Hi! Marahil isa ka ring nagdadalang tao kaya ka interesado sa aking kwento o di kaya’y dahil gusto mo malaman ang aking kwento sa pagkakaroon ko ng rainbow baby.
Ako si Mommy Aji, na nabigyan ng Panginoon ng rainbow baby, ano nga ba ito? Ang rainbow baby ay ang isinilang na sanggol matapos ang pagkakaroon ng miscarriage o stillbirth.
24 ang edad ko nung ako ay unang mabuntis sa una kong baby. Wala naman akong nararamdamang kakaiba noon, malakas at nakakapagtrabaho pa ako nung buntis pa ako. Lakad dito, lakad doon. Ganun kasi ang trabaho ko noon, halos buong araw na nakatayo.
Kompleto naman ako noon sa bitamina at nakapagpa-check-up din ako. Subalit hindi naging maingat ang pagdadalang-tao ko.
Madaling-araw ng Setyembre 2020, bigla na lamang sumakit ang puson ko na triple ng sakit kagaya ng dysmenorrhea.
Agad akong pumunta sa palikuran at tumambad sa akin ang maraming dugo mula sa aking underwear, alam kong si baby ko ito. Wala na lang akong magawa habang inaalis ko na lang siya para ilagay sa isang lagayan kung saan maari siyang pagpahingain.
Mga kamay na sana ay mahahawakan ko, pinaghandaan ko na ang mga kakailanganin ko sa pagbubuntis ko, pero wala eh… hindi pa para sa akin. Mahal kita baby pero hanggang 6 weeks ka lang sa tiyan ko.
Makalipas ang apat na buwan, patuloy pa rin ako sa aking pagtatrabaho, nagtataka ako non dahil malimit sumakit ang ulo ko, pero sanay naman ako sa trabaho ko at sa pagpupuyat.
Isang banig na gamot ang aking naubos ng dahil sa sakit ng aking ulo. Ang sabi ko sa asawa ko, hindi na normal ito. Kaya nag-take nga ako ng pregnancy test at ito ay positive.
Ang aking ginawa pagkatapos ko malaman ang resulta? Nag resign na agad ako, sa takot kong maulit pa ang nangyari sa akin noon.
Iba-iba ang pagbubuntis, mayroong kayang kumilos at mayroon namang maselan. Maselan ako magbuntis kaya sakrisipyo na lang talaga ang ginawa ko para sa aking rainbow baby na katabi ko na ngayon habang ginagawa ko itong artikulo na to.
Sa mga nagdadalang tao diyan na nakakabasa nito, ako ay magbibigay lang ng tips para maiwasan ang miscarriage dahil ako ay nagdaan na dito:
- Kung hindi pa halata ang baby bump, maaring magsabi kung sino ang pwedeng sabihan para kayo ay palaging mai-priority lalo sa mga pila.
- Matulog palagi sa left side, patagilid palagi ang posisyon matulog para maiwasan ang varicose veins, nakatutulong din ito magkaroon magandang circulation ng dugo at hindi hirap huminga.
- Maaring mag-kegel exercise at ipaalam sa iyong doctor kung maari mo ring gawin ito upang makatulong sa iyo lalo kung gusto mong mapabilis ang iyong panganganak.
- Ang anumang pagdurugo ay hindi normal sa buntis lalo kung sa unang trimester mo pa lang, magpatingin agad sa doktor kung may ganito at kung may iba pang di pangkaraniwan na nararamdaman.
- Bilangin ang sipa ni baby lalo kapag nasa 4 buwan pataas na, i-download ang TheAsianParent app sa Play Store at hanapin ang Kick Counter na feature para ma-track mo kung normal ang paggalaw ni baby sa iyong tiyan.
- Bawal na bawal din ang manigarilyo o makalanghap ng usok ng sigarilyo, maraming sakit ang maaring makuha dito.
Ito ang ang kwento. Ngayon naman ay may malusog akong walong buwang rainbow baby sa awa ng Diyos.
Sana ako ay nakatulong sa iyong pagbubuntis. Maaari mo ring i-search ang Project Sidekick para sa mas maingat at matagumpay na pagbubuntis.