Isa sa pinakainaabangan nating milestone ng ating anak ang pagsisimulang tumubo ng kanilang mga ngipin. Kaakibat nito ang pag-iisip kung anong toothpaste para sa baby ang mainam nating ipagamit sa kanila.
Minsan, bago pa sila tubuan, nagtatanong-tanong na tayo, nagre-research, o kumokonsulta sa kinauukulan kung paano sila dapat sepilyuhin at kailan dapat simulan.
Hindi rin maaaring mawala ang pagtatalo kung dapat na nga ba natin silang gamitan ng toothpaste na may fluoride, o kailangan pang ipaghintay ng tamang edad ang kanilang mga ngipin bago ito sepilyuhin nang may fluoride? Ilan lamang ang mga ‘yan sa maraming usapin sa oral health ang ating hiningian ng paliwanag kay dok.
Talaan ng Nilalaman
Ang milk teeth at iba pang mahahalagang impormasyon tungkol dito
Ang milk teeth ang unang set ng ngiping tumutubo sa mga baby. Maaari itong magsimula sa edad nilang 6 na buwan, at asahang makukumpleto kapag 2 ½ hanggang 3 taong gulang na sila.
Pagtuntong ng ika-6 hanggang ika-12 taong gulang ng bata, napapalitan ang unang set na ito ng tinatawag na permanent teeth.
Ayon kay Dr. Kimberly Ong-Salonga, isang eksperto sa pediatric dentistry, kung malusog ang milk teeth, kusa itong matatanggal o mabubunot dahil nilulusaw na ng tumutubong permanent teeth ang mga ugat nito.
Mawawalan ito ng kapit sa buto, o sa gums, kaya kusa itong uuga hanggang unti-unting mabunot, pero hindi dapat nasisira lalong hindi dapat nabubulok.
Isa lamang sa mga myth o maling paniniwala aniya na ayos lang mapabayaan ang milk teeth ng mga bata—masira hanggang mabulok—sapagkat mapapalitan din naman ito.
Pahayag ni Dok,
“Siyempre kung maaga siyang nabulok and then maraming puwedeng mangyari don sa ilang taon na ‘yon; puwedeng sakitan ng ngipin ang bata, puwedeng magkaroon ng infection.
So, kame ina-advocate pa rin talaga namin na alagaan ‘yong milk teeth kahit mapapalitan pa rin sila ng permanent teeth.”
Rekomendadong toothpaste para sa baby ayon kay Dok
Kabilang pa sa madalas na palaisipan para sa mga magulang kung, “Kailan ko ba dapat simulang sepilyuhin o i-toothbrush ang baby ko?” O kaya naman, “Ano kayang toothpaste para sa baby ang dapat kong gamitin para sa kaniya?”
Paglilinaw ni Dr. Ong-Salonga, dapat nang masimulan ang pagto-toothbrush sa baby sa oras pa lamang na mapansing may tumutubong milk tooth sa gums nito. Kahit hindi pa tuluyang nakalalabas nang buo ang ngipin.
Gayundin, kailangan nang gumamit ng toothpaste na may fluoride sa paglilinis ng ngipin ni baby kahit maliit pa lamang ang tubo nito. Ito ang magpapatibay sa ngipin ng bata sa unang yugto pa lamang.
Dagdag pa ni Dr. Ong-Salonga,
“Ang number one na dapat iwasan ay ‘yong sinasabing walang fluoride. Kailangan may fluoride. Ang amount ng fluoride na recommended namin na gamitin kapag tumubo na ‘yong milk tooth ay ‘yong 1000 ppm o parts per million of fluoride.”
Aniya, isa pa sa mga myth at maling paniniwalang hindi dapat bigyan ng toothpaste with fluoride ang mga bata dahil hindi pa sila marunong dumura. Maaaring malunok ang fluoride kung kaunti lamang ang amount na ilalagay sa toothbrush ng bata.
Paliwanag pa niya,
“So, as soon as tumubo na ‘yong unang milk tooth until mag-3 years old ‘yong bata dapat smear lang o parang pahid lang.
