Hindi biro ang presyo ng mga toddler toys ngayon. Kung bibili ka naman ng mumurahin, para ka ring nagtapon ng pera dahil sira agad at itatapon din pihado. Ano nga ba ang hanap ng isang magulang sa laruang bibilhin para sa kaniyang anak?
Bilang isang guro at nanay, hanap ko sa isang laruan ang hindi kaagad mapagsasawaan at makakalakihan, at iyong kikiliti sa kaniyang pag-iisip at curiosity. Kailangang challenging, at makakatulong sa pagpapayabong ng pisikal, social-emotional, language at thinking skills niya habang lumalaki.
Ang mga toddlers ay sadyang curious at likas na mga explorers. Natututo sila sa pamamagitan ng pagtuklas ng mga bagay sa paligid nila. They learn by doing, ika nga. Sa paglalaro nila nadidiskubre ang iba’t ibang kakayahan at naeensayo ang mga natututunang skills. Ang mga laruan ang tools o instrumento nila para sa patuloy na pagkatuto. Minsan kasi nakakalimutan ng marami na sa paglalaro natututo ang mga bata ng mga bagong kaalaman at kakayahan. Dito rin sila unang natututo kung paano makibagay at makipag-ugnayan sa kapwa bata, pati na rin sa nakatatanda. Ang mabuting laruan ay ang uri na nakakatulong sa batang matuto, makisama, makipaglaro, at gamitin ang lahat ng talino niya, pisikal man o cognitively.
Parang napakadali namang bumili ng laruan, di ba? Papasok ka lang sa tindahan, pipili ka, basta pasok sa budet, ayos na. Hindi rin.
Sa dami ng pagpipilian, nakakalunod din. At sa panahon ngayon, napakahirap ang basta basta maglabas ng pera. Syempre gusto natin na may malaking kabutihang madudulot ang pinaglaanan natin ng budget.
Ano ba ang kailangang hanapin ng mga magulang pagdating sa toddler toys?
Pumili ng laruang maraming gamit o function.
Maraming laruan ngayon ang sulit bilhin dahil maraming pwedeng gawin o paggamitan, lalo na para sa isang curious na toddler. Gusto kasi ng mga batang paslit na ito na napaghihiwalay, pagkatapos ay napagkakabit ulit, hinihila, dinudugtong, at kung anu-ano pa. Pumili ng mga tinatawag na “open-ended”, payo ni April Rodriguez, senior teacher sa isang British Nursery sa Dubai, at nanay ni Khaedel. Ito yung mga laruan na maraming laro ang pwedeng gawin, at hindi lang iisa ang goal o objective. Nariyan ang mga lego, wooden blocks o plastic blocks na pwedeng gawing building, tower, castle, kotse, at marami pang iba. Ang mga ganitong laruan ang kumikiliti sa imahinasyon ng mga bata at tumutulong huminang sa problem-solving at logical thinking skills nila. Hindi lang dinidikta ng laruan (o instructions ng laruan) ang gagawin ng bata. Malaya silang gawin ang naiisip nila para dito, at ang larong “pretend” o kunwarian ay maraming kabutihang dulot sa paglinang ng cognitive skills o pag-iisip at talino ng bata.
Tandaan din na ang laruang maraming tugtog o galaw nang mag-isa, at hindi ang bata ang nagpapagalaw, ay hindi tahasang nakakatulong sa development ng isang bata. Kung ang laruan ang gumagawa ng iba’t ibang bagay, at papanuorin o papakinggan lamang ng bata habang nakaupo siya, ano ang maituturo nito sa kaniya? Pumili ng mga laruan na makakapag-enganyo sa bata na gumalaw at gumawa ng tunog o tugtog, hindi yung panonoorin o pakikinggan lang niya. Kung ang laruan ay nag-eencourage sa bata na gumalaw at gamitin ang isip, mas marami siyang matututunan dito.
Hanapin ang mga laruang malalaro ng bata hanggang sa paglaki.
Karaniwan, kapag uso ang biniling laruan, 2 o 3 beses lang ito kagigiliwan, pagkatapos ay nakatambak na sa kahon o ilalim ng kama—at di na ulit paglalaruan pa. Piliin ang mga laruan na mapapaglaruan pa rin kahit na mas malaki na ang iyong anak. Ayon kay Sandy Sternberg, hindi siya pumipili ng para sa iisang edad lamang pag bumibili ng laruan para sa mga anak na si Raesee at Rysyn. “I’m trying to be a minimalist and teach my kids to be the same,” kwento ni Sandy. Mga laruang classic at timeless, at educational ang palagi niyang binibili, dahil pwede itong maipasa sa mga kapatid o kaya’y mga pinsan o kakilala, kapag naglaon.
Nariyan ang mga laruan hayop, action figures, doll house (kahit para sa lalaki), tren o wooden train set, legos, mga iba’t ibang sasakyan (dump truck, construction vehicles, bus) na malalaki at gawa sa matibay na plastic, manyika at iba pang stufffed animals, wooden puzzles at malalaking jigsaw puzzles.
