Isang lalaki na taga-Bacoor City, Cavite ang mayroong kakaibang tattoo design. Maraming netizen ang naluha sa kwento ng lalaki kung bakit ito ang pinatattoo niya sa kaniyang katawan.
Tattoo design ng isang lalaki, huling liham ng inang pumanaw sa cancer
Talagang espesyal ang pinakaunang tattoo design ng lalaking taga-Bacoor City. Kasi naman, ang napili nitong ipa-tattoo sa kaniyang katawan ay ang huling liham ng kaniyang ina bago ito pumanaw.
Sa isang Facebook post ng tattoo artist na si Alexis Serdeña, ipinakita niya ang larawan ng tattoo design. Ayon sa Facebook post ng Serdeña Tattoo Studio, ang nagpa-tattoo ay ang 24-anyos na si Vincent John Tuibeo.
Ang unique tattoo design nito ay mula sa huling liham ng ina sa kaniyang anak noong ito ay nasa ospital pa.
Saad ng tattoo artist sa kaniya post, “Masarap sa pakiramdam ng isang tattoo artist yung maging part ka ng storya ng tattoo ng client, salamat po sa tiwala.”
Huling liham ng ina sa anak
Sa isang interview, sinabi ni Vincent na isinulat ng kaniyang ina na si Joyann ang liham noong nasa ospital pa ito at nakikipaglaban sa sakit na cancer.
Dahil menor de edad pa sila nang panahon na iyon at malayo ang ospital sa kanilang bahay, ay hindi nila regular na nadadalaw ang kanilang maysakit na ina. Kaya naman pinili ng ina na sumulat sa kaniyang mga anak ng kaniyang mga habilin.
Taong 2010 nang pumanaw ang ina ni Vincent sa edad na 37.
Narito ang laman ng liham ng ina sa kaniyang mga anak:
Nak, intindihin nyo na lang sulat ko ha? Paga kasi kamay ni mama dahil sa swero nak.
Musta na kayo mga anak? Salamat sa mga dasal nyo para kay mama. Wag mag-aaway ha?
Wag mo lagi pinipikon si Kuya Brian mo ha?
Pagpasensyahan mo na rin si Kuya at Bea. Tulungan niyo ang tita Maricar, ha. Wag kayo pasaway.
Nak, salamat sa mga dasal mo para kay mama. Ipagpatuloy nyo yan na matutong manalangin kasi si God mahal na mahal tayo. Lagi kayo magkaroon takot sa Diyos para huwag gumawa kasalanan ha?
I LOVE YOU, NAK. Proud ako sa inyo ni Kuya Brian kasi marunong na kayo magdasal. ALWAYS BE THANKFUL TO GOD sa lahat ng biyaya. Keep on praying kuya.
Miss you nak.
Love,
mama