Tongue tie sa baby, ano ang kondisyong ito?
Sa artikulong ito ay mababasa ang mga sumusunod:
- Ano ang tongue tie sa baby?
- Ano ang dapat gawin kung may tongue tie si baby.
Ina na hirap magpadede ng baby niya
Kahit na may dalawa na akong anak, may mga bagay parin akong hindi alam pagdating sa pag-aalaga ng bata. Tulad ng nangyari sa bunso kong anak na natuklasan kong may tongue tie pala.
Naipanganak ko ng normal ang aking bunso. Ang kaniyang katawan ay malusog at tama rin ang bigat at laki niya.
Matapos ang ilang araw ng panganganak ko, ay lagi akong puyat sa pag-aalaga sa aking baby. Akala ko ay ganoon talaga ang mga sanggol na lalaki, parang hindi nabubusog at lagi lang gusto ang dede ng dede.
Sa pangalawang linggo ng pag-aalaga ko sa aking newborn baby ay nakaramdam na ko ng pagod. Halos sumuko na ko sa pagpapasuso sa aking anak, at naisip na padedein nalang siya ng formula milk.
Nang mga panahong iyon ay naisip ko rin mag-resign na sa trabaho at mag-focus nalang sa pag-aalaga sa mga anak ko. Sabi ko noon sa sarili ko, fulltime housewife na ako pero bakit hindi ko papasusuhin ng ekslusibo ang anak ko?
Sa kabilang banda ay napapaisip din ako. Ano kaya ang dahilan bakit tila hindi nabubusog ang baby ko?
People photo created by pvproductions – www.freepik.com
Si baby ay may tongue tie pala
Nang dalhin ko sa doktor ang aking baby para sa kaniyang monthly check-up ay doon ko nalaman na hindi nadadagdagan ang kaniyang timbang. Ito nga ay mababa sa standard weight ng sanggol sa kaniyang edad.
Nagsimula akong maghanap ng impormasyon tungkol sa ano kayang mali sa aking anak. Iniisip kong maaaring may mali sa pagpapasuso ko sa kaniya o kaya naman ay may problem sa digestive function ng aking baby. Hanggang sa makabasa ako ng artikulo tungkol sa tongue tie.
Matapos mabasa ang mga artikulong ito, natuklasan ko ang tungkol sa kondisyon na tongue tie. Ito ay kilala rin sa tawag na ankyloglossia.
Tongue tie sa baby o ankyloglossia
Ito ay isang abnormality sa dila ng isang sanggol na kung saan ang frenulum sa kaniyang dila ay maikli. Dahil dito ay hindi makagalaw ng maayos ang dila ng sanggol. Ang tongue tie base sa mga tala ay mas madalas na nararanasan ng mga baby na lalaki kumpara sa mga babae.
Doon ko nalaman na kaya pala hirap magdede ang baby ko, may tongue-tie pala siya.
Kaya naman pala hindi ko naranasan ang hirap ng pagpapasuso sa aking naunang anak. Matapos niyang sumuso ay maayos at mahimbing ang kaniyang tulog. Hindi tulad ng bunso ko na parang hindi nabubusog at hindi tumataba kahit anong dalas ng pagpapasuso ko sa kaniya.
Ano ang tongue tie sa mga baby?
Ayon sa mga eksperto, ang tongue tie ay walang seryosong epekto sa kalusugan ng isang sanggol. Bagama’t maaari itong magdulot ng malaking kabawasan sa timbang.
Para malunasan ang tongue tie at ang epekto nito ay maaaring sumailalim sa frenotomy o frenuloplasty ang isang sanggol. Frenotomy ang ginagawa sa mga tongue tie na mild at frenuloplasty sa mga mas severe ang tongue tie condition. Ang mga ito ay uri ng surgery.
BASAHIN:
Tongue tie in babies: Everything you need to know about this condition
How tongue and lip tie issues can hinder breastfed babies’ healthy growth
Mga epekto ng tongue tie sa isang sanggol o bata
Ang isang bata na may tongue tie ay maaring makaranas ng problema sa kaniyang development. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Breastfeeding problems
Ang mga baby na may tongue tie ay mahihirapang dumede ng maayos. Imbis na sipsipin ang nipple ay mangunguya nila ito. Kaya naman hindi sila makakakuha ng nutrisyon na kailangan nila mula sa gatas. Ito ay maaring makaapekto sa kanilang kalusugan at labis na makaapekto sa maliit at mahina pa nilang katawan.
