May mga trabaho para sa mga nanay na maari nilang gawin habang sila ay nag-aalaga ng kanilang mga anak o ng hindi umaalis sa kanilang bahay. Tulad ng regular na trabaho sa isang opisina, karamihan ng mga trabaho na ito ay nangangailangan din ng skills at background para maayos na maibigay ang demands ng mga kumpanya o kliyenteng pagtratrabahuan.
Bagamat ang mga trabaho para sa mga nanay na ito ay maaring gawin sa bahay, hindi naman nalalayo ito sa mga trabahong ginagawa sa isang opisina. Tulad ng mga trabaho pang-opisina, may pantay na karapatan din ang mga empleyadong nagtratrabaho sa bahay at ang mga empleyadong kailangan pumapasok araw-araw sa isang kumpanya.
Ang mga karapatan nga na ito ay kamakailan lang nabigyan ng pansin matapos kilalanin at gawing isang ganap na batas na ang Work from home law o Telecommuting act na tumutukoy sa mga empleyadong nagtratrabaho sa bahay o ibang lugar sa pamamagitan ng laptop o computer na hindi kinakailangang pumasok at magpunta pa sa opisina.
Mukhang masarap pakinggan at perfect sayo hindi ba? Kaya naman kung ikaw ay nag-paplanong maghanap ng trabaho na iyong magagawa habang nasa bahay, narito ang iba’t-ibang home-based jobs in the Philippines na maari mong pagpilian.
Mga trabaho para sa mga nanay na pwedeng gawin sa bahay
1. Writer
Isa sa mga trabaho para sa mga nanay na maari mong gawin habang ikaw ay nasa bahay ay ang maging isang writer. Perfect ito sayo lalo na kung ikaw ay may talent sa pagsusulat o pag-o-organize sa mga salita bilang isang kumprehensibong artikulo na magpapaliwanag o magbibigay impormasyon tungkol sa isang topic o balitang kailangang maipaabot sa publiko.
Ang isang homebased writer ay maaring kumita ng P600-P1,500 kada 300 to 700 word web article o halos P20,000 plus buwan-buwan.
2. Virtual Assistant
Isa sa pinaka-in demand na trabaho online o maaring gawin sa bahay ay ang pagiging isang virtual assistant.
Ang isang virtual assistant ay humahawak ng mga administrative tasks ng isang kliyente mula sa kaniyang personal affairs hanggang sa mga business related na duties. Ilan sa mga trabahong ginagawa ng virtual assistant ay email handling, transcription, data entry, calendar management at iba pa na nakadepende sa pangangailangan ng kliyenteng makukuha mo.
Sa isang buwan, ang isang virtual assistant ay maaring kumita ng hanggang P20,000 na kadalasan ay nakadepende sa experience at galing sa isang trabaho.
3. Home-based call center agent
Tulad din ng mga office-based call center agents, ang mga homebased call center agents ay nagbibigay rin ng serbisyo sa mga customer sa pamamagitan ng pagsagot ng tanong at pagbibigay ng kanilang kailangan over the phone. Sa pagiging homebased call center agent ay kailangan mong maging good listener upang iyong maintindihan at malaman ang kailangan ng iyong customer na makakausap mo lang sa pamamagitan ng telepono.
Ang ibang homebased call center agents naman ay nag-coconcentrate sa sales o ang pag-gegenerate ng new clients’ o new contracts para sa kumpayang pinagtratrabahuan.
Ang isang homebased call center agent ay maaring kumita ng mula P15,000 hanggang P25,000 kada buwan depende sa oras na ilalaan mo sa pagtratrabaho.
4. Online English Tutor
Kung magaling ka naman sa Enligsh language na kadalasang hinahanap ng mga employer na gustong matutong magsalita ng Ingles perfect sayo ang maging isang Online English Tutor.
Bilang isang tutor ay magkakaroon ka ng isang estudyante na makakausap at matuturuan mo sa pamamagitan ng video calling. Sa pagiging tutor dapat ikaw ay magaling magpaliwanag upang maintindihan ng iyong estudyante ng maayos ang iyong itinuturo. Ang kailangan mo lang dito ay isang dependable na laptop o computer, mabilis na internet at isang headset para mas magkaintindihan kayo ng estudyante mo.
