Ihanda na ang sarili para sa kakaibang lebel ng pakikipaglaro at pakikipag-usap kay baby! Ano nga ba ang dapat asahan sa toddler development ng 13 buwan na bata?
Matututo na siyang magturo at ipilit ang gusto niya, na simula na ng two-way communication ninyo. Wala na ang passive na bata na sumusunod sa lahat ng sinasabi mo. Aktibo na siya, at sasabihin na niya sa ‘yo ang ayaw at gusto niya.
Ang ika-13 buwan ay tungkol sa komunikasyon. Ituturo niya at ipagpipilitan pa ang gusto niya, at kahit sabihin mong hindi puwede, makakahanap siya ng isandaang paraan para masunod ang gusto niya.
Mahihilig din siyang magpakarga at tatalon-talon pa para ipilit ito. Di na nakapagtataka kung kaya na rin niyang puntahan at ituro ang high chair niya, kung alam na niyang oras nang kumain. Makikipaglaro na rin siya, nang mga sarili niyang laro na siya pa ang magtuturo sa inyo. Minsan ay kukunin niya ang paborito niyang libro at dadalhin kay Mommy para basahin ito sa kaniya.
Ito na rin ang panahon na makakatulong ang pag-alam ng mga baby sign language niya, para tuluyan siyang maintindihan. Huwag mag-alala kung hindi ka marunong ng sign language—di magtatagal ay magkakaron kayo ni baby ng sarili niyong sign language na kayong dalawa lang ang magkakaintindihan.
Hindi pa siya natututong mag-pasensiya, kaya may pagkakataon na magbubwisit ito at iiyak kapag hindi nasusunod ang gusto. May sarili na siyang pag-iisip na unti-unti ring nadedevelop, at hindi siya mahihiyang sabihin ang nararamdaman at gusto niyang mangyari. Habaan din ang pasensiya at magmasid at kausapin si baby para lubusan itong makilala, at maintindihan ang gusto niyang sabihin.
Toddler development ng 13 buwan: Physical Development
Sa yugtong ito, dapat ang median height at weight ng iyong anak ay:
- Boys
– Length: 76.9 cm (30.3 inches)
– Weight: 9.9 kg (21.8lb) - Girls
– Length: 75.1 cm (29.6 inches)
– Weight: 9.5 kg (21lb)
Ang kanyang head circumference naman ay dapat na:
- Boys: 46.3 cm (18.2 inches)
- Girls: 45.2 cm (17.8 inches)
Bagama’t nakakalakad na siya o nagsisimula nang maglakad, hindi pa lubusang malakas ang mga buto niya sa paa. Iwasan ang paggamit ng mga matitigas na sapatos, lalo na kung masyadong maliit ito at masikip. Baka mapigil ang paglaki ng paa, at mahirapan itong mag-develop nang maayos.
Ang iyong toddler ay gagalaw at gagala kung saan niya gusto, kaya’t bigyan siya ng lugar at pagkakataon na makagapang, makapaglakad, magtatalon at mag-tumbling pa nga. Maglagay ng mga harang sa hindi dapat puntahan tulad ng hagdan, at makakatulong kung may malambot na mats o carpet sa lugar na paglalaruan niya. Maglagay ng childproof corners (nabibili sa baby shops) at huwag aalisin ang paningin sa naglilikot na anak.
Ang isa sa pinaka-ayaw ni baby sa edad na ito ay ang matigil sa isang lugar. Ayaw niyang mapaupo sa stroller o maglagi sa maliit na playpen, kaya’t asahan na magpupumiglas ito.
Huwag maubusan ng pasensiya! Ang bawat iyak at hiyaw ni baby sa pagsasabi ng “Ayaw ko!” ay isang hakbang sa toddler development.
Kaya na niyang tumayo mag-isa, pero patuloy siyang naga-adjust sa bagong kakayahang ito. Asahang tutumba ito minsan, pero huwag mag-alala. Habang lumalaki, tumitibay din ang mga buto at muscles niya, at tutuwid din ang tindig at lakad niya.