Pumili ng mga laruang nag-eengganyong mag-explore at humanap ng soulsyon sa isang problema.
Ang paglalaro ang nagbibigay sa mga bata ng pagkakataong maensayo ang mga kakayahan niya nang paulit-ulit. Ito ang mga uri ng laruan na nagbibigay ng pagkakataon sa bata na mag-isip at humanap ng solusyon sa isang problema o balakid. Nariyan na rin ang pagtulong sa kanila na ma-develop ang spatial relations skills o ang maintindihan kung paano pagsasamahin o pagdudugtungin ang iba’t ibang bagay o bahagi ng laruan, hand-eye coordination, at fine motor skills o paggamit ng small muscles ng kamay at daliri. Nariyan ang mga puzzles, shape-sorters, maliit na blocks, nesting blocks o cups (pinagpapatong-patong), art materials tulad ng clay o play dough, at crayons.
Mas mabuti ang mga laruang nakakatulong sa pagpapayabong ng imahinasyon at creativity ng bata.
Sa edad na 2 hanggang 3 taong gulang, marunong nang maglaro ng imahinasyon ang isang bata. Dito na siya mahilig magkunwari na siya ay isang superhero, hari, prinsesa, bumbero, pulis at iba pa. Mahilig na rin siyang magkunwari na ang hawak niyang mahabang lego ay isang espada, o di kaya’y ang bilog na wooden blocks ay niluto niyang hamburger. Magandang humanap ng mga laruang magagamit niyang props sa kaniyang paglalaro. Ang tinatawag na pretend ay tumutulong huminang sa language at literacy skills at problem-solving skills ng isang bata.
Nariyan ang mga costume o dress-up clothing, blocks, mga laruang pagkain at pinggan, action figures, stuffed animals at mga manyika, mga laruang tools (martilyo, screw driver, wrench, atbp.).
Bigyan din ang mga bata ng pagkakataong makawahak at makapaglaro ng mga totoong gamit, o mga gamit na mukhang totoo.
Tulad na nga ng musical instruments, batya, timba, laruang plantsa at kabayo. Natututo na kasi siyang mag-isip kung para saan ang mga gamit sa paligid niya, lalo sa loob ng bahay, tulad ng TV, remote control, lamp shade, at iba pa. Alam na rin niyang kalikutin ang cell phone ni Mommy, at kung anu ano pang gamit sa lames ni Daddy.
Bumili ng mga laruang pinggan at baso, lutuan, tea sets, laruang pagkain, tools, musical instruments, walis, plantsa, mop, brush at dustpan. Ito ang mga uri ng laruan na paborito laruan ng mga anak ni Sandy at Red Sternberg. Diin pa niya, ang mga ito ay hindi lamang pambabae, kundi kinagigiliwan din ng mga batang lalaki.
Mga laruan para sa literacy—pagbabasa, pagsasalita at pagsusulat.
Maiintindihan ba niya ang mga libro, e di nga siya marunong magbasa? Hindi niya man mabasa, ang pagpapakita at pagbababad sa isang bata sa mga libro at letra ay tumutulong sa paghinang ng literacy at language skills niya. Gumamit ng mga magnetic na alphabet letters, iba’t ibang art supplies tulad ng markers, crayons, at pintura, para matulungan siya sa pagbabasa at pagsusulat habang lumalaki. Hindi totoong napakaaga pa para sa kahit anong libro. Ang pagkahilig sa pagbabasa ay natututunan mula pagkabata, at ang exposure sa kahit anong “print material”, libro man o mga catalog, magazine, at kahit mga take-out menu ng mga fastfood restaurant ay makakatulong na masanay sa pagbabasa at literacy kahit bata pa. Sa bookshelf sa aming nursery school, naglalagay kami ng mga ganitong print materials dahil naaaliw din ang mga batang 2 taong gulang pataas na hawakan at tingnan ang mga ito. Ang paglalaro kasi ng mga ito ay nakakatulong na maging pamilyar sa mga titik, text at kahit anong naka-imprenta ang mga bata.
Maghanap ng mga laruang nakaka-enganyo sa mga bata na maging aktibo.
Malikot, magalaw at talagang aktibo ang mga toddlers, kaya dapat binibigyan sila ng mga laruang makakapagbigay ng pagkakataon na masanay ang physical skills nila. Ayon kay Teena Panga, teacher sa Community of Learners School for Children, at may 4 na anak, mas maigi kung ang mga laruan ay interactive. “Gusto ko yung may nagagawa yung mga bata, hindi yung pinapanood lang nilang gumagalaw o umaandar yung laruan,” dagdag niya. Lahat ng bata ay dapat may bola na iba’t ibang laki, trikes o mga tatlong gulong na sasakyan tulad ng scooter o bisikleta na may training wheels, bowling set, basketball hoop na pambata, mga laruang nahihila o pull-toys. Dagdag pa ang wagon, laruang gardening tools tulad ng mga shovel at rake, at mga laruang pwedeng lusutan at paglambitinan.
