Kinumpirma ng Department of Health na 55 bata na ang namatay sa tigdas outbreak sa NCR dulot ng mababang rate ng pagpapabakuna sa bansa.
Sa pinakahuling datos mula sa San Lazaro Hospital sa Maynila, nasa 1,504 pasyente na ang na-admit sa kanilang ospital dahil sa tigdas—1,355 sa mga pasyenteng ito ay mga bata at teenagers.
Naitala rin ng nasabing ospital na simula ng taon 2019 ay may 55 bata na ang namatay sa tigdas. Ang edad ng mga bata ay nasa 3 buwang gulang hanggang 4 na taong gulang.
Tigdas outbreak sa NCR: 550% ang itinaas
Ayon sa datos ng DOH Epidemiology Bureau, tumaas ng 550% ang bilang ng kaso ng tigdas sa Metro Manila. 196 kaso ng tigdas sa NCR ang naitala mula Enero 1-19 ngayong taon kumpara sa 20 kaso lamang na naitala sa parehong panahon noong 2018.
Sa kabuuan ng taong 2018, umabot sa 3,646 ang kaso ng tigdas kumpara sa 351 kaso noong 2017.
“We are declaring an outbreak as cases have increased in the past weeks and to strengthen surveillance of new cases and alert mothers and caregivers to be more vigilant,” saad ni DOH Sec. Francisco Duque III.
Dahilan ng tigdas outbreak sa NCR
Sinabi ng kagawaran na bumaba sa 60 porsiyento ang coverage rate ng pagpapabakuna sa buong bansa bunsod ng kontrobersiya ng Dengvaxia.
Bilang resulta, maraming magulang ang nawalan ng tiwala sa programa ng pagpapabakuna ng DOH at natakot sa maaaring ‘side effects’ ng bakuna kagaya ng nangyari sa Dengvaxia. Maraming magulang ang tumangging pabakunahan ang kanilang mga anak sa mga health centers at ospital.
WHO, nabahala rin sa tigdas outbreak sa NCR
Nababahala rin ang pamunuan ng World Health Organization sa bansa dahil sa nangyaring tigdas outbreak sa NCR. Pinangangambahan nilang hindi lamang tigdas ang magiging outbreak sa bansa kapag hindi ito naayos ng DOH.
“We are very concerned [about] the situation because there are many cases of measles that… could have been avoided if we had achieved higher vaccination coverage. The trust in vaccination has been challenged,” sabi ni WHO country representative Dr. Gundo Weiler sa isang panayam.
“I think it is important that we rebuild trust and pass on the message very clearly that Dengvaxia is unrelated to the very well-established vaccination programs that have been running in the country for many years and without any doubt has generated huge benefits for those who received vaccination,” dagdag pa niya.
Deklarasyon ng tigdas outbreak, pinalawig pa ng DOH sa mga karatig na rehiyon
Matapos ideklara ang tigdas outbreak sa NCR, pinalawig pa ng DOH ngayon ang deklarasyon ng tigdas outbreak sa bansa.
Sa tala ng DOH Epidemiology Bureau noong Enero 26, tumaas na rin ang bilang ng kaso ng tigdas sa mga sumusunod na rehiyon, dahilan upang palawigin pa ang deklarasyon ng outbreak:
- Ilocos Region (64 cases, 2 deaths)
- Region 3 (192 cases, 4 deaths)
- CALABARZON (575 cases, 9 deaths)
- MIMAROPA (70 cases, no deaths)
- Region 6 (104 cases, 3 deaths)
- Region 7 (71 cases, 1 death)
- Region 8 (54 cases, 1 death)
- Region 10 (60 cases, no deaths)
- SOCCSKSARGEN (43 no deaths)
Binabantayan din ng kagawaran ang iba pang rehiyon gaya ng Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Bicol Region, CARAGA Region at Zamboanga Peninsula.
Nagpaalala rin si Sec. Duque sa mga dapat gawin kung ang isang tao ay may sakit na tigdas.
“Supportive measures like building the nutritional status of the sick person and increasing oral rehydration are important measures to increase body resistance and replace lost body fluids caused by coughing, diarrhea, and perspiration,” sabi ni Duque.
“Immunization and vitamin A supplementation of nine-month old children and unvaccinated individuals are the best defenses against measles,” dagdag niya.
Ipinapayo rin ng DOH sa mga magulang na dalhin agad sa pinakamalapit na pagamutan o ospital ang mga bata kung sila ay nakitaan ng sintomas ng tigdas.
Source: Inquirer, Department of Heath, WHO Representative Office Philippines
Images: DOH, WHO Western Pacific Region, Centers for Disease Control and Prevention
BASAHIN: Tigdas o Measles: Isang gabay tungkol sa sakit na ito