Ang motor skills ni baby ay nagde-develop na din. Mahilig na siyang pumulot ng mga blocks at iba pang bagay na kaya ng mga daliri at kamay niya, at ilagay ito sa mga containers o anumang lalagyan na makita niya (laundry basket, bag, balde). Paulit-ulit niya itong gagawin, tulad na rin ng pagbukas-sara ng mga cabinet. Lahat ito, nakakatuwa o nakakainis minsan, ay bahagi ng kaniyang development.
May mga bagay din nakakatuwang panoorin habang ginagawa niya, tulad ng kung paano siya gumawa ng “tower” gamit ang building blocks, Pati nga pagpalakpak ay nakakatuwa, at pagkaway niya para magsabi ng hello o goodbye.
Mga gawain para sa physical development:
Ang bawat praise, reassurance at motivation mula sa mga magulang ay mahalaga sa edad na ito. Mahalagang maging matibay ang tiwala niya sa sarili, dahil marami pa siyang gagawin at susubukang gawin.
Hindi kailangang bumili ng mga mamahaling laruan. Magugulat ka kung gaano ikatutuwa ni baby na paglaruan ang mga kahon ng cereal, tissue paper, o kahon mismo ng laruan niya—na minsan ay mas pipiliin pa niya kaysa sa laman nito. Itabi at hugasan ng mabuti ang mga container ng yoghurt o water bottle, at panoorin siya kung paano niya pupunuin ito ng laman at pagkatapos ay itataob para alisin ulit ang laman. Nasasanay na ang gross motor skills niya, nahihinang pa ang cognitive development. Turuan ang bata at ipakita sa kaniya ang ilang gawain tulad ng “flying kiss” o pagkaway ng “goodbye”, pati na ang pagliligpit ng mga laruan pagkatapos ito gamitin. Mahirap sa umpisa, pero mabilis niya itong matututunan lalo kung paulit-ulit ding gagawin.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung hindi pa siya makatayo man lang nang mag-isa, o kahit nakahawak sa adult.
- Hindi kumakaway o tumuturo
- Hindi nakakapagpatong-patong ng kahit 2 blocks lamang.
Toddler development ng 13 buwan: Cognitive Development
Natututunan na rin niya ang konsepto ng “cause and effect.” Kapag nahulog ang pacifier niya, pupulutin ito ni Mommy at ibibigay ulit sa kaniya. Ito na ang simula ng paulit-ulit na paggawa nito—ihuhulog niya, pupulutin ni Mommy, ihuhulog niya ulit. Hanggang mapagod na si Mommy. Nakakaaliw para sa kaniya ang bagong tuklas na kontrol na nagagawa niya sa paligid niya.
Marunong nang sumunod sa utos o instructions si baby sa edad na ito, pero hindi ibig sabihin ay susundin niya ito. Alam din niya na kahit wala sa paningin niya ang isang tao o bagay, ay tunay o nandun pa rin ito. Natutunan niya ito sa simpleng larong “peek-a-boo”.
Kung matiyaga sa pagbabasa kay baby, matututunan na niyang magturo ng mga bagay na alam niya o nakikilala niya sa libro. May mga detalye na siyang natatandaan, tulad ng mga hayop o bagay.
Gawain para sa cognitive development:
Ipagpatuloy ang pagbabasa ng mga libro kay baby, dahil mabilis ang pagkuha niya ng mga impormasyon sa edad na ito. Maglaan ng 20 minuto kada araw (kahit 2 beses pa sa isang araw) para sa pagbabasa at pagkukuwentuhan tungkol sa mga nabasa. Magtanong ng tungkol sa binasa, “Nasaan ang red apple?” o “Nasa’n ‘yong aso?”