Tapos pagdating ng 3, puwede niyo na siyang i-shift to pea-sized; pea-sized amount of toothpaste. Ang important talaga is makagamit na talaga sila ng toothpaste na may fluoride na 1,000 ppm,”
Hindi bababa ng dalawang beses sa loob ng isang araw nag rekomendadong bilang ng pagsesepilyo sa ngipin ng bata. Mas mainam pa nga kung magagawa itong tatlo hanggang apat na beses araw-araw.
Ipinapayo rin ni dok na i-toothbrush ang bata, “At least 30 minutes to an hour after nilang kumain.”
Ayon sa kaniya, ito ay upang hindi maabala ang pagtunaw ng mga acid (na ipino-produce ng salivary glands o laway natin matapos tayong kumain) sa mga naiwang food sa loob ng bibig.
Kahalagahan ng milk teeth at ng tamanag pangangalaga rito
Tampok sa mga naunang paliwanag ni Dr. Ong-Salonga ang maraming myth o haka-haka pagdating sa pangangalaga ng ngipin, lalo na ng mga bata.
Para liwanagin ang mga nabanggit, narito ang tatlong pangunahing kahalagahan ng pagpapanatiling malusog at maayos ng milk teeth.
- Ang milk teeth ang pangunahing gamit ng mga bata para maaayos na makanguya tuwing kumakain.
- Ang pagkakaroon ng maayos at kumpletong ngipin ay tumutulong para sa maayos ding speech development o speech skills ng bata.
- Malaking factor ang pagkakaroon ng magandang ngipin kahit sa murang edad pa lamang ng mga bata dahil nakatutulong itong hubugin ang tamang confidence nila sa sarili. Naiiiwas din nito ang ibang batang magkaroon ng dahilan para i-bully kung sira, kulang-kulang, o bulok ang ngipin ng sinoman.
- Higit sa lahat, milk teeth ang nagsisilbing giya o guide ng permanent tooth sa kanilang pagtubo upang maiwasan ang kaso ng pagsusungki ng mga ngipin.
Siyempre pa, ang hindi pangangalagang mabuti sa milk teeth ay may kaakibat na masasamang epekto.
May mga pagkakataong nareremedyuhan ang sira at napabayaang ngipin ng bata sa pamamagitan ng pasta. Pero ayon kay dok, kung sumasakit na ang ngipin at namamaga, delikado nang mapanatili pa ang sirang ngipin dahil “irreversible na ‘yong infection doon sa ngipin.” Ito ang mga kasong kailangan nang bunutin ang ngipin.
Ano ang mangyayari kung hindi ipabubunot ang ngiping sira at namamaga? Narito ang ilan sa ibinahagi sa atin ni Dr. Ong-Salonga.
-
Pagkakaroon ng toothache o pananakit ng ngipin.
Isa ang toothache sa mga pangunahing dahilan ng pagliban ng mga bata sa eskuwela. Bukod sa hindi sila makako-concentrate, hindi biro ‘yung sakit na nararanasan nila gawa ng namamagang ngipin at gums.
-
Nako-compromise ang nutrisyong dapat na nakukuha ng bata.
Hindi sila nakakakain nang maayos, kahit pa gusto nila ang pagkain at makabubuti ito para sa kanila. Oras na na-trigger ng pagkain o pagnguya ang bahaging sira at namamaga ang ngipin, wala silang ibang magawa kundi tumigil sa pagkain.
-
Maaaring kumalat sa gilagid ang infection at magkaroon ng abscess.
Ito ‘yung pagnananang idinudulot ng infection galing sa sirang ngipin. Kapag ganito, maaaring mamaga ang mukha ng bata.
-
Ang paghalo ng abscess sa bloodstream o daluyan ng dugo ng bata.
Kapag kumalat ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan, maaapektuhan maging ang ibang organs. Nariyan ang mata, ilong, at iba pang malapit lamang sa ating bibig. Sa iba pang kaso, nagkakaroon din ng brain abscess ang bata dulot ng bulok na ngipin.
