Isang nanay ang na-stress nang malaman na um-order ng mahigit P5,000 na items ang anak niya sa isang mobile shopping app. Naito ang ilang tips sa online shopping na dapat tandaan.
5-anyos na batang nag-online shopping
“At tumigil ang mundo ko ng buksan ko ang shoppee account ng anak kong 5 years old.’
“Di na pati macacancel ta otw na ang para deliver. Paparanuhon ko daw ni.”
“Ay tlgang makukurot kita Yves.”
“Ay tlga nanggigigil ako.”
Ito nalang ang nasabi ng inang si Cassandra Nicole Alegre mula Naga, Camarines Sur sa isa niyang Facebook post ng matuklasang umorder ng worth P 5,228 na items ang anak niya sa isang mobile shopping app. Ang masaklap ay hindi na ito puwede i-cancel pa, dahil ang mga items ay out-for-delivery na.
Sa ngayon ang post ni Mommy Cassandra ay may 8,000 plus comments at mahigit 26,000 times ng ishinare sa Facebook ng mga netizens. Ang iba ay hindi mapigilang matawa sa naging reaksyon ng ina sa sitwasyon. Habang ang iba naman ay naka-relate at may na-realize pagdating sa paggamit ng gadget ng kanilang mga anak.
Kuwento ng ina ng bata
Ayon kay Mommy Cassandra na isang online seller, ginagamit niya ang mobile shopping app sa kaniyang negosyo. Ngunit, hindi niya akalain na gagamitin ng anak ang account niya sa mobile shopping app na ito para mag-order ng mga gusto niya.
Ang mga inorder daw ng kaniyang anak ay 3 bullet guns, at 6 na pirasong mini air cooler.
Habang may ilan pang nasa cart niya ang mabuti nalang ay hindi pa nacheck-out ng anak. Kabilang dito ang isang cellphone na worth P15,000 at tablet na P1,600 ang isa.
Kuwento ng ina na tinutuligsa rin dahil sa pagpapabaya sa paggamit ng cellphone ng anak niyang si Yves na 5-taong-gulang ay ngayong taon lang nahasa sa paggamit ng cellphone ang anak niya. Dahil ito ay ni-regalo niya sa anak bilang reward dahil hindi na ito umiiyak at nagpapaiwan na ng mag-isa sa kaniyang klase bilang kinder.
Hindi rin daw siya nagulat sa mga items na inorder ng anak dahil ang mga ito ay ang mga gusto niya na hindi mabili dahil sa kakulangan ng pera.
“Yung air cooler kc may nakita kami nyan before sa isang tiangge dito sa amin. Bibilhin ko na dapat nasa counter na kami ni anak excited na nga siya kaso nag back-out ako kasi inisip ko dami pala gastusan. Kaya ayun nagtampo siya.”
“Tapos hindi ko alam pag-uwi siguro namin hinanap nya yung bibilhin dapat namin na mini air cooler doon sa mobile shopping app.”
Realizations ng ina
Nagalit man daw sa kaniyang natuklasan ay wala ng nagawa si Mommy Cassandra dahil out for delivery na ang mga items na inorder ng anak niya. At aminado siyang ang pagkakamali ay nagmula sa kaniya.
“Parang mali ko din naman talaga kasi pinaasa ko siya doon. Siyempre nasa counter na kami tapos bigla kami umatras nung naisip ko dami pala bayaran.”
Pinagsabihan niya narin ang anak na huwag ng uulitin ang nangyari at sumang-ayon naman daw ito.
Sa aming panayam sa kaniya ay dumating na daw sa kanila ang mga items na in-order ng kaniyang anak at ito nalang ang nagawa niya.
“The item just arrived today morning. Hindi ko siya ni-receive.”
“Natawa nlang yung rider nung sinabi ko na anak ko nag order niyan. Nakita naman ni anak hindi ko binayaran iyak ng iyak na naman siya.”
“Nakakaawa pero wala e mas may mga bagay na dapat unahin bago luho.”
