Tinangkang patayin matapos di umano’y gahasain ang 9 na taong gulang na batang babaeng natagpuan sa ilalim ng tulay sa Cainta, Rizal.
Ang bata ay natagpuan ng isang napadaang lalaki na nakatali, nilalanggam at puno ng sugat at pasa ang katawan sa ilalim ng Ortigas Extension Bridge sa Cainta, Rizal.
Batang babaeng tinangkang patayin
Sa kuha ng CCTV sa nasabing lugar ay makikita ang bata bandang 9:41 ng umaga noong Lunes, February 25, na bumaba papunta sa tulay kasama ang isang lalaki.
Ngunit pagtapos ng labing-anim na minuto ay lumabas mula sa tulay ang lalaki na mag-isa at hindi na kasama ang batang babae.
Sa kuwento ng nakakita sa bata na si Jose Abrera, natagpuan niya ang bata na nakahiga sa ilalim ng tulay na naghihingalo habang humihingi ng tulong sa kaniya.
May tali daw ang leeg at kamay nito na puno rin ng sugat at bugbog ang buong katawan.
Nang tanungin ang bata kung sinakal at ginahasa ito ay tumango lamang ito. Sinabi niya ring nakikilala niya sa mukha ang gumawa ng karuldumal na bagay na ito sa kaniya.
Agad na isinugod ang bata sa Cainta Municipal Hospital.
Ayon kay Dra. Shimora Eireen Pasela, ang doktor na tumingin sa bata ng isugod ito sa Cainta Municipal Hospital ay sarado ang dalawang mata ng bata, dumudugo ang kanang tenga nito at meron siyang ligature marks sa leeg na parang binigti. Maaring nagtamo rin daw ang bata ng traumatic brain injury dahil sa sumusuka ito ng dugo.
Kaya naman para mas maobserbahan at malaman ang tunay na kalagayan ng bata ay kinailangan itong ilipat ng ibang ospital na 24 oras ring binabantayan ng mga pulis.
Ayon sa mga pulis isang berdeng ribbon ang ginamit sa tinangkang pataying na biktima bilang panali at pansakal. Mayroon ding nahanap na mga drug paraphernalia sa scene of the crime.
Kinilala rin ng mga pulis ang suspek na si Pepito Tagal na kaibigan raw ng ama ng batang biktima.
Nang puntahan naman ng mga pulis ang bahay ng biktima ay wala ang mga magulang nito.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga kamag-anak ng biktima na sinabing hindi nila kilala ang suspek.
Sa pag-iimbestiga naman ng mga pulis sa mga kamag-anak ng suspek ay sinabi nilang lulong sa droga ito at ilang araw ng hindi umuuwi.
Ayon naman sa asawa ng suspek, 2016 na lumaya sa bilibid ang kaniyang asawa matapos mabilanggo ng 13 years dahil sa kasong robbery.
Dahil nga daw sa pagkalulong sa pinagbabawal na gamot ay pati ang mga kapatid nito ay pinagnanakawan narin ng suspek.
Nananawagan din ang misis ng suspek na sumuko na sa mga pulis para mapanagutan ang ginawa at mabigyan ng kahihiyan ang sariling anak niya.
Pinapaalalahanan naman ng mga awtoridad ang mga magulang na mag-doble ingat sa kanilang mga anak lalo na’t maraming masasamang loob ngayon ang kumakalat na nais manakit at mangdukot ng mga bata.
Tips para sa kaligtasan ng anak
Para naman masiguro ang kaligtasan ng mga anak lalo na sa mga oras na hindi ninyo sila kasama. Narito ang ilang tips na dapat laging ipaalala at gawin ng mga magulang sa kanilang mga anak.
- Huwag makikipag-usap o sasama sa hindi kilalang tao kahit na ito ay may bigay na kapalit na candy o anumang regalo.
- Kung sakaling kilala niya man ito ay huwag basta sasama at hingin muna ang pahintulot ng magulang.
- Ipaintindi na hindi dapat nila pinapahawakan ang kanilang katawan lalo na ang maseselang parte nito sa ibang tao o sa kung sino man.
- Kailangan nilang matutong tumanggi o magsabi ng hindi kung nararamdaman na nilang hindi na tama ang ginagawa sa kanila.
- Turuang maging bukas o open sa iyo sa kung anong nangyari sa kaniya sa eskwelahan o lugar habang siya ay wala sa tabi mo.
- Ipasaulo sa kaniya ang mga pangalan, address at contact number ninyo sa bahay para madaling makontak sa oras ng hindi inaasahang pangyayari o emergency.
- Turuan ang mga bata na maging mapagmasid sa kanilang paligid at lumayo agad sa taong mukhang kahina-hinala sa kanila.
- Turuan sila ng self-defense techniques na kanilang magagamit sa oras na sila ay gawan ng masama.
- Bigyan sila ng pito o whistle at ituro sa kanila na maari nila itong gamitin sa oras na sila ay nangangailangan ng tulong o kailangang kumuha ng atensyon sa oras ng emergency.
- Turuan sila na maari silang magsabi sa kanilang guro kung sakali mang nakakita sila ng kahina-hinalang tao o bagay sa ekswelahan.
- I-monitor ang paggamit ng internet ng iyong anak. Dahil sa panahon ngayon ay isang paraan na ng masasamang loob na tukuyin ang susunod nilang biktima sa pamamagitan ng internet.
- Turuan silang huwag agad magbibigay ng mga personal na impormasyon sa mga taong nakakausap nila sa social media o iba pang websites.
Hindi sa lahat ng oras ay maari nating bantayan ang ating mga anak. Kaya’t mabuting turuan at paalalahan sila ng mga bagay na ito para makaiwas sila sa mga taong maaring may gawing masama sa kanila.
Sources: Fatherly, Lifehack, GMA News
Basahin: Batang babae, ginahasa ng lalakeng nakilala niya sa Facebook