Tooth care tips para sa milk teeth ni baby
Dahil kaisa si Dr. Ong-Salonga sa mga nagsusulong ng tamang pangngalaga sa oral heath ng bawat isa sa atin simula pa lamang sa pinakaunang yugto ng pagngingipin ng mga bata, nagbahagi siya ng iba’t ibang tips dapat sundin ng mga magulang alang-alang sa kanilang mga anak. Bukod sa toothpaste para sa baby, narito ang mas detalyado pang mga pamamaraan ng pangangalaga sa ngipin ng ating anak.
1. Bigyang-proteksyon ang mga ngipin sa unang yugto pa lamang nito sa pamamagitan ng fluoride.
Makukuha ito sa mga toothpaste para sa baby na mayroong at least 1,000 parts per million (ppm) fluoride. Karaniwan namang nagtataglay nito ang mga commercially available toothpaste sa market.
Isa pang source nito ang fluoride na inia-apply lamang ng mga dentist. As early as one year old na si baby, dalhin siya sa dentist para malagyan ng espesyal dahil mas concentrated na fluoride. Inia-apply ito sa pagitan ng kada 3-6 buwan.
2. Kailangang malinis nang mabuti ng mga magulang o tagapag-alaga ang ngipin mula baby pa lamang ang bata.
Ang paghikayat nila na magkaroon ng dental visit ang parents kasama si baby sa unang tubo pa lamang ng ngipin nito ay para maituro ang tamang pagsesepilyo sa baby. Mahalaga ang tamang pangangalaga ng mga magulang—sa araw-araw sa loob ng tahanan—sa ngipin ng baby; kahit pa dalhin sa dental clinic ang bata regularly kada 3-6 buwan.
3. Bigyan lamang ng masusustansiyang pagkain si baby.
Umiwas sa mga sobrang matatamis at maasukal tulad ng chocolates, gummy bears, iba’t ibang klase ng candy, at iba pa.
4. Magkaroon ng regular dental visit para sa bata.
Sa simula pa lamang ng pagtubo ng unang ngipin ng baby hanggang lumalaki ito, inirerekomenda ang regular na pagpapa-check up sa dentist para sa mga pagma-maintain ng kalusugang pangngipin. May kakayahan silang masuri ang mga cavities at sira sa ngipin ng baby na hindi basta napupuna ng mga magulang.
5. Mahalagang sanayin ang mga anak na ang pinakahuling activity na sa gabi ang pagto-toothbrush bago sila matulog.
Para kina dok, simula 1 ½ hanggang 2 taong gulang ang bata, dapat unti-unti na itong maawat sa pagdede, at solid foods na ang pangunahing magiging source of nutrients.
-
Breastfed baby o dumedede sa nanay
Para sa mga baby na breastfed walang kaso kung gusto silang padedehin nang mas mahaba pang panahon kaysa 2 taon. Pero tagubilin ni Dr. Ong-Salonga, i-toothbrush pa o painumin ng tubig ang baby pagkatapos nitong humakab o mag-latch. Para hindi manoot sa singit-singit ng ngipin, dila, at gums ang gatas mula sa pagdede.
-
Formula-fed at bottle-fed baby
Para naman sa mga formula-fed at bottle-fed o iyong sa bote dumedede, huwag hayaang makatulugan nila ang pagdede.
Masyadong matamis ang content ng formula milk, kaya nagiging sanhi rin ito talaga ng pagkasira ng ngipin ng bata lalo na kung nabababad hanggang sa kanilang pagtulog.
Tulad ng breastfed, ipag-toothbrush sila o painumin ng tubig bago matulog. Huwag hayaang makatulugan ang bote kaya dapat silang bantayan.
Bilang panghuli, nais ipaalala ni Dr. Ong-Salonga ang mga katagang “better teeth for better health.” Para sa kaniya, hindi na dapat less priority ang oral health ng bawat isa sa atin, lalo na ng mga bata, dahil bahagi rin ito ng general well-being ng isang bata.
Aniya pa, hindi lamang ubo, sipon, at lagnat ang senyales na may problema ang pangkalahatang kalusugan ng bata, kundi maging ang sumasakit o sirang ngipin.
Interview with Dr. Kimberly Ong-Salonga, DDM, a pediatric dentist at KidsCare Dental, based at City of Malolos, Bulacan.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.