Ang maayos na pagpapalaki ng anak ang isa sa mga matitinding hamon para sa bawat magulang, lalo na sa panahon ngayon na puro pagrerebelde ang nauuso.
Normal lang para sa mga anak natin na maging sweet sa atin sa kanilang pagkabata ngunit paano natin mapapanatili ang kanilang sweetness sa atin hanggang sa pagtanda nila?
Mga tips sa pagpapalaki ng anak na sweet hanggang paglaki
1. Maging mabuting halimbawa sa mga bata
Bilang magulang, ikaw ang unang tinitingala at iniidolo ng iyong anak. Pagnilayang mabuti ang iyong iginagawi sa iyong kapwa at ipakita sa mga bata ang mabubuting asal at pag-uugali.
Malaking puntos din sa pagiging role model kung nananatili ka pa ring sweet sa iyong sariling mga magulang hanggang ngayon dahil siguradong gagayahin din ito ng iyong mga anak sa pagtanda nila.
“How do you treat the bank teller, the store clerk, the telemarketer? What about your parents and your in-laws? They are watching your example.” sabi ni Rebecca Eanes, may-akda ng Positive Parenting: Toddlers and Beyond.
2. Turuan silang maging mapagbigay sa kapwa
Maaari mo itong simulan mula sa mga maliliit na bagay sa inyong tahanan gaya ng pagse-share ng pagkain o laruan sa mga kapatid o kalaro hanggang sa malalaking bagay gaya ng pagbibigay ng donasyon sa simbahan, mga charities at iba pa.
Sa ganitong paraan matututo rin silang magkaroon ng compassion o malasakit sa kapwa.
“There are valuable lessons to be learned from volunteering, supporting a local cause, attending church, or donating items. Seeing a bigger picture, how their acts can influence many lives, will give them a sense of responsibility and reinforce good values.” sabi ni Eanes.
3. Gumamit ng mga malumanay na salita sa loob ng tahanan
Natural lamang na nakakapagbitiw tayo paminsan-minsan ng mga salita na maaaring makasakit ng damdamin ng iba.
Subukang sanayin ang bawat miyembro ng inyong pamilya na gumamit ng mga malumanay na salita sa isa’t-isa. Imbis na pautos na salita ang gamitin, subukang gumamit ng mga pakiusap na salita. Iwasan ring sumigaw at magmura, lalo na sa mga bata.
Mas nagiging malambing at sweet ang bawat isa kung ganito ang magiging takbo ng pag-uusap sa loob ng tahanan. Kapag nakasanayan, magiging ganito rin ang paraan ng pakikipag-usap ng mga bata sa ibang tao.
Ang ganitong uri ng pagpapalaki ng anak ay mabuti para sa mga bata dahil maaari rin nilang gayahin ito sa kanilang magiging mga anak.
4. Hayaan silang ipahayag ng mabuti ang kanilang damdamin
Isa sa mga madalas nating marinig sa mga magulang na may anak na lalake ay ang “Huwag kang umiyak, parang hindi ka lalake”, “Strong ang mga lalake”, atbp. kapag sila ay nasasaktan o nalulungkot.
Ayaw rin ng iba na nagpapakita ng sweetness ang mga batang lalaki dahil hindi raw ito dapat ginagawa ng mga tunay na lalaki.
Kabaligtaran naman ito sa mga babae. Sinasabi nilang normal lamang ang pagpapakita ng iba’t-ibang emosyon dahil sadyang ’emotional creatures’ ang mga kababaihan.
Regardless sa edad at kasarian, walang masama sa pagpapakita at pagpapahayag ng tunay na nararamdaman. Hayaan ang mga bata na sabihin nila sa atin ang kanilang nararamdaman.
Kapag pinipilit natin silang pigilan ang anumang emosyon na nararamdaman nila, nagiging matigas ang kanilang puso para sa iba. Nagiging manhid sila at walang pakialam sa kapwa pagtanda nila.
Palakasin ang kanilang loob na sabihin ang kanilang nararamdaman nang sa gayon ay hindi sila mahihiya na ipahayag ang damdamin nila sa iba.
“Your little one’s emotional expression is growing by leaps and bounds. To encourage your child’s expression of feelings, there are two changes that you can make to help your child express their feelings in an effective manner.” sabi ni Dr. Azine Neiman, psychologist at founder of Peaceful Mama Coaching.
“First, reflect back your child’s feelings. For instance, if you notice your child pouting when you pick them up from school, take notice and say, ‘It seems like you’re upset. I’m here, if you want to talk about it.’
“And second, notice your own feelings and do something about them. When you notice yourself becoming upset you can say, ‘I am starting to get frustrated. I am going to take a 10 minute break in my room.’ to your child.” dagdag niya.
5. Protektahan sila sa masamang impluwensiya ng social media at mga palabas sa telebisyon
At dahil digital age na ngayon, mas malaki ang nagiging impluwensiya ng social media at mga palabas sa telebisyon sa persepsiyon at pagpapalaki ng anak.
Mas mabuting gabayan sila sa paggamit ng mga ito at ipaunawa sa mga bata na hindi lahat ng kanilang nakikita ay totoo at dapat na gayahin.
Sakaling malito ang mga bata sa mga palabas na nagpapakita ng pagtatalo sa loob ng pamilya at nagpapakita ng pagiging malamig ng mga karakter sa kanilang mga magulang, mabuting ipaliwanag ng mabuti sa inyong mga anak kung ano ang nangyayari sa kwento ng palabas.
Sa ganitong paraan malilinang ng maaga ang critical thinking ng mga bata sa anumang palabas na nakikita nila at magiging matalino sila sa pagpili ng mga palabas na mabuti para sa kanila.
Ikaw, anong istilo ng pagpapalaki ng anak ang nais mong gawin upang mapanatili silang sweet sa iyo hanggang sa pagtanda? Maaari mo itong ibahagi sa amin sa pamamagitan ng pagkokomento.
Source: Time, Motherly, Parenting
Images: Shutterstock
BASAHIN: STUDY: Mga anak na babae nagiging tulad ng ina kapag nagkaanak na