Simulan na ang pagpapakilala ng mga kulay, hugis at numbers, pati na pagbibilang ng mga bagay sa paligid. Bigyan siya ng ilang mga instructions, at magugulat ka sa kaya na niyang sundin o gawin.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung hindi nakakasunod sa simpleng utos o instructions
- Kung hindi nakakakilala ng mga bagay sa paligid, kahit naituro na sa kaniya
- Kung hindi nahahanap o hinahanap ang mga nakatagong bagay
Toddler development ng 13 buwan: Social at Emotional Development
Ang iyong 13 buwang gulang na anak ay nagsisimula nang makilala at maintindihan ang mundong ginagalawan niya—pero mahirap nga lang siyang intindihin ng mga nakatatanda sa paligid niya. Mabilis na nagde-develop ang utak niya, at dahil maikli lang din ang pasensiya niya, magpapakita siya ng frustration at pagkabagot.
Marami na ring emosyon na ipapakita si baby, pati na ang mga hindi kaaya-aya. Mahihirapan ka na ring magpalit ng nappy niya dahil madalas ay ayaw niyang humiga at tumigil na gumalaw—aba’y marami pa siyang gustong matuklasan s paligid niya, e.
Maraming bata sa edad na ito ang puro “ayaw” at “no” ang bigkas. Matigas ang ulo, sabi ng matatanda, pero likas lang ito sa mga isang-taong-gulang dahil nga nadidiskubre pa lang niya ang kaya niyang gawin. Kailangan niya ng gabay ng magulang kaya’t huwag din siyang pababayaan nang hindi napapaalam sa kaniya na nandiyan ka lang sa tabi, at tutulungan siya kung kailangan.
Magiliw na rin siyang nakikipaglaro sa mga tao kahit bagong kakilala pa lamang. Ikatutuwa na rin niya ang pakikipagkilala at pakikipaglaro sa mga batang ka-edad niya, at natututo na ring tumingin sa mata ng mga kausap at kalaro.
Mga gawain para sa socio-emotional development:
Patuloy na tinutuklas ni baby ang maraming bagay sa paligid niya, tulad ng konsepto ng object permanence. Pagkatapos ng peek-a-boo, subukan ang taguan kasama si baby. Maigi ito para sa mga toddlers na may separation anxiety pa din. Maglaro din ng mga games na nagtuturo ng pagpapangalan sa mga emosyon na nararamdaman nila. Ipakita at iparamdam din kay baby na naiintindihan mo ang nararamdaman niya kapag malungkot o galit siya, at nariyan ka para tulungan siya.
Kung kinakailangang magpaalam kay baby dahil aalis ka, huwag pahabain ito. Oo, masakit sa loob na iwan siyang umiiyak at humahabols sa iyo, pero mas mahihirapan siya kapag tumagal pa ang paalam.
Alam mo bang ang galing niyang manggaya ngayon? Kaya naman pakitaan siya ng pinakamatamis na ngiti para ito ang gayahin niya. Bilinan din ang maiiwang tagapag-alaga niya na padalhan la ng litrato ng nakangiting baby pagkaalis mo para din hindi mo siya ma-miss ng sobra. Iiyak si baby, oo, pero makakalma din siya paglipas lang ng ilang minuto pag-alis ni Mommy o Daddy. Kaya relaks lang.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung patuloy na may anxiety separation issues si baby, at hirap itong kumalma
- Kung hindi nakikitaan ng emosiyon si baby, o anumang interes sa pakikipag-usap o pakikipag-laro.
Toddler development ng 13 buwan: Speech at Language Development
Ang unang language ni baby ay “body language.” Kung nagsasanay ka sa sign language, ito na ang pinakamagandang panahon para mapagbuti ito. Mabilis ang pagkatuto niya ng bokabularyo at mga salita, bagamat hindi pa ito nabibigkas. Pero sa ngayon, nadagdagan na rin ang mga salitang kaya niyang sabihin, tulad ng “hello” at “bye”.
Minsan ay mauubos ang pasensiya ni baby, kaya nga mag-aalboroto ito, pero huwag tumigil sa paghihikayat sa kaniya. Ibigay sa kaniya ang buong atensiyon kapag nagsusubok siyang magsalita o may sabihin sa iyo. Mag-ingat din sa mga sinasabi sa harap niya dahil nakikinig siya palagi at mapupulot niya ang mga salita at expressions na naririnig.