Ang isang English Online Tutor ay maaring kumita ng mula P16,000 to P20,000 pataas sa isang buwan.
5. Social Community manager
Kung ikaw naman ay laging naka-online sa mga social media sites, maari mo ng pagkakitaan at gawing trabaho ito sa pagiging isang Social Community Manager.
Bilang isang social community manager ay kailangan mo lang i-represent ang brand o kliyente na iyong pinagtratrabahuan sa online community o social media sites. Maliban sa online communications, ang isang social community manager din ay responsible sa mga PR and marketing efforts ng kumpayang pinagtratrabahuan pati narin ang content creation na inilalabas sa social media.
Ang isang social community manager ay maaring kumita ng P5,000 to P8,000 sa kada isang account na iyong mahahawakan.
6. Content marketer
Ang trabaho ng isang content marketer ay ang pag-popromote ng pangalan ng isang brand online sa mga platforms gaya ng social media, e-books, blogs at iba pa. Kung gusto mong maging isang content marketer dapat ikaw ay marunong pumili o maghanap ng mga relevant contents na magiging interesting sa mga makakabasa para mas ma-promote ang brand o kumpanya na nirerepresent mo.
Ang isang content marketer ay maaring kumita ng P20,000 to P25,000 sa isang buwan.
7. Graphic Artist/Designer
Kung ikaw naman ay marunong gumamit ng mga design softwares gaya ng Adobe Illustrator, Photoshop o CorelDRAW swak ito sa iyo. Kailangan mo lang ay i-combine ang skills mo na ito sa talent mo na magproduce ng mga visually attractive collaterals o materials na magagamit ng iyong kliyente para sa kanilang marketing at advertising efforts.
Ang isang graphic artist ay maaring kumita ng mula P12,000 hanggang P17,000 kada buwan.
8. Web developer
Kung ikaw naman ay medyo techy at may background skills sa programming languages gaya ng HTML at Javascript, pwede kang maging isang Web developer. Mula sa pangalan nito, ang isang web developer ay ang taong responsable sa pagggawa ng framework o design ng isang website.
Ang isang web developer ay maaring kumita ng P15,000 hanggang P30,000 kada buwan depende sa hirap at demand ng kailangang gawin sa isang website.
9. Project manager
Kung magaling ka naman sa coordination at may excellent team leading skills, ang pagiging project manager naman ang homebased job na dapat sayo. Sa pagiging isang project manager, ang mga projects na maaring hawakan mo ay pwedeng events, product launch o ibang marketing efforts o development na kailangan ng kliyente o kumpanyang pagtratrabahuan mo.
Ang isang project manager ay maaring kumita ng P8,000 pataas kada project depende sa needs at demand nito.
10. Translator
Isa din sa mga trabahong pwede mong gawin sa bahay lalo na kung marunong kang magsalita ng ibang languages gaya ng Korean, Chinese, Japanese, Spanish, o French ay pwede kang maging isang translator.
Ang trabaho ng isang translator ay ang pag-tratranslate ng mga email, videos, websites o articles mula sa ibang wika para maging Ingles.
Ang isang translator ay maaring kumita ng P15,000 to P100,000 a month depende sa fluency mo sa mga languages na kailangang mai-itranslate.
Ang mga home-based jobs na ito ay ilan lamang sa mga trabaho para sa mga nanay na maaring gawin sa bahay. Ang kailangan lang dito ay computer o laptop, internet connection at syempre ang oras mo para maisagawa ang trabaho.
Ang mga trabaho para sa mga nanay na ito ay mga entry level pa lang, marami pang trabaho online na mas nagbibigay ng mas malaking pasuweldo na nakadepende sa work experience at skills mo. Kaya naman kung nag-plaplano kang magsimula ng magtrabaho mula sa inyong bahay habang napagsisilbihan parin ang iyong pamilya ang mga home-based jobs in the Philippines na ito ang maaring maging simula mo.
Sources: Grit, The Asian Parent Philippines, Filipiknow
Basahin: Work From Home Law o Telecommuting Act, ganap ng batas!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!