Trigger warning: Ang balitang ito ay may temang tungkol sa statutory rape o panghahalay.
Isang tatay ang nakulong sa kasong statutory rape o panghahalay matapos na gawing girlfriend ang kaniyang sariling anak!
Tatay kulong sa kasong statutory rape nang gawing GF ang anak
Kulong ang isang lalaki matapos ireklamo ng dating asawa dahil ginawa nitong kasintahan ang sariling anak.
Sa report ng ABS-CBN News, nahuli sa CCTV ang pagpasok at paglabas ng isang motorsiklo sa isang motel sa Bulacan. Sakay ng motorsiklo ang 16-anyos na babae kasama ang tatay nito.
Agad na sinundan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang motorsiklo at nadakip ang lalaki.
Sa interview ng TV Patrol kay Atty. Yehlen Agus, hepe ng NBI VAWCD, dumulog ang ina ng biktima sa kanila. Ginawa umanong karelasyon ng kaniyang asawa ang kanilang anak na babae.
Kwento ng ina ng biktima, sanggol pa lamang ang kanilang anak na si alyas Ana nang maghiwalay sila ng dating asawa.
Noong September 2023 lamang nagkakilala ang anak at ang ama. At simula noon ay pinapayagan na niyang magkita ang mga ito.
Pero laking gulat umano ng ina nang magsumbong sa kaniya ang kinakasama ng dating asawa. Ayon sa live in partner ng lalaki, kakaiba na raw ang relasyon ng mag-ama.
Ni-record nga ng live-in partner ng lalaki ang mga voice conversation nila ng kaniyang anak. Doon ay narinig kung paano inakit ng tatay ang dalagita. Malinaw rin ang pagsasabi nito ng mga malalaswang salita.
Depensa ng suspek, nahulog daw ang loob niya sa kaniyang anak at nagustuhan niya ito nang higit pa sa pagiging anak.
“Natukso na rin ako sa sobrang sweet nga namin. Sa sobrang close namin sa isa’t isa, nagkaroon ng point na hindi ko na napigilan ang sarili ko.”
Samantala, ayon naman kay alyas Ana, hindi niya magawang ipaliwanag ang nararamdaman para sa kaniyang ama. Uri daw ito ng complex love pero ang malinaw umano ay alam niyang may pagmamahal siya rito nang higit pa sa pagiging tatay.
“Hindi ko rin siya maintindihan. Hindi ko alam kung bakit nararamdaman ko ‘yon para sa kaniya”
Ayon sa eksperto maaaring namanipula o na-brainwash ng suspek ang anak.
Nirerekomenda ng mga eksperto na dumaan sa psychotherapy ang bata upang maintindihan kung ano ang tunay na nangyari sa kaniya at para na rin makarecover sa kaniyang trauma.
Para sa mga kabataang nalilito sa sitwasyon sa kanilang pamilya maaaring magpadala ng mensahe sa NBI Violence Against Women and Children Division.