Teenage pregnancy sa Pilipinas mas dumadami ngunit hindi naging hadlang para makapagtapos ng pag-aaral ang isang teen mom.
Sa isang Facebook post ay ipakita ng isang teen mom na si Mary Airish Cruz na hindi hadlang ang maagang pagiging ina niya sa pagtupad ng kaniyang mga pangarap.
Sa halip ay ginawa niyang inspirasyon ang kaniyang karanasan para makapagtapos ng pag-aaral para sa kaniyang sarili at sa kaniyang anak.
Hindi man daw naging madali ang naging karanasan ni Airish ng mabuntis ito sa edad na 19 years old palang, hindi rin naman daw naging dahilan ito para tumigil siya sa pag-aaral.
“Mahirap maging mommy lalo na sa edad ko na teen palang kung wala magulang ko sobrang hirap para samin kasi parehas lang kaming teen palang ng asawa ko at hindi pa kami nakakapagtapos.
Pinagpatuloy ko parin pag aaral ko kahit malayo yung biyahe pumapasok pa din ako kahit kabuwanan ko na kasi gusto ko matupad ko pangarap ko at pangarap ng magulang ko sakin.”
Bagamat mahirap ang pinagdaanan at marami ang nanghusga sa kaniya, si Airish ngayon ay gragraduate na sa Hunyo sa kursong Bachelor of Science in Business Administration na inaalay niya sa kaniyang anak na si Sophia.
Kaya naman narito ang payo ni Airish sa mga batang magulang na katulad niya
“At hindi ko pinagsisisihan na may anak na ko, pinagmamalaki ko anak ko kasi sya ang lakas ko.
Hindi hadlang ang maaga kang nag-anak para hindi mo na tuparin pangarap mo hindi ko sinabi mag-anak kayo ng maaga ang sakin gusto ko lang sabihin sa lahat na hindi hadlang kahit ano pa pinagdadaanan mo sa buhay para hindi mo na gawin lahat ng pangarap mo sa buhay mo.
Laban lang!”
Dagdag pa ni Airish.
NABUNTIS PERO HINDI NABUNTIS LANG DAHIL GINAWA PA DIN ANG PANGARAP MAKAPAGTAPOS!
NAGKABABY PERO GAGRADUATE! 💪🏻💓
MADAMI NANGHUSGA AT PILIT AKO DINADOWN PERO HINDI NAGPAAPEKTO!
PARA SAYO ‘TO ANAK! ❤️
Teenage pregnancy sa Pilipinas
Ayon sa isinagawang National Demographic and Health Survey (NDHS) ng Department of Health noong 2017, lumabas na 9% ng mga kababaihan ang nabubuntis sa gulang na 15 to 19 years old pa lamang.
Pinakamataas naman ang porsyento ng teenage births sa mga probinsya ng Davao na may 15.9% na sinunandan ng SOCCSKSARGEN region na may 11.8%.
Ayon naman sa mga reports, mayroong 500 na Filipino teenagers ang nagiging batang ina kada araw o may kabuuang bilang na 182, 500 na teenagers taon-taon.
Tinukoy naman ng isang 2015 UNFPA study ang Pilipinas bilang natatanging bansa sa Southeast Asia na kung saan hindi bumababa ang teenage pregnancy rate.
Ang itinuturong pangunahing dahilan ng Commission on Population o POPCOM sa patuloy ng pagdami ng teenage pregnancy sa Pilipinas ay problema sa pamilya at impluwensiya ng social media dagdag pa ang kahirapan.
Kaya naman para maiaddress ito ay nanawagan ang ahensya na palawakin pa ang kampanya at pagtuturo ng family planning lalo na sa mga kabataan.
Ito ay para maimulat ang kanilang mga mata sa mga consequences na maaring maidulot ng maagang pagbubuntis na maari namang maiwasang mangyari sa kanila.
Ang pahayag na ito ay sinusuportahan ni Senator Risa Hontiveros sa pamamagitan ng batas na kaniyang isinusulong.
Ang batas na ito ay ang Senate Bill no. 1482 na mas kilala sa tawag na “The Prevention of Adolescent Pregnancy Act.”
Ayon sa batas para maiwasan ang maagang pagbubuntis ay dapat magkaroon ng development ukol sa komprehensibong edukasyon sa mga kabataan tungkol sa puberty at reproductive health.
Hindi naman isinisawalang bahala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP ang isyu ng teenage pregnancy sa Pilipinas.
Para sa kanila ito daw ay maiaddress sa pamamagitan ng proper values education.
Nagpaalala naman ang Department of Health o DOH na maraming risk ang pagbubuntis ng maaga kaya naman hangga’t maari ay dapat itong iwasan.
Ilan nga sa mga health risk ng teenage pregnancy ay ang sumusunod:
Teenage pregnancy sa Pilipinas: Mga banta sa kalusugan ng maagang pagbubuntis
1. Lack of prenatal care
Madalas sa mga teenage pregnancy sa Pilipinas ay walang nakukuhang suporta mula sa kanilang magulang, kaya naman madalas rin ay hindi nakakuha ng adequate prenatal care ang teenager na buntis pati na ang dinadala nito sa sinapupunan.
Ang prenatal care ay napakaimportante at kritikal lalo na sa mga unang buwan ng pagbubuntis.
Ginagawa ito upang masiguro na walang magiging problema o normal ang mommy na nagbubuntis at ang baby na kaniyang dinadala.
Ito rin ay ginagawa upang agad na matukoy at makaiwas sa mga medical o birth defect problems ang sanggol na dinadala ng dalagang ina.
2. High blood pressure
Ang mga teenager na buntis ay mas mataas ang tiyansang magkaroon ng high blood pressure kumpara sa mga kababaihang may edad na bente at trenta anyos.
Ito ay kilala sa tawag na pregnancy-induced hypertension na nagdudulot rin ng komplikasyon sa pagbubuntis na preeclampsia.
3. Premature birth
Ang mga kababaihang nabuntis rin ng maaga ay mataas ang tiyansang makaranas ng premature birth o ang pagbubuntis na hindi umabot sa full-term o 40 weeks pregnancy.
Naiiwasan naman ito sa pamamagitan ng mga medikasyon sa tulong ng prenatal care.
Ang mga sanggol na ipinanganak na premature ay mas mataas ang tiyansang magkaroon ng mga health problems sa respiratory, digestive, vision, cognitive at iba pa.
4. Low birth weight baby
Ang mga sanggol rin na ipinanganak na premature ay mas magaan ang timbang kumpara sa mga full term baby na ipinagbuntis.
Ito ay dahil mas kakaonti ang oras o araw nilang lumaki pa sa sinapupunan ng kanilang ina.
5. STD o Sexually Transmitted Disease
Isa pa sa maaring maidulot ng maagang pagbubuntis at kakulangan sa kaalaman tungkol sa sex ng kabataan ay ang pagkakaroon ng Sexually Transmitted Disease o STD.
Ipinapaala na ang isang buntis na mahahawa sa mga sakit na ito ay maaring makaapekto sa sanggol na kaniyang dinadala.
6. Postpartum depression
Dahil sa mura pang kaisipan, isa pang bagay na madalas na nararanasan ng mga teenage mom ay ang postpartum depression.
Bagamat ito ay normal lamang sa mga kababaihan matapos manganak mas nagiging mahirap ito sa mga batang ina na wala pang karanasan sa pag-aalaga ng kanilang sanggol at sa bagong responsibilidad na kanilang haharapin.
Sources:
Manila Bulletin, Rappler, Aljazeera, ABS-CBN News, WebMD