Subukan ang mga laruang maaaring laruin ng buong pamilya.
Paboritong ng mga anak ko ang mga board games tulad ng Monopoly at Life. Nariyan din ang chess, sungka, dama, Chinese Checkers, UNO, at iba pang mga kaparehong laro. Ito ang bonding time namin lalo na nuong maliliit pa sila. Magandang bonding time ang mga ganitong uri ng laro o laruan, kung saan ang mga bata ay maaaring maging kakampi o ka-koponan ng mga mas nakatatanda. Mga board games tulad ng memory games, at matching games ay larong para sa lahat ng edad a sa buong pamilya. Ang mga board games ay nakakatulong sa pagbibilang, pagbabasa, pagpapareha, memory skills at pakikinig din. Natututo din ang mga bata tungkol sa pagsunod sa rules habang nahihinang ang language at social-emotional skills nila. Higit sa lahat, natututo rin silang tanggapin ang pagkatalo, at malaman na hindi lahat ng pagkakataon ay mananalo ka.
Siguraduhing ligtas para sa maliit na bata.
Safety ang prayoridad ng isang magulang, kahit anong edad pa ang anak nito. Kailangang siguraduhin na hindi makakalas at walang parte ang laruan na isusubo at malululon ng bata. Pag-aralang mabuti ang laman at lahat ng bahagi ng isang laruan bago bilhin, at bago ipalaro sa bata. Payo ni Teacher Teena, kapag para sa toddler, dapat ay malalaki at siguraduhing hindi nakakasugat ang materyal nito, tulad ng Duplo o Mega-Blocks, o mga malalaking uri ng lego blocks. Kung may butas, tulad ng mga construction toys na pinagdudugtong-dugtong, sukatin ang daliri ng bata, at subukan kung may panganib ba na maipasok ng bata ang daliri niya at maipit siya dito. Mas mainam nang maging sigurado kaysa pagsisihan sa huli, kapag nasaktan na ang bata.
Higit sa lahat, dapat ay gusto ng bata.
Isaalang-alang ang gusto o interes ng bata. Mahirap ding ipilit ang kotse kung ang gusto ng anak mo ay manyika, o vice versa. “Parents should consider the interest of their child, because each child is unique,” paliwanag ni April. Mahalagang maibigay ng magulang ang mga kailangan ng kaniyang anak, ayon sa developmental needs nito. Kapag bumibili o pumipili ng laruan para sa anak, itanong sa sarili kung siya ba ang may gusto nito, o ikaw? Huwag ding mapako sa gender-specific na laruan. Sa panahon ngayon, walang laruan na para lang sa lalaki o para lang sa babae. Hayaang maglaro ng manyika ang mga lalaki, o kotse ang mga babae, kung gusto nila. Walang kinalaman ang napili nila sa kanilang sexual preference pagdating ng panahon. Naglalaro lamang sila ngayon, kaya’t hayaan silang mag-enjoy. Sa classroom ko na may mga 2 hanggang 3 taong gulang na mga bata, paborito ng lahat, babae man o lalaki, ang paglalaro ng mga gawaing bahay tulad ng pagluluto sa laruang kusina, at pati pagpaplantsa. Dahil ito marahil sa nakikita nilang ginagawa ng mga magulang o nanny sa kanilang bahay. Hindi ba’t mabuting matuto ang mga bata ng gawaing bahay—hindi lang ang mga batang babae?
Tandaan din na ang mga laruan napili ng mga magulang o adults para sa mga bata ay nagpapakita ng mga values—o mga bagay na nagpapakita ng kung ano ang mahalaga sa taong bumibili nito. Dito makikita kung ano ang mahalaga para sa isang tao pagdating sa skills, pagkakakilanlan, at pamilya.
Hindi rin lahat ng laruan ay nabibili. Minsan, mas gusto pang laruin ng mga bata ang kahon, kaysa ang mamahaling laruan sa loob nito. Sa aming nursery, nag-iipon kami ng mga kahon ng cereal, facial tissue, sabon, at iba pa, at binabalot namin ng diyaryo at plastic o tape, at iyon ang nilalaro ng mga bata imbis na mamahaling lego o blocks. Eco-friendly na, hindi pa nakakasakit sa bata kapag tumama sa ulo o anumang bahagi ng katawan. Pwede ring gawing kotse, trak, “doll house” o “play house” ang mga malalaking kahon ng refrigirator o washing machine. Kailangan lang maging creative sa pagdedekorasyon at pagpipinta nito. Maghanap sa Internet ng mga disenyo para makatulong kung hindi sigurado kung paano gawin.
Sa huli, ang mahalaga ay may natututunan ang mga bata, at magdudulot ang laruan ng kasiyahan sa mga bata.
SOURCES:
12 Tips for Choosing Toys for Your Child ni Marie Hartwell-Walker, Ed.D.
Photo: pxhere.com
READ: 8 Dangerous toys you should keep out of your child’s reach