Siguro narinig mo na sa balita ang bagong Tax Reform for Acceleration and Inclusion, o TRAIN law. Pero alam mo ba kung paano ka naaapektuhan nito? Importante para sa mga magulang kagaya niyo na maki-alam sa bagong batas na ito dahil may direktang epekto ito sa budget ng pamilya niyo.
Ano ang TRAIN law?
Ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law ay isang batas na nagbabago sa sistema ng ating buwis, o ang National Internal Revenue Code. Isa sa mga pinaguusapang parte ng bagong batas ay ang pagbaba ng personal na buwis sa kita para sa mga nagbabayad ng buwis.
Sa bagong sistema na ito, bawat tao na may kabuuang taunang kita na mas mababa pa sa 250,000 piso ay hindi na kailangang magbayad ng buwis sa kita. Ang mga taong kumikita ng lampas sa 250,000 piso ay mabubuwisan.
Ang dating estate tax na nasa 5 hanggang 32 porsyento, ngayon ay nasa flat rate na 6 na porsyento na lamang. And donor’s tax ay nasa flat rate na 6 na porsyento na lang din.
May mga buwis na ibinaba ang TRAIN — pero tinaas ang iba
Pero, ang bagong batas ay hindi ginawa para lang ibaba ang mga buwis. Kahit na may binabang mga buwis ang TRAIN, may mga tinaas din ang batas na ito.
Sa bagong sistema, ang mga interest rates galing ng ibang foreign currency deposits (galing sa OFW, halimbawa) ay dodoble mula 7.5 porsyento hanggang 15 porsyento.
Pati mga napanalunang pera galing sa PCSO, dating walang buwis, ay mabubuwisan na ng 20 porsyento kapag lampas 10,000 piso ang napanalunan.
Ang mga buwis sa gas at produktong petrolyo ay tataas din sa ilalim ng bagong batas. Ang mga pagbabagong ito ay siya namang umani ng mga marahas na reaksyon galing sa mga netizens.
Mahirap na buhay sa ilalim ng TRAIN
Isa ring kontrobersyal na pagbabago ay ang bagong buwis sa mga matamis na inumin (kagaya ng softdrinks). Pinapatawan ng TRAIN Law ang mga inuming ito ng 6 na pisong buwis bawat litro. Samantala, ang mga inuming may high fructose corn syrup ay bubuwisan ng 12 piso bawat litro.
Ang mga pagbabagong ito ay nagdulot ng pagaalala ng mamamayang Pilipino, lalo na ng mga magulang. Bakit? Dahil itinataas ng TRAIN law ang presyo ng mga bilihin. Ang pagtaas ng presyo ng gasolina ay nagududulot ng pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin. Pati ang pagpapataw ng beverage tax ay magtataas ng presyo ng mga karaniwang inumin katulad ng juice, iced tea, at soft drinks.
Sa ngayon, ang mga ito’y spekulasyon pa lamang. Subalit ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay isang posibilidad. Mararamdaman na lang natin ang epekto ng bagong batas na ito sa mga susunod na buwan. Sa ngayon, dapat nating tandaan ang posibleng epekto nito sa ating mga pamilya at maging wais sa mga gastusin.
Isinulat sa Ingles ni Alwyn Batara.
Isinalin sa Tagalog ni Paul Amiel Salonga.
Source: Rappler
READ: 10 Tipid grocery tips to make the most out of your budget!