Noong 2017, 1.3 milyon na tao sa buong mundo ang namatay dahil sa tuberculosis. Bukod dito, alam niyo ba na ang TB sa Pilipinas ay pangwalo sa pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa? Sa buong mundo, kabilang ang tuberculosis sa top 10 na sanhi ng pagkamatay, kasama na ng
Ang pagkalat ng tuberculosis ay isang public health crisis. Ibig sabihin, naaapektuhan nito ang malaking bahagi ng populasyon.
Kaya mahalaga sa mga magulang na alamin kung paano maagapan at maiwasan ang nakakahawang sakit na ito.
TB sa Pilipinas, paano masusugpo?
Ang tuberculosis ay isang sakit na dulot ng bacteria na Mycobacterium tuberculosis. Inaatake nito ang lungs ng isang tao, at pagtagal ay posibleng maapektuhan ang ibang bahagi ng katawan. Kung hindi ito agad maagapan ay posible din itong makamatay.
Isa sa pangunahing dahilan kung bakit maraming kaso ng TB sa Pilipinas ay dahil sa dalawang bagay. Una, hindi gaanong kaganda ang access sa healthcare ng bawat Pilipino. Pangalawa, malaki ang populasyon ng bansa, kaya’t madaling kumalat ang TB sa Pilipinas. Lalong-lalo na dahil ang TB ay isang airborne disease, o sakit na kumakalat sa hangin.
Ngunit hindi naman agad-agad na nakakahawa ang TB. Kapag malakas ang immune system ng isang tao, ay kaya niyang sugpuin ang tuberculosis. Pero sa mga bata at matatanda na mahina ang immune system, mabilis kumalat ang TB. Kaya mahalaga na gumawa tayo ng mga hakbang upang masugpo ang pagkalat ng TB.
Mga hakbang upang sugpuin ang TB
Ang isa sa pangunahing paraan upang mapigilan ang TB ay ang magpatingin sa doktor o kaya sa health center. Dahil mabilis makahawa ang TB, mabuting malaman mo na agad kung mayroon ka ba nito o hindi.
Kung mayroon kang TB, nirerekomenda ng mga doktor na huwag munang lumabas ng bahay upang hindi kumalat ang sakit. Minsan, mabuti rin kung umiwas muna sa mga bata o ibang mga kamag-anak upang maging sigurado.
Ang TB naman ay nagagamot lalo na kung ito ay matagpuan kaagad. Huwag kalimutang sundin ang payo ng doktor, at uminom ng niresetang gamot upang gumaling kaagad.
Ugaliin ding takpan ang bibig kapag umuubo, maghugas ng kamay, at umiwas sa mataong lugar habang ikaw ay mayroon pang TB.
Para naman sa mga sanggol at mga bata, mahalaga ang BCG vaccine upang makaiwas sa TB. Bukod dito, importante ring panatilihing malakas ang immune system ng pamilya upang malabanan ng katawan ang mga sakit.
Nakamamatay man ang TB sa Pilipinas, posible itong maiwasan at maagapan basta alam niyo kung ano ang dapat gawin.
Source: Daily Mail
Basahin: Your child may have walking pneumonia and you wouldn’t know it