hindi ito makakadagdag sa mga posibleng komplikasyon sa panganganak.
Gaano katagal ang pag ire?
Ayon sa Mayo Clinic, maaaring umabot mulang ilang minuto hanggang ilang oras ang pag ire ng isang buntis. Ito
Mayroong 5 na bagay na maaaring makaimpluwensya sa kung gaano katagal o kahaba ang labor ng isang buntis.
Ang unang bagay ay kung ito ba ang iyong unang beses na sumailalim sa vaginal delivery (hindi bale kung nagka-cesarean delivery o na-CS ka na dati). Ano ang kinalaman nito sa pag-ire? Ito ay dahil ang iyong pelvic muscles ay masikip pa kapag hindi pa sila nababanat sa pamamagitan ng panganganak.
Kaya naman napapansin ng ibang babae na mas mabilis na ang kanilang pag-ire o panganganak sa kanilang pangalawa o kasunod na pagbubuntis dahil nabanat na ang pelvic muscles nila dati.
-
Laki ng balakang ng babae
Pinaniniwalaang mayroon ding kinalaman ang laki at hugis ng balakang ng buntis. Magkakaiba rin kasi ang hugis ng balakang ng isang babae. Kapag malapad at pabilog ito, sinasabing mas madaling makalabas ang baby kaya mas mabilis ang pag ire.
Samantala, mayroon namang mga pelvis na sinasabing masyadong makitid kaya nahihirapang makababa ang sanggol. Kapag maliit o makitid ang iyong balakang, ipinapayo ng mga doktor na magkaroon ng mas mahabang labor para mabanat ang pelvis habang bumababa sa pwerta si baby.
Ang kasunod na bagay na may kinalaman sa haba ng labor ay ang laki ng bata. Dapat tandaan na ang bungo ng sanggol ay malambot pa at wala pang permanenteng hugis.
Kaya naman kaya pang mabanat ito o mapakitid para makalabas ang bata sa pwerta ng kaniyang ina. Sa mga ganoong kaso, nagiging patulis ang ulo ng sanggol, pero huwag mag-alala dahil bibilog naman agad ito sa loob ng ilang araw.
Subalit kadalasan ay hindi agad nalalaman kung masyadong malaki ba ang ulo ni baby kaysa sa pelvis ng kaniyang ina, kaya naman sinusubukan muna ang vaginal delivery, subalit kung hindi kakayanin, nagdedesisyon ang mga doktor na magkaroon ng emergency CS.
Gayundin, kapag na-CS na ang ina dati, maaring magkaroon ng pagka-rupture ng uterus na lubhang delikado para sa mag-ina. Kaya naman mahalagang malaman ng iyong OB-Gynecologist and iyong medical history lalo na ang iyong mga dating pagbubuntis para malaman kung ano ang paraan ng delivery ang gagawin.
-
Posisyon ng baby sa tiyan
Maaari ring makaapekto ang posisyon ng ulo ni baby sa loob ng tiyan ng kaniyang ina. Para sa vaginal delivery, mas makakabuti kung naka-anterior position (una ang ulo, nakaharap sa puwet) na ang sanggol para mas madali ang kaniyang paglabas sa loob ng tiyan.
Kung naka-posterior position (una ang ulo subalit nakaharap sa pubic bone ng ina) ang sanggol, maaaring mas matagal makababa si baby at makaranas ng pananakit ng likod ang ina. Posible pa namang umikot si baby habang nagle-labor, subalit mas napapatagal nito ang pag ire at ang paglabas ng sanggol.
Basahin ang iba’t ibang posisyon ni baby sa tiyan sa article na ito.
Ang panghuling bagay na maaring maka-apekto sa tagal ng iyong pag-ire ay kung gaano kalakas ang iyong contractions na nararamdaman at kung gaano ka rin kagaling umire.
Nakakatulong kasi ang contractions na mag-dilate ang cervix. Kaya’t ipinapayo na magsimulang umire kapag fully dilated na ang cervix.
Kaya naman sa bawat sakit ng contractions na iyong nararamdaman, ibig-sabihin nito ay palapit na rin ng palapit ang paglabas ni baby. Kapit lang, Mommy!
Paano malalaman kapag oras nang umire
Bukod sa tamang paraan paraan ng pag ire, mahalaga rin ang timing o tamang oras ng pag ire. Kaya naman kung hindi ka pa fully dilated, pinapayo ng mga nurse at doktor na huwag munang mag-push.
Pero paano mo nga ba malalaman kung oras na para umire ang isang buntis?
Ang tanging paraan upang malaman kung gaano na kabuka ang iyong cervix ay sa pamamagitan ng pagsasailalim sa isang internal examination o IE.
Ayon kay Dr. Maria Therese Tangkeko Lopez, isang OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center,
“It is only by doing a proper internal examination that you could check if your cervix is opening or not.
Sometimes, for those who are in preterm labor, you don’t want to induce kasi when we do internal examination, it induces labor.
So some obstetricians would actually elect to do a vaginal ultrasound to look at that cervix. Para lang makita kung how long pa o kung bukas na ba.
Pero during labor, the only way to know is to do an internal examination and unfortunately the moms you can’t do that to yourself,” aniya.
Ang iyong OB-GYN o mga nurse ang magsasagawa nito. Susukatin nila kung maluwag na ba ang iyong pelvic muscles at kung fully dilated na ang iyong cervix. Kapag sinabi nila na nasa 9 hanggang 10 cm nang dilated ito, ibig sabihin ay oras na para umire.
Mga iba pang katanungan tungkol sa tamang paraan ng pag ire
Kung mayroon kang epidural, maaaring hindi mo gaanong maramdaman ang sakit, pero makakaramdam ka pa rin ng kaunting bigat na magiging senyales para umire.
Mas mahirap lang dahil hindi mo gaanoong napapansin ang contractions. Kaya kakailanganin mo ng tulong mula sa iyong nurse, doktor o midwife para bigyan ka ng hudyat na kailangan mo nang umire.
Kapag unti-unti nang nawawala ang bisa ng epidural, mararamdaman mo ang matinding contractions na magtutulak sa’yo para umire.
Mas maganda na magkaroon ka ng birth plan bago ka manganak upang maipaalam sa iyong OB-GYN at hospital staff kung anong gusto mong mangyari sa oras ng labor at delivery.
Sabi nila, ang tamang paraan ng pag ire ay kailangang huminga ka ng malalim, pigilin mo sa iyong lalamunan at saka umire nang malakas na malakas. Kung nag-eexercise ka, para ka raw squats ang paraan ng pag ire, parehong muscles ang ginagamit.
Dahil ito rin ang muscles na ginagamit tuwing ikaw ay dumudumi, posible rin na may lumabas na dumi habang ikaw ay umiire. Huwag kang mahiya. Sana ang mga nurse at doktor sa ganitong pangyayari at nililinis naman nila ito kaagad.
Higit sa lahat, makinig sa hudyat ng iyong doktor o midwife kung kailan dapat umire. Lubos na mapapadali ang prosesong ito sa’yo kung makikinig ka sa payo ng mga eksperto.
Ang mga impormasyong ito ay makakatulong sa iyong nalalapit na panganganak, Mommy. Kaya naman kung mayroon kang mga agam-agam o katanungan tungkol sa tamang paraan ng pag ire, o labor at delivery, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio:
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!