Mga gawain para sa language development:
Patuloy na kausapin si baby ng mabagal at malinaw ang pananalita, at gumamit ng kumpletong pangungusap.
Ugaliin din ang pagbabasa palagi, at hikayatin si baby na ituloy ang kuwento o ituro ang mga litrato ng mga salitang binabanggit habang nagkukwento. Magpatugtog o kumanta ng mga nursery rhymes at kantang pambata na may mga galaw, para makadagdag sa bokanularyo niya.
Maglaro ng name game! Ituro ang iba’t ibang bahagi ng katawan niya at sabihin ang pangalan nito. Magugulat ka sa bilis ng pagkatuto niya at maaalala niya ang mga salitang ito.
Kailan dapat kumunsulta sa doktor:
- Kung hindi tumutugon sa tawag ng pangalan niya
- Kung hindi pa bumibigkas ng kahit anong pantig o salita, pati Mama o Dada
Toddler development ng 13 buwan: Kalusugan at Nutrisyon
Ang karaniwang timbang ng bata ngayon ay nasa 8.8 hanggang 11.0 kg, at ang haba niya ay nasa 70.0 cm hanggang 79.3 cm. Patuloy siyang nagsusubok ng iba’t ibang pagkain, pero huwag mag-alala kung mapili ito at maraming inaayawan. Bigyan pa rin siya ng gatas, lalo na gatas ni Mommy, kahit pa umiinom na rin siya ng cow’s milk. Mabuti ito para sa normal na growth at brain development. Ang mga pagkaing masustansiya at mayaman sa nutrisyon ang dapat na kinakain niya sa araw-araw. Iwasan muna ang mga sugary drinks, kung nais maiwasan ang early childhood tooth decay.
Nasa 1,000 hanggang 1,400 calories lang kada araw ang kailangan ng isang toddler, depende sa edad, sukat, at physical activity level ni baby. Sa kabuuan, kailangan niya ng 3 servings ng grains (kalahati nito ay whole grains), 1 serving ng prutas at 1 serving ng gulay, 2 servings ng protina, at 2 servings ng gatas kada araw. Katumbas ito ng kalahating pasta, 1 cup ng hiwa-hiwang prutas, 1 cup ng lutong patatas (mashed) at pinong gulay, kasama ang legumes, karne, 1/3 ng sukat ng iyong palad, at isang cup ng gatas o yoghurt.
May mga magulang na masayang hinahayaan na ang mga anak nilang kumain mag-isa at hindi sinusubuan. Marahil kailangan lang ng konting tulong, lalo na kung nakikitang masyado nang matagal, o naglalaro na lang si baby. Pero ang pagbibigay ng pagkakataon na gawin niya ito ng walang tulong ay mabuti para sa development niya. Asahang magkakalat ito, at baka magsubok pang ibato ang kinakain, o di kaya ay ihulog sa sahig. Huwag alalahanin ang kalat, pero sabihan siya nang maayos kung ano ang dapat at hindi dapat kapag oras ng pagkain.
Huwag kaligtaan ang mga bakuna ni baby sa edad na ito, tulad ng Haemophilus influenza type b (Hib) at meningitis C, kung hindi pa ito nakukuha ng bata nung nag 12 buwan na siya. Kailangan na rin niya ng bakuna para sa tigdas, mumps, rubella at pneumococcal infection.
Lahat ng bata ay nagde-develop sa sariling oras at panahon. May mga nakakalakad na ng 10 buwan pa lamang, at mayro’n naghihintay pa hanggang 16 buwang gulang. May mga toddlers na palangiti kahit sa mga hindi kakilala, pero may iba rin na mahal ang ngiti, at bibihirang makitaan nito. Tandaan na ang mahalaga ay malusog at masaya ang maliit na supling!
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/toddler-development-13-months