Speech difficulties
Ang pagkakaroon ng tongue tie ay maari ring makaapekto sa pagsasalita ng isang bata. Partikular na sa pagsasalita niya sa mga words na nagsisimila sa mga letrang t,d,s,z,th,l at r.
Poor oral hygiene
Ang dila ay nagagamit din sa pagtanggal ng mga tinga o tirang pagkakaipin na naiipit sa ngipin. Dahil sa ito ay nagagalaw ay nagagawa nating maabot ang mga tirang pagkain kahit pa sa pinakasulok ng ating gums o ngipin. Pero para sa mga may tongue tie, mahirap itong gawin. Kaya naman isa sa maaring maging epekto ng kondisyon sa isang bata na nagtataglay nito ay poor oral hygiene. Ang poor oral hygiene maaring magdulot ng tooth decay at gingivitis o pamamaga ng gilagid.
Dahil sa kondisyon ay maari ring hindi magawa ng isang bata ang ilang oral activities. Gaya nalang ng pagdila ng ice cream o paggamit ng mga wind instruments.
Ano ang dapat gawin para matulungang makasuso ng maayos ang isang tongue tie baby
Hindi lang naman basta surgery ang solusyon sa tongue tie sa baby. Ayon sa mga eksperto ay hindi rin malaking hadlang ito para makasuso ng maayos si baby.
Bagama’t may mga natural na hakbang na maaring gawin para matulungan sa pagpasuso ang isang tongue tie baby. Ang mga ito ay ang sumusunod:
1. Tulungan si baby na makasuso ng maayos.
Dapat ay maka-latch ng mas malalim o sagad sa iyong nipple si baby. Ito ay para makadede siya ng mas maraming gatas at mabawasan rin ang pananakit sa iyong nipples.
Mainam din na siguraduhing hindi masyadong puno ang iyong suso sa tuwing padedehin si baby. Ito ay para mas madali siyang makasuso. Dapat ang kaniyang baba o chin ay naka-posisyon ng bahagyang nakataas para maraming gatas ang pumasok sa bibig niya.
2. Gumamit ng breast pump.
Hindi dapat piliting pasusuhin ang tongue tie baby kapag matigas ang iyong suso. Mabuting i-pump muna ang gatas mula dito.
Ang mga na-pump na gatas ay puwedeng ibigay sa kaniya gamit ang pipette o kutsara. Pero kung maari ay mas mabuting i-exclusive breastfeeding siya para mas makasanayan niya ito.
3. Masahiin ang iyong suso bago magpa-breastfeed.
Masahiin ang iyong suso isang minuto bago magpa-breastfeed. Pindot-pindutin ang areola gamit ang iyong daliri. Ito ay para mas lumambot ang iyong suso at mas madaling makasipsip ng gatas ang dila ng iyong sanggol.
4. Humingi ng tulong sa isang lactation consultant.
Kung hirap parin sumuso ang iyong baby ay mabuting humingi ng tulong sa isang lactation consultant. Mas magagabayan ka nila sa mga dapat at hindi dapat gawin para mas makasuso ang isang tongue tie baby.
5. Ipa-konsulta si baby sa doktor.
Dapat ding isaisip na hindi lang tongue tie ang posibleng dahilan kung bakit hirap na sumuso o hindi nagdagdag ng timbang ang isang sanggol. Marami pang maaring maging factors o dahilan nito. Kaya para makasigurado ay mas mainam na magpakonsulta sa doktor para matukoy ang tunay na kondisyon ng iyong anak.
Ano ang mga palatandaan na dapat mo ng ipakonsulta sa doktor ang iyong anak?
Bagamat may mga hakbang kang dapat gawin para matulungan ang iyong anak, may mga palatandaan ka ring dapat tingnan na senyales na dapat mo ng dalhin sa doktor ang iyong anak. Ang mga ito ang mga sumusunod na palatandaan.
- Nahihirapan na siyang sumususo o dumede sa kabila ng ginagawa mong hakbang o pagtulong sa iyong sanggol.
- Naapektuhan na ang speech o pagsasalita ng iyong anak dahil sa tongue tie.
- Nagrereklamo ang iyong anak na nagiging malaking sagabal na sa kaniyang pagkain at pagsasalita ang tongue tie.
Mas mabuti na lagi kang sigurado. Kaya naman kung nararamdaman mong labis na nakakasagabal sa maayos na development ng iyong anak ang kaniyang tongue tie ay agad na siyang dalhin sa doktor. Ito ay para magawa ang pinakamainam na hakbang upang maitama ang kaniyang kondisyon.