Kaya naman dahil sa nangyari ay may natutunan na lesson si Mommy Cassandra.
“Lesson siguro is to check kung anu-ano pinipindot ng anak ko sa phone niya since at an early age may phone na siya and to limit his time using the gadget.”
“I already checked his YouTube downloads. Mabuti naman at halos lahat mga pambata.”
May payo rin siya sa ibang mga magulang para hindi matulad sa kaniya ang maranasan nila.
“For parents, siguro is to put applock sa phone and magkaroon ng time to talk always to your child kung ano ba gusto niya. Saka ipaintindi sa kanya na there are more important things to spend.”
Tips sa online shopping
Para maging safe at maka-save ay narito ang ilang tips sa online shopping para sa inyo.
1. Mag-shop lang sa mga trusted encrypted websites o application.
Ayon kay Satish Kumar, product director ng online shopping website na Shopify mas magiging ligtas ang mga personal na impormasyon ng isang online shopper kung siya ay mag-shoshop sa mga encrypted websites lang. At mag-coconduct ng transactions kung siya ay naka-connect sa isang trusted WiFi network.
Sa mga websites malalaman mong ito ay safe kapag ito ay may padlock symbol sa URL bar na malapit sa pangalan ng iyong WiFi network.
“Following these steps is the best way to ensure that your personal information is being transferred in the safest way possible”, pahayag ni Kumar.
Mas ipinapayo naman ng mga eksperto ang paggamit ng mobile app sa pag-oonline shopping dahil ito ay mas safe. Ang dapat gawin lang ay alamin ang mga most trusted app na ginagamit ng karamihan at ang available sa inyong lugar.
2. Gumamit ng strong at unique passwords sa iyong mga online shopping account.
Ang pagkakaroon ng strong at unique passwords sa iyong mga online shopping account ay makakatulong upang hindi ma-kompromiso ang mga ito sa oras na may magtakang mag-hack nito at kunin ang ilang importante impormasyon tulad nalang ng iyong credit card details.
Sa mobile shopping apps naman ay makakatulong ang pagkakaroon ng applock na tanging ikaw lang ang nakakaalam ng password. Ito ay para hindi ito mabuksan ng ibang tao tulad ng iyong anak at mag-oder ng mga items ng hindi mo nalalaman.
3. Mag-ingat sa pag-oorder ng mga items na mababang-mababa ang presyo sa regular price nito.
Para hindi mabiktima ng mga scammers ay ingatang umorder ng mga items ng sobrang baba ang presyo kumpara sa alam mong regular price nito.
Bago umorder ay i-check muna ang account ni seller at basahin ang mga feedbacks ng iba pang online customers tungkol sa products at services niya.
Kung gusto talagang makatipid ay maari ring mag-abang o i-check ang mga flash deals ng mga shopping apps na iyong ginagamit.
4. Isiping mabuti kung kailangan mo talaga ang iyong gustong orderin.
Para naman makatipid at hindi maabuso o sumobra sa pag-oonline shopping ay isipin munang mabuti kung kailangan mo ba talaga ang gusto mong orderin. Sa bawat item na gustong bilhin ay makakatulong kung ilalagay mo muna ito sa iyong cart saka bigyan ng 24 oras o isang araw ang iyong sarili bago ito i-checkout. Ito ay para magkaroon ka ng oras para makapag-isip kung ito ba talaga ay iyong kailangan.
5. I-report agad ang iyong mga reklamo sa shopping website o app.
Sa oras naman na makaranas ng problema sa shopping app o website na ginagamit ay huwag mahiyang mag-report agad sa kanila. Dahil bilang customer, ito ay iyong karapatan at iyong proteksyon sa mga gusto lang manloko online.
Isaisip at tandaan lang ang mga online shopping tips na ito at siguradong magiging safe at makaka-save ka sa iyong pag-oonline shopping.
Source: Reader’s Digest
Photo: Freepik
Basahin: 10 Simple hacks to protect yourself when shopping online